Monday, August 11, 2008

ANGHEL KALAHIG


Asngaw ng basura ang ngiti ni Digong Balisong sa umagang iyon sa Tambakan. Sa murang gulang na labindalawa, bawat hakbang sa basura’y animo yapak ng tigasing nagmumumog ng hinebra tuwing umaga. Maaliwalas muli ang araw ni Digo, sapagkat, hayun, sa bingit ng bangin ng bulok na bulubundkin tanaw niya ang paboritong pantsing-bag: si Tapyas, payapang nangangalahig sa ilalim ng araw na tirik. Isang sumisanging na sapok ang pinawalan ni Digo: sapol si Tapyas sa punong taynga. Dala ng katawang sim-payat ng kawayang-intsik, ngudngud ang nguso sa MacDo’ng bahagyang nabubulok, nakisalo sa pagdalirot ng mga uod.

“Ay s’ya ka…’la ‘kong atraso sa’yo, ha! Nauna ako dito!” tumutulo-tulo pa ang naaagnas na basura sa mukha ni Tapyas - walang iniwan sa kapal ng kremang pinapahid sa mukha ni Aling Pops, ina-inahan sa baklayan, gabi-gabi.

“An’ laki ng katawan mo, mahiya ka sa balat mo, hayup ka! ‘Ko la’ng kaya mo e!” tamang-asar na mura ni Tapyas.

“Digo, lubayan mo kami!” sigaw ng kapatid na si Bebeng, nakaamba ang tungkod at kakapa-kapa sa isang tabi.

“Sige, hampas! ‘Kala mo tatama ka e…kita mo ba ako? Ha? Bulag!” panlilibak ni Digo.

“Tang’na mo. Wag Ate ko! Tayo’ng dalawa lang!” bigwas ni Tapyas, sapol sa mukha ang kalaban.

Magkasing-tanda, subali’t hindi biro-birong bulto ng laman at taba ang katawan ni Digo. Rambulan iyong masayang pamukaw sa pagkabagot ng animo’y mga bulateng mangangalahig. Nagtatarang, hindi magkamayaw sa logro-diyes kung kaninong mukha ang unang mababangas, aagusan ng dugo (isang pang-araw-araw na lagim na di pansin ng mga kaluluwang tahimik na nagkakalkal sa putik):

“Letseng…Ala!!” bulong ng isa habang binubulsa ang kapupulot na kwintas.

Ang iba’y inot-inot na hinahatak ang katawan palabas sa barongbarong/butas… sasalubungin ang init ng karbon monoksayd/met-heyn ng basura, dyipni, kotse, utot, uo…patalon-talon sa putik ang lumang Nike na bagong laba, suot ang pekeng Levis, Marithe phranswa ek-ek na butas ang tuhod at pwet, nakalawit sa leeg ang tubog sa gintong kwintas na kinalawit sa malas na yayang rumarampa sa SM Megamall.

“Tapyas! Urong!” Karipas ng takbo ang mga ka-kalahig ni Tapyas. Sigalpot, nauna si Kulot: kaibigang dikit na kumukulot ang puwit kapag kaharap si Digo.

Sumunog ng dalawang mal-boro ang ngudnguran hanggang tanghaling ginusumot na balot ng hamburger ang mukha ni Tapyas: dumadalisdis na ang dugo, tangay pa ni Digo ang tiklis ng basong Jollibee, MacDo at Tropical.

“Salamat, Tapyas, ha! Sa uulitin, damihan mo pa!”, matulis na pang-asar.

“Tang’na mo! Digo! Kung hindi ka pa bobo! Nangongokopya ka lang sa’kin sa eskwela a! “

Panuya iyong kahiya-hiya sapagkat kalat sa loobang bukod pangongopya, may kipikip pang kodigo sa kili-kili. Nang masiwalat ang lihim, nabansagang “Digo”, palayaw na kapit na kapit hanggang buto. Nguni’t sa daigdig ng mga maangas, kung sino’ng humahataw ng suntok, malinaw na siya ang may laman ang tuktok. May bobo kayang bumabasag ng mukha? Bobo kayang matatawag ang iniilagan ng mahina?

“Sino’ng bobo ngayon?” Minamalas na Tapyas: lalong lublob ang mukha sa malapot na likidong basura.

“Nayn taymes ten?” sigaw ni Tapyas.

Ang ipinagtaka ng mga nakasaksi, si Digo’y sandaling napapatda. Nagsusuma sa isip? Saglit lamang at muling nanaig ang katinuang siga: ubod ng tigas nga ang dating kaibigan, gulpe-sarado’y may apog pang makikipagngatngatan.

“Iyak! Iyak!” sigaw niya habang humahalihaw ng suntok. Sumilakbo lalo ang galit sapagkat di man naringgan kahit ingit. Hingal itong binitiwan, tumindig at mayabang na nagwasiwas ng balisong.

“Pag nakita kong mukha mo uli dito…yari ka!”

“Yariin mong titi mo…Iyakin!” panunuya na ni Tapyas. “Uwi! Ayan nang tatay mo!” at kumaripas ng takbo.

Pakiramdam ni Digo, lahat ng mata sa kaniya’y nakaumang sapagkat sa Tambakan walang lihim na walang naka-aalam. Buhay pa ang amang si Diegong Kana, siga ng Tambakan, walang bukambibig ito sa anak kundi: “Wag kang iiyak! Wala sa lahi natin ang iyakin…!” at kasunod ay sapok, suntok, sampal, kutos, “…tandaan mo!”

“E ano, me benta na ako. Mahina’ng sandaan sa nakalahig ko!”

Umiigkas ang dalawang paa, ninanamnam ang sandaang sasayad sa palad, aliw na hahawiin ang daan patungo kay Mang Dyaning magbubulok.

-o0o-

Galang-gutom ang pulutong ni Digong Balisong sa talipapa (mas lubog sa likido ng naagnas na basura: dapat nakasupot ng plastik ang paa – panlaban sa tetano – sa pamamaraka ng gulay, karne, isda). Umarya ang talangka sa utak, at akmang komando ng swat, sinugod ang mga bilao/kariton/sapin sa bangketa: tinabig, tinaob, dinaklot, kinurakot, nilamukot ang mga panindang isda, karne, gulay, tinapay, kulatsang...

