Wednesday, December 17, 2008

Alaala ng lumipas, sinta, ang tangi mong kasama.


Walang kapayapaan.
Nakatimo sa kamalaya't puso’y
mga hiwaga, tauhan,
kaganapang dulot ay
ligaya, lunggati, ligalig,
pagaspas ng bagwis
ng umalagwang pangarap.
Di mabura ang bakas
ng mga yapak sa daanan,
dinig pa ang mga tunog,
nanunot sa taynga ang himig,
nayayamot sa init at lamig
ng mapuyos na pagtutunggali…
o latay ng poot, katotohanang haplit
sa  likod, mukha, dibdib,.

Walang malimot.
Himaymay ng mga alaala’y
walang kawala sa bitag
ng bangungot, hayun!
nai-garapon sa dambana
ng maligalig na panahon:
mga piping palatandaan
kung saan nalugmok
kung saan bumangon
kung saan naglakbay
kung saan napasuot,
kung saan lumiko, umurong,
umiwas, umusad sa pakikihamok
na kagila-gilalas, ano kaya
ang napitas? Prutas?

Walang matakasan.
sa mga pasyang di pasya,
pangarap na di pangarap,
ligayang di ligaya,
labang di laban,
mukhang di mukhang
haharap sa mukhang
walang bibig, mata -
naghihintay sa kanto
ng daanang kalayaan,
handa sa pagsalubong
sa milagro, laon nang pithaya
ni ina, ama, kapatid,
kapitbahay, kabayan -
milagrong hubad sa katotohanan.
Wala ngang ligtas…walang
nakalililigtas sa nakaraan.

Walang makapigil
sa pagtawid ng umagang
hilahod patungong hapon.
Maging sa lamig ng gabi
bantulot ang kumot sa pagtaboy
sa mga multong hatid ng idlip
na mulat ang mata. “Sana ganito..
sana hindi mo…sana…sana…”
mga katagang kinamumuhian mo.
dasal sa bawat sandali’y burahin
sa talatitikan, ngunit ano pa
ang saysay?

Wala nang bagong umagang
hatid ay kiliti ng di mo alam,
kakaba-kabang alaalang dadag
sa dambanang imbakan,
wala nang masakit,
wala nang malungkot,
wala nang pagluha,
suntok, halakhak...
pawang alala na lamang
na minsan…

No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.