Friday, June 20, 2008

KAY EM

Ito ang simula
ng kagila-gilalas mong
paglalakbay.

Bangis
ng daan-taong pagdurusa,
asahang kaapihang babatak
sa himaymay ng bata mong kalamnan
sa landas na mapagpalaya:
bagkus, payapain ang daranasing kirot
sa mapagpalang haplos
ng mga tanod na kaluluwa.

Pagbagtas
sa gubat ng katotohana’y
sanga-sangang balatik ang naka-umang,
patibong sa iyo’y nag-aabang
daan-taon nang nakakasa:
bagkus, dagundong ng paa,
pitlag ng puso,
singasing ng diwa,
pag-ibayuhing handa
sa tuklaw ng panganib
at daluhong ng salot
sa kanan at kaliwa.

Kagila-gilalas
itong una mong hakbang,
manlalakbay:
ligaya’t ligalig itong sabay
sa paggulong ng
kasaysayan.

No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.