Nagsipaghablot ng kahoy, walis, bangkitong pamalo ang mga tindera, habol ng hataw ang pulutong. Subalit nanunuyang halakhak lamang ang kanilang inabutan sa tulin nina Digo. Sa pagliko sa kanto, sumalpok sila sa kamalasan: sa rumurondang barkada ng mga namumulaklaking Diegong Kana: mga bagong sibol na takaw-saksak sa panghoholdap sa SM o sa dyipni. Walang makapagtangkang tumakas, nahawakan agad sila at inulan ng batok at suntok.

“Ukinana! Damputin nyo’ng kalat!” utos ng una.

“’Tang’na n’yo! Kaya nyo si Kuya Dodong?” singhal ni Digo.

Maangas man ang barkada, nababawasan ang asta sa dagundong ng pangalan ni Dodong Tinga. Isang katiyakan lamang ang kalalabasan ng iringan: kaya ba nilang banggain ang aset ni SPO4?

Kani-kaniyang aset ang laban, batas iyon sa looban. Si Digong Balisong aset ni Dodong Tinga, tigasing Bisayang-Intsik - mukhang nilamukot na kondom (sa hilatsa ng kutis, sanlibong ulit na labas-masok sa langit ng mga bulaklak na walang talulot sa looban); kolektor ng weteng; taga-tulak ng bato; tongresman ng mga traysikel at trak ng basura; na aset ni SPO4 (buteteng-laot, nagmamatinka ang mukha at amoy-imburnal ang hininga) na aset ng isang kilalang pulitiko sa lungsod, at tsip ng Istasyon Disinwebe.

-o0o-

“Aset kita, Tapyas!” duro ni Digo sa madalas nilang pagkikita sa Tambakan.

“Aset-in mo’ng muk’a mo!” matigas na balik ni Tapyas.’La ‘kong atraso, sa’yo…tantanan mo ‘ko.”

“Inguso kita ke Kuya Dodong…yari ka!” banta ni Digo.

“Me madyik yata ako beee…patutubuan ko ng bukol ang kili-kili nyo lahat!”

-o0o-

Sa pagkaka-alam ni Kulot, dati’y sanggang-dikit sina Digo at Tapyas. Katunayan, magkaklase sila sa mababang paaralan. Bukambibig ni Tapyas, nang magpaulan ng utak ang Diyos, nanonood ng “sine” si Digo (sa butas sa dingding, sa kapit-kwarto na barong-barong ng mga bulaklak na walang talulot). Kapag may pagsusulit, kiling ang leeg sa pagkopya kay Tapyas. Subali’t nang pumanaw ang amang si Diegong Kana (aset ng mga pulis sa Sentral Distrik: pag may ipakakana, tatay ni Digo ang taya), nag-bago ang timpla ng utak: una’y kinando ang matabil na bibig; sumunod, tinupi ang mga aklat at tulalang nakatanaw madalas sa kawalan. Maaasahan ang ama, subali’t pinasok ng pulitika ang pangangana. Kinailangan ni Meyor ng sakripisyo sa kampanya laban sa kriminalidad –nataong eleksyon kaya’t napiling “kandidato” si Diego. Ayon sa nakasaksi, animo’y tagpo sa pelikula nang mag-swat sa barung-barong ni Diego. Sabi-sabi’y, bago nalagutan ng hininga, palihim na ibinigay kay Digo ang balisong bente-nwebe.

Tulad ni Tapyas ulila na’t walang kapatid si Digo kaya niyaya ito na makisilong sa kanila ni Bebeng at Kulot. Sa simula, turing nila sa isa’t isa’y isang tunay na mag-anak (nanay-nanayan ang kapitbarong-barong na si Aling Pops na may pa-baklay). Magkaramay sa pangangalahig, pangungupit, gulpihan, ligaya at dalamahati. Tagumpay ng isa, lahat ay kahati, kahit kapurit na Jolibing bulok may kabahagi kahit kaunti. Sa gabi, sa liwanag na winiwisik ng ilaw sa poste, sabay magbabasa ng aklat, dyaryo, o maging paboritong aklat ni Tapyas: Kalkyulus ang pamagat. Sa nabasang katuwa-tuwa, mga sira-ulong magpapagulong-gulong sa katatawa. Hindi mamamalayang sakmal na sila ng liwanag, may mga silahis na ibig kumawala at kapag nakahulagpos ay matutulis na sibat na papailanlang sa kalawakan ng gabi – mistulang diwang maglalakbay sa matatayog na bundok, sisisid sa malalim na dagat, at lilipad sa malawak na kalawakan; malayang maglulunoy sa katotohanan at kaganapan na yaman ng diwa lamang ang hadlang.

Kapag inagaw na ng antok ang mga ngiti at impit na halakhak, aandap ang liwanag at magbabalik ang malamlam na sinag ng ilaw sa poste. Ganunpaman, ang panandaliang saya’y naiwang nakatimo sa pusod ng isipan: magpapatuloy sa pangaraping magkamal ng salapi, makapagtapos sa pag-aaral; maipa-gamot si Bebeng; magka-gerlpren ng mayaman, maganda at may trabaho; tustusan ng dayaper si Kulot sapagkat kahit labing-isang taon na’y nagmamapa pa sa banig ang mapanghing ihi.

-o0o-

“Hay….puro pangarap na lang tayo e.” himutok ni Digo isang araw na bente pesos lamang ang kinita sa pangangalahig.

“Malay mo…!” buntong-hininga ni Tapyas, ”Ani Inay, pana-panahon ‘yan!

“Oy! Digo! Mahiya ka sa tatay mo, siga. ‘Ikaw, basurero! Sama ka… mapakinabangan ‘yang laki ng katawan mo!” bulyaw ni Dodong Tinga, isang araw nang matumbok ang dalawa sa akmang pangungupit sa Talipapa.

Isang malutong na sandaan ang pinalutang ni Dodong sa hangin, tuksong dahan-dahang lumapag sa paanan ni Digo. Nanigas sa kintatayuan ang magkaibigan, di pansin ang papalayong pulutong ni Dodong, gumigiri sa mga naglalanding tindera.

“Tangna, Digo! Pag dinampot mo ‘yan, letse ka. Sabi ni Inay…!”

“Pera na’ng lumalapit, tatanggihan mo pa?” putol ni Digo sa kausap.

