Saturday, March 28, 2009

Walang gutom



Sa Pinas walang gutom
ani kulas: tingnan si Mrs. Ting
umaawas ang ref sa Krispee Kreme
Savory Chicken, Goldilock’s,
Donut – Mister at Dunkin’
katas ng panggigipit
sa aring pabrika ng gatas –
pampadede kay Junior Ting
obese na anak.

Dagdag pa nya, 
malasin si Mr. Kong
paldo’ng bulsa sa malutong
na perang kupit sa konstruksiyon
kontrata sa highways. 
Ayun, patong-patong
sa  mansyon litson at alak,
buto-buto’y di pa maitapon 
kay Delyang katulong -
kay pit bull, bagkus, pinukol
spoiled, asong ulol.

Wala, walang gutom
sa mahirap o mayaman 
tomas o tomasa, Inigo o Lucio
sa Megamall, Ayala Mall
Galleria Mall, Star Mall
saanmang shopping mall
ni Henry Sy. You’ll see
maging pulutong ng tsinelas,
lalo na pag-atrenta o kinsenas
swis lang ng credit card
o kiskis ng cash
tighaw ang uhaw, 
gutom ay tunaw -
kahit isang kahig at tuka
kahit ubos-ubos biyaya
dahil bukas, bukas, bukas
‘sangkahig ulit santuka
O wala.

Dahil nga walang nagugutom
sa Pinas, diin ni kulas. 
Sa tulad nyang may palasyo 
sa daang Kalayaan, QC
duon sa tabi ng V. Luna
sa island, lupang surrounded 
not by water but mga jeepney
kotse bus konkretong kalye
nakomisyunan ng malaki
ni Mr. Kong – walang gutom sa kalye,
menu’y available sa tabi-tabi.
Konting wais lang, turo niya’y ganire:
mangalahig ng basura sa tabi-tabi,
sa MacDo, o Chowking o Jolibee
sa Wack-Wack, pag swinerti
may tira-tira pansit o burdyer o sopdrink 
o kaning panis; neks sa prosidyur
magparikit ng styropor 
isalang sa apoy ang takip ng Nido,
ipatong ang na-order mo,
langhap-sarap ang halimuyak
ng bulok na nagliliyab. Presto!
Bon apetito. Brekpastlantsdiner
Serbportu, tri, por…twenipor
Ageynst da setingsan ober QC hall.

Wala, diin ni Kulas,
walang gutom sa Pinas.

Wednesday, March 25, 2009

Pormula ni Kiko


Si Kikong Kinse
anyos may pormulang mahiwaga-
turo ni Aling Hibang Laslas
aniya’y gayuma may kabayo’ng lakas
para magbalik ang watiwat.
Simple lang ang timpla, 
dalawang sahog – bleyd at pupulsuhan:
si Kiko, kaya tadtad ng peklat
patong-patong na landas-hiwa – 
ritwal niyang pagdukot sa ugat
anuman iyong bara sa dibdib
anuman iyong bikig
anuman iyong, ngayong 
kinse anyos pa lang,  hilahod
ang loob sa araw-araw na pagsubok
sa lansangan, sa tulay sa Cambridge
Cubao, kung saan patong-patong ang yero at kongkreto
ang luha at pighati, tuwa at pagpupunyagi,
titi at kiki, mga peklat sa pupulsuhan
ng ilog Pasig.

“Pero bakit wala pa rin si mama?”

ikaw na’ng, sa walong taong gulang
pa lang, ipagtabuyan ng ‘tang 
inang patay-lasing, maga ang kasing-kasing
sa bigong pag-irog ng asawang plip
sa bato – kapiling ng walong supling
ay ipamigay sa kapitbahay, sa tambay
magtaka ka pa’ng tubuan ng sungay?
ngayong kinse anyos, lungayngay
sa paghagilap sa bagong pormula:
nauna’y sablay…

Ngunit, himala, laging may sagip.
tsk tsk buhay nya talaga’y plip!
masagip ng bagong ama-amahan
wag magkamaling angalan 
may sikmat sa pisngi agad, hayan 
sapin-sapin ang peklat
bukod pa’ng sa pupulsuhan:
“Alat ang isnats sa Culiat? Ala kang pakinabang!” 

at kung hindi nga naman matugunan 
ang simpleng hiling naman ni Amang
lagot, wala ng ina, wala pang ama
ay ala! walang nagmamahal!
Kahit agaha’y suntok, meryenda’y kalmot
lambing lang iyon, karinyo-brutal:
“opo, opo, dedelihensiya na po, amang!”
e kung ipagtabuyan?

“Kala ko, mahal nyo ako.”

Si Kikong Kinse, tiis 
sa kagat-lamok-daga-ipis 
sa ilalim ng tulay na bahay 
nilang barkada. May bagong pormula: 
yung mabango, 
yung mahalimuyak
yung sarap-langhap, 
yung turo ni Emong Singhot
sa ilalim ng tulay, sa teritoryo ni Pulis, 
sa ilalim ng tulay: “Tsip, sabit, rolex lang, o!” 
bagong pormula para sa lumang
sakit na nadarama: pagmamahal?

“Nanakawin ko yun!”





