Sunday, December 28, 2008

Tatay, 82



May ligalig sa himas ni tatay
sa telang sapin sa kaniyang kama,
animo telang latag sa tabasan sa tahian.
Mga himaymay nito’y taliwas
sa habing kinasanayan sa panahong
nagdaan. May kagat na salungat 
sa haplos ng gapak nyang palad.
Kakaiba ang himulmol.
Kakaiba ang dulas.
May piglas sa palad na sanay
sa kinamulatang himas.
Sa pagkapa’y di mapayapa 
ang damdamin sa sigaw na ulinig,
bumabayo sa kaniyang dibdib
nanunuot sa mga laman, litid
– ngunit ano’ng sukat at tabas 
na lapat sa nagmamadaling tinig? 
Akma kaya sa damit, isusuot ng 
mga mapupuyos na anak ,
sa asta’y  kakaiba ang tikas?

Bagong tela iyon, iba ang padron,
bagong sukat para sa bagong panahon,
inuunawang pilit ng nanlalabong paningin…
isusubo kaya ng matandang singer sewing machine?
Sa lasa’y di pa subok tulad ng mga padrong 
nakasabit sa dingding – handa sa wisyo ng panahon: 
sa tag-ulan, tag-tuyot, tag-ani, taga ng panahon: 
kamisadentro, pantalon, amerikana, barong: 
mga damit  na nagtaguyod sa mag-anak, 
kamag-anak, kaibigan, kababayan: 
magiting na suot ng mga  jose rizal, 
andres bonifacio, antonio luna, gregorio del pilar:
katutubo, katipunero, gerilya, USAFFE, beterano, sundalo:
pambalot sa katawan ng mga nasalanta - bata, matanda, 
babae, lalaki: ngunit, ano itong naririnig na daing sa
malayo? 

“…ano’ng pinanggalingan, ano’ng pinuntahan
sa turo sa panahian?” 

Sa loob ng walong dekada
tinabas niya ang kapalaran:
natutong manahi mula sa tiyahin;
asawa’y nagtinda ng maruya’t kakanin;
nangarap mapagtapos ng doktor ang panganay,
abogasya ang pangalawa, kalakal ang
pangatlo, agrikultura ang pang-apat,
dentista ang panglima; 
kinamatayan ng dalawang anak; 
pinatay ng ready-made Levi’s ang talyer; 
pinatay ng DAR ang munting bakahan sa Halcon;
dinaya ng kapartner sa negosyong telcom;
inuto ng mga tusong pulitiko;
saksi sa paghati sa kinatitirikang simbahan;
naubos maging puhunan sa kahihingi ng BIR; 
nawantutri sa kooperatiba;
bigo sa pangarap maging milyonaryo ang mga anak
bagkus, naluluong sa panitik, at pinta;
nilanggam ng diabetes ang katawan;
binulok ng tadhana ang bayag;
kumalat ang kanser  sa baga, buto, sa dugo –
“Pero mainam ang tabas… matimyas ang lapat…”

Malamig ang simoy ng hangin
sa kwarto 17 sa Veteran’s Memorial Hospital,
lapat na lapat ang likod nya sa manipis 
na puting tela, sapin sa plastik na kama
(ano iyong bakas ng katawan? kakosa 
sa ward, patawa ni tatay) buto’t balat, 
mata’t pisngi’y humpak,
sala-salabat ang tubong nakasaksak, 
sapo pa rin ang bayag.

Paghugot ng hininga, batid nyang
iba ang sastreng tatabas sa bagong tela.
Matapos ang walong dekada maluwag 
niyang tanggap ang pangako ng bukas,
mamangha sa hiwaga ng bagong panahian,
sa ginintuang guhit ng tisa, sa halip na
tuwid, pakurba pakanan, pakaliwa: 
malayo sa sukat ng kaniyang panahong 
silakbo sa gubat at kapatagan  sa Timog Mindoro,
bayang sinilangan:  sa gulang na
labimpito buong tapang na ipinagtanggol
laban sa Hapones (sapo ang bayag habang
nagmamartsang mag-isa sa pusikit na
dilim ng kagubatan: sa kanang kamay ay ulat
posisyon ng Hapones sa bayan ng Naujan, 
sa kaliwa’y karbin, kinakalawang) -
bibitaw sa hawak na gunting, medida…
bubuntunghininga: “Sunugin ang lumang padron, anak.
Ikaw na ang mag-sukat, magpanibago ng tabas.”


No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.