Pauwing hindi nag-iimikan ang dalawa. Pakiramdan nila’y malinaw ang tinatahak nilang landas: singlinaw ng paglihis ng daan ni Digo pauwi.

“Pasalamat ka! May pansit tayo ngayon!” tampong bulalas ni Digo.

-o0o-

Matuling nagsibangon ang maraming umaga. Sa sangang daan sa Tambakan sa gitna ng nagraragasaang bus, kotse, dyip, kagulat-gulat napuruhan ni Tapyas ang mainit na singhutan ng ragbi: sa gitna ng pagtitipon, nangunguna si Digo sa mga “kriminal” na ka-pulutong nito: mga mangongotong, mga manininghot ng ragbi, at mang-aagaw. Dala ng gamot, ipinagmalaki ni Digong namantsahan na ng dugo ang sukbit na bente-nwebe.

“Nagbago ka! Kriminal ka na!” sigaw ni Tapyas sa upakan nila ni Digo.

“E gusto ko e!” ganti ni Digo.

“Kriminal ka na…durugista pa!”

“Mangungupit ka! Kriminal ka rin!”

Tanggap ni Tapyas ang likaw ng sariling bituka: ang para kaniya ay hindi sapat para kay Digo. Maliban sa pangungupit ng pandesal, panghihingi ng tirang pagkain sa turo-turo, paminsan-minsan ay tinutulungan niya ang Diyos na gawaran sila ng biyaya sa pagpuslit ng isda o karne o gulay kapag di pansin ng tindera.

“Masama yun!” mataginting na uukilkil sa isip ang pangaral ng inang pumanaw (kung nasaan ang ama, hindi niya itiyak kung buhay o patay- ayon sa kapitbahay, nasa Munti - sa loob).

“Huuu! Bago pa ako nagkasala pinatawad na ako ng Diyos e,” paliwanag kay Bebeng. “Ani Inay, kapalaran natin ito e. Naiintidihan tayo ng Diyos. Payag siyang mangupit ako minsan. Pag ‘alang kita sa kalahig.”

-o0o-

“Hmmm! Ambango ng sampaguita mo, Bebeng…tulad mo!” singhap ni Dodong Tinga, lumilikot ang mga daliri sa pagdalirot sa katawan ni Bebeng.

“Putang-inang Dodong!” lagitik ng mura ni Aling Pops na sinabayan ng hataw ng payong, “Bulag na, papatusin mo pa! Mahiya ka sa balat mo! Ikuskos mo yan sa semento… hayup ka!”

“Pops, kita mo ba yang katawang yan…Assunta de Rossi! Magkano ba’ng bata mo?” balik ni Dodong na may taginting ng halakhak ni Satanas.

Hindi mapapalampas ni Aling Pops ang pambabatos sa kaniyang anak-akan. Sapat na iyon upang hatawin nang paulit-ulit si Dodong Tinga, na ngayo’y pasayaw-sayaw sa pag-ilag saliw sa pumuputok na halakhak. Iiling-iling ang mga matandang nagbabaklay sa tabi ng barung-barong, walang ibig humadlang. Kilala ang bangis ni Tinga. Gayundin si Digo, tahimik na pinanonood ang kaniyang panginoon sa panooring kakaiba. Sa tagal ng pagkakakilala niya kay Aling Pops, ngayon lamang niya nasaksihan ang tapang nito sa pagtatanggol kay Bebeng na hayu’t nakabayuot sa isang ilalim ng mesa ng baklay, lublob sa putik, apuhap ang bastong alalay.

“Pops, kung hindi ko lang kumpare si Boy, utas ka! Utas ka!

“Patay na’ng asawa ko, di tuloy mo! O ano? Kaya mo lang babae! Ang dami mo nang babae…anak ko ‘to oy!”

“Sya! Assunta…titkman kita ‘sang araw!” bubuga ng maasbok na usok habang papalayo, kabuntot ang tropang takaw-salbeyds, kabilang si Digo.

Bakas sa kilos ni Digo ang pag-aalanganin - pag-aalangang humingi ng paumanhin kay Bebeng na kasama niya sa paglaki; pangingilag ni Dodong Tinga kay Aling Pops; gayong kriminal mayroon din palang paggalang; di niya pagpalag upang ipagtanggol ang kaniyang itinuring na “ate”. Subali’t pag-aalanga’y saglit lamang, ngayong siya’y siga, mas mapanganib pa ang mga paghamon na kaniyang susuungin.

-o0o-

“At saka, Tapyas, kasama si Digo!” sabad ni Kulot.

“Tikman ha! Makaktikim sila kay Mang Alex! Pa-salbeyds ko sila lahat!” hikbi ni Tapyas habang ginagamot ang mga galos ni Bebeng.

“Sino’ng Mang Alex ‘yun, hoy!” sigaw ni Aling Pops, asbok sa usok ng sigarilyo ang bunganga.

“Mang Alex… Bon-kayaw po. ‘Pag abusado, isang bala lang!”

“He! Yan ang kapalaran ng mga matatapang…” tamang sandaling hinihintay ni Aling Pops upang unmpisahang mag-vilmasantos, “…si Boy ko! …sanggano…kaya kinuha na ni Lord!” Maghahalo ang luha at uhog sa pag-alaala sa masasakit na kahapon ng kaniyang iniirog.

“Sino pong hihingan ng tulong…si SPO4?” pambara ni Tapyas bago maipagpatuloy ni Aling Pops ang drama.

Hindi makakasagot, mananahimik si Aling Pops: uusok sa alaala ang naging usapan sa looban na ang kumana kay Boy ay si…

“Magdasal ka…,” himok ni Aling Pops, “mapag-himala ang Diyos.”

“Oo, Tapyas. Madyikin siya ng Diyos, ayos!” sundot ni Kulot.

“Kailan pa kaya mangyayari yun?” bulong ni Tapyas. “Me bakukang na’ng tuhod ko sa kaluluhod, di pa natupad ang pangarap ko!” Papalaot ang isip at iisa-isahin ang mga kahilingan sa Diyos sa nakaraang anim na taon: tatlong simpleng kahilingan na wala pang katuparan– magulang, pag-aaral, gamot ni Ate Bebeng. Ngayong nalalapit na ang araw ng kaniyang pagsilang, batid ni Tapyas madagdagan muli ang taon na walang nagaganap na himala sa kaniyang buhay.

