Wednesday, September 24, 2008

TIRADOR

Nagpupuyos ang agawang dilim at liwanag
sa kubong iyon, panis ang hangin animo alimuom.
Halimuyak ng kantot sa pinutang deysi-seis may galak
na salubong sa naalimpungatang tirador - sa sulok
hayun nabayuot, balot ng kapirasong kumot,
mistulang eskayolang tuyot sa tumigas na katas ng libog -
bagamat agaw - tulog nahulasan sa tunog
ng teks sa selpon: “Prosid wid kosyon.”

Walang bago sa mensaheng iyon. Mga katagang iyon na nga.
Walang bago sa paggalugad sa mga pasikot-sikot,
sa mga landasing paikot-ikot, mga sanga-sangang daan,
sa bingit ng kamatayan… sa lalim o rurok…
sa orgasmo ng lagim - wala, walang naiba doon:
dama sa bayag ang pitlag ng umaatikabong aksyong
sa gabi ang gayak, trahedyang walang luhang papatak
sa paghalukay sa sulok-sulok ng tumana,
sa kasukalan ng kagubatan, sa palayan, sa taniman,
sa silong ng manok at baboy, sa kubo, sa kwarto
ng magsasaka at mangsingisda at manggagawa,
tuloy sa dibdib sa tyan sa ulo ng sinumang sinamang-palad,
silang pinamamadali ang kasaysayan:
“Isang buga ka lang, hunghang!”
Kasunod ay sunod sunod na kadyot tulad ng kantot,
na sansaglit ay tapos; walang kaba, o kapos na paghinga
sa puhunang parang sipon na isisinga. Uulitin ko pa ba?
Para nga lang kumakantot ka.

Tunay na mahaba ang paghahanda sa seremonya ng gabi.
Hahawiin niya ang agiw ng pagaalinlangan; tatanawin ang daan,
may alalay sa bigat ng yapak sa putik, sa batong matulis
sa kanayunan, sa kabayanan, sa kalunsuran…
malalim na ang dilim ng gabi ngunit may oras pa
upang linisin ang nanlalagkit na sandata,
kiskisin ang lagkit ng kahapong nadikit sa gatilyo;
kinisin singkinang ng siklab ng nagbabagang pulbura;
pagkuwa’y malambing na ikarga punglong animo titing
tansong pasok-labas sa ari, sa puso, sa bituka,
sa lalamunang habol ay katarungan, pipilas sa dilang nanlalaban
sa walang patumanggang pag-urirat sa obaryong
di nalayo sa kasaysayan ng bagong Maria Clara,
sa kaluluwa mo, sa kalungkutan mo, sa nangangatal na poot mo:
“May araw ka rin! Tang-ina mo!”

“Walang personalan, mahal...paraos lang.”

Mga katagang iyon ay iyon na nga, parang musika,
isang hilis, isang katotohanan ang piga;
pagpapatuloy, sa tantiya, sa gising nyang walang pinagkaiba
sa agaw-dilim ng kahapon - noong makalawa, o isang linggo,
o isang buwan, o isang taon, o daantaon –
mga agaw-dilim na di na mahagilap sa alaala:
“Parang hindot ang panahon!” Hindi nga ba katawa-tawa?
Damang-dama ang sakit at sarap ngunit limot kung saan
at kailan naganap; tulad ng pantal ng higad sa kalamnan,
may kamot ng kaba at pananabik, parang paghahatid ng hatol
ni kamatayan sa lalim ng hatinggabi: “Tok-tok-tok. Tao po!”
at pagkatapos ay limot na. Para ngang kumakantot ka.

