Thursday, May 1, 2008

KAAYUSAN SA SIGALOT AYON SA TEORYA NI LORENZ

mainam na pansaka
ang sandatang Barret M468 –
punglo’y binhing itatanim
sa katawang-lupa
ng mandirigma:
sa paglugmok
likha’y alun-along singsing
ng kapahamakang hasik ay lagim;
sigwang lunsad ay
tunggaliang kidlat at kulog –
matulig na pagbubunyi sa
pagsibol ng Unos!

ano’ng lakas ang pipigil
sa bahang alimpuyo’y sigalot -
lulunod sa sakahang
kandili ng gapak na palad?

mainam na binhi
ang punglo ng Barret M468 –
suhay niyang palay’y yuyukod sa
daliring pipisil sa gatilyo:
pagputok,
hudyat sa pagbangon
ng bagong mandirigma!

No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.