-o0o-

“Himala, Tapyas! Sinagot ang dasal ko! ‘Kakalipad na’ko”, muntik maunat ang buhok si Kulot sa kasabikan. Trumpong umikot ang puwit nito sa kakaibang bagay na nakalahig ni Tapyas.

Hindi tae, o mabantot na dayaper, o plastik o kuwintas na ginto: puti ang kulay, mabalahibo ngunit busilak nang linis gayong natabunan ng putik at basura. Sabik ding tinikwas ni Tapyas ang isang malaking puting pakpak. Kapansin-pansing walang tali na pangkabit sa likod – sa halip makinis na animo’y buto ng tinapyas na pakpak ng manok.

Nahimasmasan si Kulot nang mabatukan, babalang may parating na panganib. Sa di-kalayuan sagsag ang pulutong ni Digo. Animo’y tagpo sa pelikulang patawa, umalibukay ang alikabok at basura at putik sa pagtatabon sa pakpak. Kay Tapyas, masama o mabuti ang dala nito, basura iyon na mapagkakakitaan at dapat iligpit sa mata ni Digo.

“’No yan, ha! Jollibi? Ha?” pang-gulat ni Digo.

Pagod na sa kaapihang dinaranas, dinampot ni Tapyas ang nakabalot sa pahina ng komiks at isinupalpal sa mukha ni Digo.

“Aaahk! Tae. Bwa ka, Tapyas!” kandasukang habol nito ng halihaw ng bente-nwebe. Samantala’y pa-inot-inot at mapayapang hinukay ni Kulot ang pakpak, alagang sinukbit sa tiklis, at walang anumang tumalilis.

Dinig na sa radyo ang malamyos na tinig ni Tiya Dely, matibay na reyna ng malupit na iyakan sa radyo tuwing ikatlo ng hapon, subali’t wala pa ring tigil ang habulan sa tambakan: sa gilid ng bangin ng basura, sa ilalim ng trak, sa gitna ng umuusok na bundok.

Gabi na nang tantanan si Tapyas kung kaya’t mapayapa silang nakauwi, akay si Bebeng. Gayong hagok sa pagod, di limot ni Tapyas ang unahing ipinaghain si Bebeng, kasunod ang mga alagang askal at puskal. Matapos sumubo ang kapatid, inaryahan na ni Kulot at Tapyas ang bagong init na pansit (nabungkal na panapong pansit ng Max’s: ini-init).

Una’y tinginan, susundan ng bunghalit ng tawa, kaya mahihiwagaan si Bebeng sa ikinikilos ng kapatid at kaibigan. Pakiramdam niya’y mayroong di-pangkaraniwang kagalakang kumukumot sa dalawa. Sa halip na sagutin ang tanong ni Bebeng, pawang ngiti’t hagikhik ang naging sukli. Anuman ang lihim na iyon, pagod na si Bebeng upang uriratin pa. Sapat na ang dumaang araw na walang masamang tagpo sa baklayan na pinag-bidahan ni Dodong Tinga.

-o0o-

“Tanga!” singhal ni Dodong. Para kang di anak ng tatay mo. Yung kawayang-intsik na ‘yun, di mo kaya?”

“Alang binatbat yang bente-nwebe ng tatay mo! Supot!”

Bago pa makakantiyaw ang iba, sumibat na si Digo, sagsag kasunod ang sariling pulutong.

“Ha! Sino kayang supot? Abangan nyong gagawin ko!” sa pagbitiw ng banta umuusok ang mga paang sumugod kay Tapyas.

“Hoy! Anumang balak mo, pwera si Bebeng!” pahabol ni Dodong.

Nag-aagawan ang liwanag at karimlan sa tuktok ng Tambakan. Sa tabing ng usok ng nasusunog na basura at naghihingalong silahis ng pulang araw, tanaw ni Digo ang aandap na kandilang liwanag sa loob ng barong-barong ni Tapyas. Walang sinayang na sandali, marahan, ingat na di marinig ang anumang kaluskos, nagawang makalapit sa dingding, Sa loob, nabanaag na binubusisi ng tatlo ang puting pakpak.

“Malambot at madulas…” bulong ni Bebeng. “Baka swerte na natin, pakpak kasi ng anghel!”

Sa pagsalat muli, pakiramdam niya’y may sundot ng kidlat na pumulandit sa palad, nanggugulat, nangingiliti – animo’y tilamsik ng tuwa at hiwagang dala ng mga alaala, salaysay, haka-haka, lagim, at kababalaghang naghahari sa daigdig ng Tambakan.

“Madyik! ” impit na sigaw ni Kulot.

“Engkanto!” panggigilalas ni Tapyas.

“Himala! Baka…” singit ni Bebeng, mauudlot sa pag-asam na sana“…baka magmilagro, ano, Ate! Makakita ka na…” salo ni Tapyas.

“… ng panget!” kulit ni Kulot, “..tulad ko. hehehe!”

Sa nasaksi, nagbara ang namumuong inggit sa dibdib ni Digo. Habol ang hininga, pilit hinihigop ang kumakawalang katinuan, habang patuloy na naglalaro sa isip ang makinis at busilak sa kaputiang: “Mahiwagang pakpak!” Sa wakas, nanaig ang bantang wakasan ang kahihiyan. Mabilis ang naging pagkilos ng pulutong – animo’y tubig na binuhos ang gasolinang dala sa paligid ng barong-barong: mahiwaga man o hindi, isasa-katuparan ang hangad na higanti.

“Uh…amoy gasolina.” hindi nalingid ang halimuyak na iyon sa singhot ni Bebeng.

Sa mga ilong sa Tambakan, magkawangis ang amoy ng gasolina at basura, kaya’t di pansin ng dalawang galak sa pagkutingting sa puting pakpak. Saglit pa’y maririnig ang tunog na animo’y pitik ng nagliliyab na panggatong. Palakas nang palakas.

“May nasusunog!” amoy uli ni Bebeng, siyaring pangingiramdam ni Tapyas at Kulot.

“Sunog? Hindi Ate, patak ng ulan!” sigaw nina Tapyas at Kulot.

Dumapo ang panglaw sa kanilang katauhan, bumuhos na ang kinatatakutang ulan. Tuwang tumulo ang malamig na tubig sa mga butas sa bubungan, hinanap ang mga katawang pagtitirikan ng ginaw. Tulad ng nakagisanan sa Tambakan, wala magagawa kundi magkanlong sa tuyong sulok o mamaluktot sa kapirasong kumot.