At animo pelikulang pinapanood paulit-ulit
ang mga eksena sa dulang sariling musika at panitk:
Ala-Paquito Diaz, katal ang baba, maging balbas -
Hala! Tadyak sa pinto ng kubo ni kulas, ngayo’y minalas
masabugan ng pintong kawayan sa mukha.
Katawatawang isipin, sa dampa kung saan panaginip
si Fernando Poe, walang alok magkape, o maupo sa halip,
o sa dulang pag-usapan lalake-sa-lalake ang sadya sa lalim ng gabi:
“Ay, ano gang buhay-buhay natin dine, e?”
Aasahan pa kayang tutugon ang minalas gayong
tarantang kuliglig ang ligalig sa kaniyang dibdib?
At mauulinig ang mga katagang iyon na nga, isa ang hilis,
isa rin ang katotohanang piga: “Buhay-buhay? Patay-patay!”
Kung kaya huli nang tunghayan ang madamdaming salaysay
niyang hayun sa sulok, nangingisay, sa dugo nakahandusay:
“Si Ineng katulong po sa Hacienda…pambayad sa utang…
asawa ko katulong sa Maynila…ako e bulok na po ang paa,
dayabetes po…si Utoy, di ko alam kung asan po sya. ”
Mga salaysay na katawatawa, katakatakang kapalaran ng bawat isa:
may nagtatanong, may sasagot, at sa huli’y may mananagot –
hahagikhik pa kung paano natatapos ang katok sa putok
nang walang paghihimutok, sa lalim ng hatinggabi,
sa mga katagang iyon na nga, isa ang hilis, at piga:

“Walang personalan…maging sino ka man.”

Sa malas, puso’y sintigas nga’t kintab ng aring sandata,
umaalingasaw sa langis at pulburang ibubuga,
kahalo’y halimuyak ng libog at kapeng barakong
kumukulo, pulandit ay mainit na likdong tanso,
dahan-dahan ang tibok, simbagal ng tikatik ng relo sa dingding…
tikatik pamawi sa antok at pagkabagot sa paghihintay
sa hudyat, sa taginting ng teks sa selpon: “Lpad! Prosid wid koshon!”
Mga katagang iyon na nga.

Manananggal? Tulad noong sinaunang panahon,
ng Kastila, Amerikano at Hapon, panakot sa iyo, pang-kapon?
Kung kaya’t, muli, lilipad sila wid koshon sa misyon:
kalkulado ang hakbang, walang kaluskos, ni pagaspas
ng pakpak, maging gabi’y di mapukaw sa dahas ng yapak,
sa lagutok ng buto, o pintong sasambulat …
“SI Utoy! Ilabas mo!”….pati si ineng, unyot, tatang, nanang,
tatay, nanay, lukas, perlas, emmanuel, ed, maria,
lorena, eric, felix, jun, isko, islaw, mando, lando,
mangingisda, magsasaka, magsasaka…katagalugan,
kapampangan, ka-ilukohan, kabikulan, kabisayaan,
kamindanaw-an… nueva ecija, pampanga, ilokos,
laguna, batangas, quezon, samar, leyte, mindoro:
at muli, saksi ang dilim sa bagong pelikula wid blad en gor-
tilad na ulo ni tatang sa sahig ng tilad na kawayan;
pulang pinta ng dugo ni Inang sa dingding na pawid;
sargo ng dugo sa ari ni Ineng sa labas–pasok na titi;
butas-butas na binti, hita, tiyan dibdib, ulo ni kuyang,
tostado, litsong katawan ni bayaw sa sagingan…
aywan, at pagdaka’y usal ang mga katagang iyon na nga,
mga katagang isa ang hilis, isa rin ang kabuktutang piga:

“Walang personalan… komunista ka naman!”

Sa teleskopyong panipat, wala ngang pinagkaiba
ang gising niya sa agaw-dilim ngayon - may galak,
may iyak, may gusot, may poot, ala-pelikulang
Fernando Poe o Joseph Estrada hitik sa aksiyon:
may inapi, nang-aapi, may kinatok sa gabi ngunit,
minamalas, walang ganti…. maging kay deysi
-seis: wala ngang pinag-iba, maliban sa punglong
punla sa katawan nilang kinatok sa lalim ng gabi.
(Di baga kapag may punla sa huli’y may inaani?)

Agaw-araw… putok na ang liwanag sa pira-pirasong laman
sa dulang, sa sahig na kawayan, sa kaniyang hagdan.
Saboy na liwanag tila turok ng anastesya, pampakalma,
taglay ay lasong antok, bugnot, inip sa daliri sa gatilyo,
kukong pangkamot sa bayag, imburnal na hikab...
Mainit ang umaga sa hinalalaki ng tirador,
abala sa dutdot sa selpon, sa teksbak, sa mga katagang iyon:
“Misyn acmplshd, sir, wid kosyon!”

Nagpupuyos ang agawang dilim at liwanag
sa kubong iyon, panis ang hangin, animo alimuom.

No comments:

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.