Thursday, May 1, 2008

KAKAIBANG TAG-ULAN SA BUNDOK SIALDANG


kakaiba ang tag-ulan ngayon
sa Bundok Sialdang:
singaw ng darang na lupa’y
alimuom ng batis na tigang;
taghoy na ulinig ay dalisdis ng
tubig sa dibdib ng gubat,
ligalig sa singhap ng
sanga’t dahong uhaw
sa kapayapaan.

dalang daing ng hangi’y
ngitngit ng muhi sa dibdib.

may hinagpis sa tunog ng halik
ng maitim na ulap sa labi ng bundok
saliw sa matalas na kidlat at kulog -
animo’y alingawngaw
ng banta ng mga mapagsamantala:
“Busbusin ang kabundukan!
Laslasin ang sinapupunan!.”

Balisa ang tag-ulan ngayon
sa Bundok Sialdang:
ragasa ng tubig sa Mag-Asawang Ilog
ay may anyayang pakinggan
ang bulong ng agos -
babala sa mga mapansalaula:
“Ormoc… Real.. Guinsaugon.”

No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.