Sa malayo, tanaw ni Digo ang maputing usok na natira sa apoy na muntikang lumamon sa barong-barong. At bagama’t babad sa malamig na tubig-ulan, nag-aapoy ang katawan sa nadaramang init ng hiwagang bumabalot sa pakpak.

-o0o-

Mistulang sumpa ang ulan sa Tambakan sapagkat kaagapay nito’y baha, sipon, lagnat, pulmunya, hika, rayuma, ubo, at basang labada (ganunpaman, tigib sa kasiyahang naglalanguyan ang mga bata sa nag-lawang tubig sa burak).

Ngunit sa tuwang alay ng puting pakpak, kaydaling nawaglit sa tatlo ang bantang panganib. Gabi-gabi, salit-salit sa pagsusuot sa pakpak. Sa hiwagang hatid ng isang mayamang diwa at marubdob na pagnanasang kamtin ang ginahawa sa isip at murang katawan, animo’y mga anghel na umiindayog sa malamyos na tugtugin; lumilipad sa mapayapa’t malamig na papawirin; kinikilig sa malamig at malambot na sutlang ulap na humahaplos sa galusing balat; lukob sa liwanag na nagduruyan sa pag-indayog sa kalawakan – sya ring mahiwagang liwanag na nagpipiglas kumawala sa barong-barong, at sa tulong ng ambon ay nagsabog ng bahag-hari sa karimlan ng gabi.

“Lintek! Tapyas! Gasera mo masakit sa mata!…Patayin mo ya’t baka samain ka!” naalimpungatan ang mga nagbabaklay kina Aling Pops, sa pag-aakalang may hasag na malakas ang ilaw.

“Tantanan nyo ang mga bata!” saway ni Aling Pops sa mga pasaway.

Sa bundok ng basura, tanaw sa dilim ang mga barong-barong na yari sa mga pinagkabit-kabit na lata ng mantika, kahon ng malboro, lawanit na punit-punit, na naghihintay sa pagdating ng mga bulating kaladkad ang katawan, sakay ng mga traysikad, dyip o kadilakad, kung saan hilahod na magsusumiksik sa kani-kanilang butas. Ang kakaiba’y ang matutulis na silahis ng liwanag sa barong-barong nina Tapyas, animo’y umiindak saliw sa mataginting nilang halakhakan.

Hindi nakaligtas sa matalas na mata ni Digo ang tanawin. Sa malayo, manghang-mangha sa liwanag na sumisingaw sa mga butas sa dingding . Sa kabiglaanan, napako sa kintatayuan, at sa gayong ayos, iba’t ibang kulay ng tahimik na silahis ang tumagos sa katawan: nanunuot sa bawat sulok ng kaluluwa at kalamanman - nananaliksik, nakikialam sa katahimikang binasag ng basag na tinig ni Dodong Tinga.

“Ulol!” na nagpawala ng matinding sapok, “ano’ng tinatanga-tanga mo? Kasisilip mo lang sa kadyutan. ‘no?…‘Nong tinitingnan mo dyan?”

“Yung…yung…liwanag kina Tapyas…”

“’No’ng liwanag? Wala! Oy! Utot mo! ‘Kala mo mau-ulol mo ‘ko, ha? Koleksyon mo, akina!” kaladkad sa putik si Digo na hindi mabaklas ang tingin sa liwanag.

“May…himala…” bulong ni Digo sa sarili.

“Ano? Si Nora Onor ka?”

-o0o-

Palahaw ni Elsa sa pelikula ni Bernal: “Walang himala!”. Paano ngayon maipaliliwanag ang kapansin-pansing pagbabago ni Digo sa mga sumunod na panahon?: tigil-upak na kay Tapyas at Kulot; kagulat-gulat na tagasunod sa pangangalahig makantyawan man ng ka-pulutong; higit pa, sa pagdating ng trak ng basura, si Tapyas ang pina-uuna; walang patid ang suhol na pagkain at suplay na de-lata para sa mga alagang hayop at sa mga batang namamalimos sa talipapa.

Huwag na malingat si Tapyas, agad na hahaplusin ni Digo ang pakpak nang buong pagsamba. Pakiramdam nya’y pinipitik ng kidlat ang buong katawang umaangat hanggang marating ang alapaap. Kadalasa’y halos panawan ng ulirat sa inggit kapag ipinagagamit kay Kulot ang pakpak. Minsang hindi makakapagpigil, akmang banal na aso nagsumamong maisuot naman ang pakpak. Walang bagay kay Tapyas, ipahiram man o hindi ang pakpak, ang batid nya, lahat ng panunuyong iyon ay balatkayo lamang ng isang nagpapanggap na kaibigan.

“Hipo na lang!” Walang kibong tatalima si Digo – kahit hipo’y sapat nang madama ang hiwaga.

-o0o-

Sinlakas na ng lagaslas ng tubig sa poso ng bumbero ang hugos ng ulan. Kung sa gitna ng looban animo’y may dambuhalang dagat kung saan maligayang lumalangoy ang mga bata bagama’t kinalunuran ng limang kabataan kamakailan, sa loob ng barong-barong ni Tapyas, may nagtatangkang sumisid sa puri ni Bebeng. Sapo ng gapak na palad ang bibig, nagpupumilit si Dodong Tinga sa pagpunit sa damit nito. Nabibingit na ang tagumpay nang matili si Dodong sa kagat ng matalas na ngipin ng nanlalabang dalaga. Tili iyong nakatawag ng pansin sa mga nagbabaklay sa kanug-nog na barong-barong.

“Tang-ina mong Dodong!” sigaw ni Aling Pops habang habol ng taga ng itak si Dodong.

Sa pagtalilis, nanganib na maputulan nang maipit sa zipper ang pinagmamalaking ari, bagama’t agos ang dugo sa hiwa ng taga sa likod.

“Letse ka, Pops! Babalikan kita!”

Takot ay karaniwang damdaming saklot ang mga taga-looban: batid nilang hindi mapag-biro si Dodong. Subali’t ito ang hantungang laon nang pinaghandaan na ni Aling Pops mula nang pumanaw si Boy.

“Tangna mo! Babae lang kaya mong hayup ka!”

