Sunday, May 4, 2008

BITAG NG PANGARAP

1
pahiyas,
kaakit-akit,
sa bintana’y nakalawit
masalimuot
ang kaayusang
 sigay, kapis
pinagsugpung
ng hiling na lihim
tanging ikaw lamang
ang nakababatid -
ganda’y nag-aanyaya
sa pangarap na dala
ng maalinsangang hanging
magpatihulog sa
sa bitag na kasa.

2
kakaibang tunog!
nagpupuyos
ang pingkiang
kapis at sigay!
kapagkuwa’y
malayang indayog
sa malamyos na simoy
ng mga pangarap,
paindak-indak,
paiwas-iwas, pumipiglas
malaglag sa bitag
na sa hinagpis lala .

3
may hiwaga
sa ihip ng
maaalinsangang hangin.
kalansing ng kapis at sigay
ay bahaw na daing,
palahaw ng nagmaliw
na ligaya, ligalig 
na pagsusumamo
ng hiling,
lihim.

No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.