Nanginginig ang bisig ni Aling Pops sa higpit ng pagyakap kay Bebeng. Sa unang pagkakataon, nadama ni Aling Pops na may kahulugan ang naging buhay niya sa looban.

-o0o-

“Ate, lipat na tayo!“ ungot ni Tapyas, takot sa banta ni Dodong Tinga.

“Tapyas, kahit saan tayo mapadpad, isa lang ang kapalaran natin …ako’ng bahala. Papatayin ko siya pag nagpakita dito!” matigas na pagsusumamo ni Aling Pops.

-o0o-

Naging pipi ang paglipas ng panahon sa anumang balita tungkol kay Dodong. Nagpatuloy ang kanilang pakikibaka sa lamig ng ulan, sa darang ng araw. Sa likod ni Tapyas nanatiling nakabayubay ang puting pakpak…walang takot na nangangalahig gayong batid ang bantang panganib na paguho ng bundok-basura anumang saglit.

“Hu e nung isang taon gumuho din, a. Walang nangyari a!” yabang ni Tapyas.

“Ngayon pa… me mahiwagang pakpak tayo!” bulong ni Digo.

“Dun ka sa bos mong reypist!” supla ni Tapyas.

“Takot ko lang masalbeyds…” bulong uli ni Digo

“Asan kaya si Dodong? Na-salbeyds na siguro!” sabad ni Kulot.

Pabiro kahit sa murang isipan, subalit sa Tambakan, hindi malayo sa katotohanan ang usaping dinadaan sa tawa. Walang iniwan sa pamumuhay ng mga nakaririwasa, ang buhay ay hindi malayong laman ng usap-usapan, alamat o haka-haka. Sari-sari ang nilulubid na kasinungalingan; mga salaysay na hubad sa katotohanan, na natatapos sa lagutok ng halakhak o kaya’y malalalim na buntong – hiningang nangangapa sa pangarap na inaaasam…o bangungot?

“Oy! Tabi lahat dyan! Paraanin si Angel Kalahig.” biro ng isang butad na bungal na dating kabit ni SPO4 nang masabaw pa.

“Tantanan nyo ang bata!” sigaw ng isang nangangarap na sana nga’y mahiwaga ang pakpak ni Tapyas.

“Ano’ng pake mo…pekpek mo!” ganti ng isang di palalamang.

Kung kaya, alas-singko pa lang ng umaga, may sabunutan na ng mga puyat at lasing sa baklayan. Bakit nga hindi maaaring pag-sabunutan ang buhay ng magkapatid na animo’y operetang sinusubaybayan tuwing alas sais trenta ng gabi? May himala, pahayag ng isa. Himala nga’t patunay ang malakas na benta ng sampagita ni Bebeng; o nakaka-tatlong daan araw-araw si Tapyas sa pangangakalahig; o, nakakaaninag na ang mata ni Bebeng; o, maging ang pabritong aklat na kalkyulus, saulado na ni Tapyas.

“Luma ang mga propesor sa YuPi”

Laman siya ng mga salaysay sa gitna ng mga tagpong hitik sa iyakan, sampalan, patayan, kantutan, ibigang mayaman/mahirap, pulitiko, karaniwang tao, at sa huli’y magwawagi at matagumpay na paghiganti ng sawi.

-o0o-

Gabi, umaambon-ambon, kumukulo sa bituka ng dilim ang kabuuan ng Tambakan. Si Kulot at Tapyas, bagama’t basa kahit naka-kapote ng trasbag, hilahod sa pagod at dumadahak ng plema sa kapaguran, ay sagsag na sa dulo ng tambakan (malapit sa bangin nagsisilbing bubungan ng mga barong-barong), duon kung saan naglisaw ang mga batang mangangalahig, nag-titipon sa paligid ni Digo, tulala, namumuting animo’y santong naninigas sa lamig. Katal ang kamay nitong mahigpit ang kapit sa kalahig – at ang kalahati’y nakatusok sa tiyan ng nabubulok na katawan ni SPO4.

“Digo! Digo!” alog ni Tapyas sa balikat nito.

“Gaaa-haaak!” sumirit ang suka ni Kulot sa nakita: lubog hanggang bukong-bukong ang paa ni Digo sa tiyan ni Dodong Tinga.

Marahan nilang inakay palayo si Digong sakmal ng lagim - sa namumulang mata nabanaag ang kasagutan sa nakaraang palaisipan: kaya pala matagal nang nawala si Tinga…kaya pala wala nang nagungulit kay Bebeng…kaya pala tigil muna ang kotongan nitong nakaraang isang linggo…kaya pala nagsisibalikan ang mga sigang pina-puga ni SPO4…kaya pala may bago nang SPO4…kaya pala kahapon may kotongan muli sa palengke, sa kanto, sa Tambakan…kaya pala tigasin na si Tutpik dahil siya na ang aset ng bagong SPO4.

“Mahiwaga ang pakpak mo, Tapyas,” bulalas ni Digo.

“Si Mang Alex yun!” tanggi ni Tapyas, bagama’t may matamis na ngiting kumawala sa labi.

Himalang napukaw ang malay ni Digo, nakabungisngis palundag-lundag habang papalayo, kaakbay si Kulot at Tapyas, maluwag ang hininga na kanina’y binarahan ng plema. Pakiramdam niya’y lumulutang ang mga paang angat sa putik. Anupa’t sa paniwala sa hiwaga ng pakpak, ang dilim na kumakain sa buong tambakan ay nagbigay liwanag sa isang malawak na kagubatang hitik sa matatayog na puno, malalagong halaman, mababangong bulaklak, at hayun, tatlong tanging kaluluwa’y nagsisilangoy sa malamig na tubig sa ibaba ng talon:

“Imburnal, Tapyas!” palahaw ni Kulot.

Bagma’t tigmak sa putik, hindi mabaklas ang ngiti at ligaya sa dibdib ni Tapyas at Kulot. Ligaya iyong naging mailap kay Digo - saya, na batid nyang nanahan sa pusod ng kaluluwa, mabibigyang laya lamang kung maaangkin ang mahiwagang pakpak.

-o0o-

Malalim na ang gabi (dalawang kapetera ng kape na ang nalalaklak ng mga ka-baklay ni Aling Pops), sa tindi ng kapaguran, nahimbing ng malalim si Tapyas at hindi namalayan ang pagpasok ni Digo (matapos pakainin ng pandesal na babad sa hinebra ang mga askal). Dahan-dahang nilapitan ang pakpak, maingat na sinungkit sa pako - nangangatal, animo’y napapaso ang kamay. Isang malalim na buntong-hininga ang kumawala sa lalamunan ni Digo.

“Ako…si Anghel Kalahig,” sabik na ibinayubay ang pakpak.

Maingat, humakbang palabas. Hindi inaasahang nasaklit ng paa ang mukha ni Tapyas. Animo’y gulat na pusang umigpaw ng pinto, kasunod si Tapyas, pupungas-pungas. Ingay ng hataw ng mga paa sa putikan, kalampag ng nasaging lata, yero, bintana’y nagpasabog sa katahimikan. Bumalikwas si Kulot sapo-sapo ang pundiyo (nakup! na-ihi uli sa banig); nalimpungatan ang mga nagbabaklay sa bahay ni Aling Pops (“Bwa ka nang mga bata yan, oo!”).

Sa lakas ng dilaw na sinag ng ilaw sa mga poste sa Tambakan, hindi nakapagkanlong sa kadiliman ang kumikislap at puting pakpak - sa indayog ng takbo ni Digo’y animo’y pumapaga-pagaspas. Sa bawat liko, kaliwa o kanan, kasunod si Tapyas: nagtatampisaw ang mga paa sa tubig at putik, nanggagalaiti ang mga ugat sa binti, leeg at mukha - hanggang masukol sa tuktok ng tambakan, kung saan malapit sa banging madulas. Hinugot ni Digo ang dalang balisong, iwasiwas, inundayan ng saksak si Tapyas. Nadulas sa kasamaang palad, nadapa’t tumilapon ang balisong. Umigkas patayo at bumira ng bara-bara: kaliwa at kanang bigwas na sa hangin nagsitama…hanggang sa madapa sa kapaguran at humagok sa pagsinghap ng hangin.

“Mahiwagang Pakpak! Bigyan mo ako ng lakas!” hiling ni Digo sa tinig na hindi maipaliwanag.

“Digo, walang madyik ‘yan!.”

Nag-iigtingan ang mga litid ni Digo sa higpit ng hawak sa pakpak, naka-amba ang kuyom na kamao, tanda ng paglaban. Siyang pagbuhos ng ulan, hugos na animo’y rumaragasang talon, kataka-takang inumang sa palad na kuyom. Unti-unti, ang init ng galit ay humupa sa daloy ng malamig na tubig. Lumuwag ang higpit ng kamao, mabilis binaklas ang pakpak, ipinukol kay Tapyas. Walang pasubali, tahimik na lumayo - nag-iwan ng mga tanong na tanging siya ang makakasagot.

Tigalgal man sa naging pasya ni Digo, kaagad isinukbit ni Tapyas ang pakpak at sagsag na sa paghabol.

“Pwede naman tayong magkaibigan, a!”

Hindi tiyak sa naibulalas, subalit iyon ang mga katagang bumalong mula sa kaniyang dibdib. Kaibigan: iyon ang ibig niyang itawag sa kanya ni Digo.

“Wala akong kaibigan! Hindi kita kaibigan!” sigaw ni Digo, sinlakas ng buhos ng ulan.

Nasadlak sa putik ang paa si Tapyas: unti-unting bumaon, sapo ang bigat ng tinuran ng kaibigan. “Wala akong kaibigan…hindi kita kaibigan!”…mga salitang umugong paulit-ulit sa kanyang isipan. Bago tuluyang makalayo si Digo, pinawalan nito ang tunay na nadarma.

“Kaibigan mo ako!”

-o0o-

Hapong-hapo kung kaya’t hindi na nakuhang hubarin ni Tapyas ang pakpak, bumagsak ito sa higaan na animo’y panapong pumapatak mula sa trak. Malakas ang hampas ng ulan sa yerong bubungan subali’t hindi mapukaw sina Bebeng, Tapyas at Kulot sa lalim ng pagkakahimbing. Maginaw ang paglipas ng mga oras. Hanggang sa pag-uumaga …ginising sila ng magkahalong dagundong at palahaw ng mga tao sa labas ng iskinita.

“Takbo! Gumuguho ang tambakan!

Simbilis ng kidlat at sinlakas ng kulog, umigpaw sa banig si Tapyas. Hatak si Bebeng at Kulot palabas sa barongbarong na dinudurog ng gabundok na basura; takbong walang puknat, umiilag sa nagsasalimbayang kahoy, yero, bato putik at tubig, kasabay ng libo-libong bulating nagsipulasan. Ang ugong na iyon… mga palahaw; iyak ng bata at sanggol; ungol sa ilalim basura, delubyo ng ulan, lagapak ng kulog at kidlat… ungol ng kamatayang nanunuot sa laman at kaluluwa.

Sakmal ng sindak, nagpatuloy silang tatlo sa paglikas, hatak si Aling Pops na nalamutak ang krim sa mukha, hanggang sa marating ang barong-barong ni Digo, na animo’y lata ng gatas na dinurog ng yapak ng dambuhala.

“Si Digo!” palahaw ni Tapyas.

Di alintanang mapahamak, gumapang sa ilalim ng barong-barong na patuloy na napipisa sa bigat ng basura’t tubig. Sa loob natagpuan nitong nadadagan ng aparador ang paa ng kaibigan – himalang buhay. Ubos-lakas nitong inangat ng balikat ang aparador. Bagama’t nabali ang binti, nagawang gumapang ni Digo palabas patungo sa bahaging ligtas - kasabay ng nakabibinging ugong ng pagguho ng basurang nilunod sa baha. Bahaw na ungol ng lagim ang namuo sa lalamunan ni Digo:

“Tapyas!”

-o0o-

Sa matarik na bahaging ligtas, nakatirik ng buong yabang ang tolda nina Meyor, pumuputok sa relip guds na ambag nina Senador, Kongresman. Naroo’t dagsa ang telebisyon, radyo, dyaryo, mga usisero, karaniwang tao, pulis, militar, mga nakikidalamhati, mga kaluluwang mangalahig sa buhay at patay. Sa mga nasagip, luha at dalamhati ang namayani sa kapalarang sinapit ng sarili’t mga kamag-anak. Sa mga namayapa’y kagalakan ngayong malayo na sa kahirapan.

“Daming pagkain,” sigaw ni Kulot,” ubos ito ke Tapyas!”

“Ha? Nasa’n nga pala s’ya?” tanong ni Bebeng na abot-taynga ang ngiti.

Nakabungisngis, sabik na ipagmalaki ang gabundok na pagkaing naipon, dali-daling umikot sa buong Tambakan si Bebeng at Kulot sa paghahanap sa kapatid. Nagawi ang dalawa sa loob ng tolda na nagsisikip sa buhay at bangkay na nakatiwangawang. Naroo’t nadatnang nakahiga si Digo: animo’y basurang nagulungan ng trak, duguan ang mukha, balot ang katawan sa gula-gulanit na basahan. Walang itong puknat sa pag-iyak, mahigpit ang kapit sa pakpak ni Tapyas na nakapatong sa dibdib… umuungol na di mawari: sa lalapit ang isang ina, luhaan, karga ang anak na balot ng putik, at galak na nagbalita.

“Bebeng, ka-tapang ni Tapyas! ‘Labas-masok sa silong ng basura hanggang umaga…ay!... hatak palabas ang natabunan! Salamat ka’mu sa pagligtas sa beybi ku!”

“Talaga po? Nasan po si Tapyas?” Bagama’t katabi, malayo na ang diwa ng kausap, lumilipad kasama ng hinagpis ng anak na muntik nang malibing sa tambakan. Ungol na lamang ni Digo ang nagingibabaw sa nakakatulig na ingay…tumuturo ang isang nabaling daliri sa mga ulap... bumubulong.

“Ano raw?” tanong ni Kulot, di maulinig ang tinig ni Digo gayong kay Bebeng singlinaw ito ng pagaspas ng pakpak.

“Anghel…Kalahig!”

19 comments:

Agnes Rosales said...

sir baka po pwede malaman ang talambuhay nyo.

lemgarcellano said...

salamat sa pagbasa mo sa kwento. maikli lang ang salaysayin ng buhay ko at hindi naman mahalaga. ito na lang mga nasulat ko ang maaaring magkwento ng ilang tagpo sa buhay ko. salamat uli.

missnovemberxx said...

Hi, Sir. Ito na po ba ang buong nilalaman ng iyong nobelang "Anghel Kalahig"? Nais ko po sanang malaman kung ito na po ba ang buong nilalaman kasi may asignatura po kame sa Filipino at wala po akong mahanap na hard bound copy sa aming paaralan at mga bookstore. Maraming Salamat!

missnovemberxx said...

Hi, Sir. Nais ko lang po na malaman kung ito na po ba ang buong nilalama ng iyong nobelang "Anghel Kalahig"? Maraming Salamat! :)

lemgarcellano said...

Hi, missnovmberxx. Salamat sa pagbasa mo sa aking maikling kwento. Ito na nga ang lahat na nilalaman ng "Anghel Kalahig".

missnovemberxx said...

Maraming salamat po, Sir! Alin pa po sa inyong mga naisulat ang nagwagi sa Palanca Award?

Aldrich said...

sir, pwde po ba mkakuha ng buod nitong ginawa mong kwento? pwde rin po ba malaman ang talambuhay mo?

Anonymous said...

Ang galing niyo naman po.Ano po inspiration niyo sa paggawa nito?

SHAIRA ENRIQUEZ said...

Ang ganda po nang sinulat niyung pyesa, sana po ay ipagpatuloy nyu lang ang pagsusulat.nagustuhan ko po dahil kompleto sa rekado,may kwelahan at seryusohan,,hahaha, katulad nang"may himala , ano? nora onor,,lol po tlagah,congratz po

lemgarcellano said...

Salamat at nagustuhan mo ang aking maikling kwento, Shaira. Oo, walang tigil ang pagsusulat ko. Nagsusulat din ako ng dulang pampelikula at ito nanalo rin sa Palanca, tulad nitong Anghel Kalahig. Magsulat ka rin.

Mae said...

Sir ask ko lang po nabasa ko na po ung kwento anu po ba ibig sabihin ng Kalahig??tnx po

lemgarcellano said...

yung ginagamit sa pagbubungkal ng basura. kung minsan ang tawag buriki.

Mae said...

Sir...salamat po ng marami sa pagsagot sa tanong ko..salamat din po sa pag Post ng kabuuan ng kwentong ito...d q na kylangan pumunta sa PALANCA....hehehhe :) More Blessings po sa inyo Sir....

GodBless

Anonymous said...

anu po ang buod ng kwento na ginawa nyo ? masyado po ksing mahaba ,. pls , thank u po !

julian equinan said...

sir, gud eve po nais ko po sanang hingan kau ng talambuha para sa aming action research.... kahit kaunti lang po. At tanong ko rin po kung ano ang kaugnaan ng inyong soinulat sa inyong buha na ANGHEL NG KALAHIG.... inaasaahan ko po ang inyong tugon maraming salamat o... sana po a makuha ko ang inyong talambuha ngayong martes.... salamat ng marami

lemgarcellano said...

Julian equinan, writer at director ako ng mga educational television programs tulad ng Batibot, Bulilit, Hirayamanawari, Sineskwela, Eskwela ng Bayan at marami pang iba. Nagsusulat din ako ng dulang pantelebisyon (teleserye) at pelikula. Pero ngayon nakatutok ko sa pagsusulat ng maikling kwento. Ang "Anghel Kalahig" ay hango sa mga nababasa kong balita sa dyaryo, sa mga kwento ng mga kaibigan, mga kwento ng himala at mga kwento ng ating lipunan. PInagsama ko lahat ng ito sa kwento. Ang kugnayan: ang gusto kong sulatin ay mga kwento na magpapahalaga sa kalagayan ng ating lipunan, lalo na ng mga bata, at sa huli ay may mai-ambag na aral sa sinumang babasa.

jen salas said...

hi sir. nais ko lamang pong malaman kung ano po ibig sabihin ng anghel kalahig at anung genre ng panitikan po ito?

jen salas said...


hi sir. nais ko lamang pong malaman kung anung genre po ito ng panitikan at kung ano po ang ibig sabhin ng ang anghel kalahig? salamt po.

lemgarcellano said...

Jen Salas, social realist genre na may halong fantasy. Ang kalahig ay ginagamit sa pagbubungkal ng basura.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.