Monday, February 9, 2009

E-Mail


1. Los Angeles, USA, 2009 Panahon ni Obama

Sa wakas, nakarating na ako sa LA, dito kina Kuya Rudy, Aircraft mechanic pala siya sa United Airlines, spitting-image ni Tiyo Amboy, oval ang mukha, straight na ang buhok na kinki, lalong halatang nakakalbo at pandak – hindi maipagkakamaling Kano. May ngiting salubong pagbati, sa tagal nga naman ng forty years, ngayon lang nagkita sa mata. Sikat si Kuya, panundo lang ang Merceds Benz sabay bidang hirap sila sa panahon ni Obama, dahil sa recession na laging trumpeta sa CNN, FoxNews - hirap na hirap diin pa niya lalo na’t  malapit nang  mag-retire sa susunod na taon.

Walang tigil ang butunghininga, walang-wala sila, hindi tulad nuon. Sa limang sasakyan sa garahe, Mercedes lang ang nailalabas,  madalas. Once a week ang Cadillac (gas-guzzler daw), Hummer (gamit ng anak  nag-aaral ng engineering), Porsche SUV (pag weekend  – taking It out for a spin daw in the country), RV (sa outing monthly). Naiisip bumili ng maliit na bahay, matipid daw ang maintenance kaysa mansiyon nila, kung saan parang dyolens silang tatlong betlog kakalog (kwartong assigned sa akin kasya ang apartment natin. Yung comfort room, kasinlaki ng kwarto ko. Sa dingding LCD TV ang nakabitin. Sa tabi, Ipod stereo– hehehehe luma ang boom box natin. Ito ngang laptop na MacPro nila ang gamit ko sa pag-email sayo e. Naka-Wi-Fi ang buong bahay!

Hinagpis nila hindi na mabuksan ang  centralized heating,  potable heating system na lang  sa bawat room; Si Ate Vi  stop muna ang shopping  sa Armani, Louie Vuitton,  Hugo Boss, sa mga tindahang makatisod - dila ang pangalan – umaasa na lang sila pag may sale …saan pa kundi sa Armani, Louie Vuitton, Escada, etecetera. 

Galante, nilibre ako sa MacDonalds! Ang burdyer nila lumiit pero dalawang burdyer per order  kasi naliliitan sila  sa serving. Nakakatawa sila. Maliit na sa kanila ang kasing laki ng burdyer dyan sa pilipinas na Mcdo. Tapos kwentuhan, iyon pa rin ang tapic naman, hirap sila. Para ba namang mamalimos ako ng dollar. Hehehe baka nga magpabaon ng sabon tuwalya at hand-me-down rubber shoes pagbalik ko dyan. Hindi na raw sa Europe sila magbabakasyon. The family has gone to a lot of places in the world, sila ang nagsabi nun.  Ang balak, suyurin  ang Middle East.  Kung gusto ko raw sumama sa summer, marami daw silang “miles”. Sabi ko’y wala akong balak mag-lala ng buhangin - hindi ako naintidihan hehe.

Pinipilit nga akong mag-TNT para duon na daw ako. Alam kasing hirap tayo dyan,  sabi ko nga paano mgagawan ng paraan. Siya daw ang bahala pero sa isip ko, mahirap na sa kanila ako tumira - kung yung kapatid nilang naiwan sa atin e ayaw bumalik sa kanila, ako pa? Baka alila-in pa ako, gawing gardener nila hehe.  I don’t know. We’ll see.

Daing na rin ang sakit ng mga tuhod at likod kaya ramdam na ang panahon ng pagreretiro. Pero ayaw umuwi ng pilipinas, sa Argentina  type manirahan. Maganda raw dun para sa mga nag-reretiro. Ewan hindi ko maintidihan kung ano pinagka-iba ng Srgentina sa Pilipinas. Di ba parehong bagsak ang ekonomiya ng dalawa? Worried sila sa health ng Tiyo Ogot at Tiya Curly dahil nga they are all in their 80’s pero ayaw mag pa-care home. They see themselves in them, kaya naghahanda na sila.

Siynga pala, si Tiya Lily, yung ina ni Ate Vi nasa care home na. May bali sa balakang, may emphysema kasi chain smoker. Sobrang payat daw. 

Sige. i'll stay with Kuya Rudy, mga dalawang lingo, tapos sa San Fo (tawag nila sa San Francisco dito) sa mga Tatay niya, kina Tiyo Ogot at Tiya Curly. 

Kailan daw ang dalaw nyo? Masarap ang resesyon dito!


2. San Francisco, 2009 Panahon ni Obama

Tiyo Ogot picked me up from the airport. Dala nya yung kabibili lang na Mercedes. Pinagyabang pa na 3-day old lang! 80 anyos na hambog pa rin. Sa bahay nila, may Hummer din,  tulad ni Kuya Rudy, may van at BMW. Biniro ko: iuuwi ko na yung BMW, nangiti, parang ayaw hehehe. Sandali: nagbayad ba sila ng inutang na pamashe kay Tatay nang mag-emigrate sila? Pakitanong nga kay Ate Ef nang masingil ko…ups wag na, baka  ipa-immigration pa ako hehe.  Ang tatay talaga, madaling maloko ng kamag-anak kaya namatay na poor pa rin.  

Maulan, kaya lalong malamig. Stay at home lang, di makalabas para mamasyal dahil masakit na ang rayuma ni Tiyo Ogot – wag daw tawagin siya Ogot, they call him August daw. Ngayon dinner, kumain kami ng steak na sinlaki ng pinggan (hindi ko maubos – ang kinagulat ko tinapon lang ni Tiya sa lababo). Dati raw mas malaki pa at makapal, sa bandehado ang serving nila pero dahil recession, tiis sa size ng plato. Pagkakain, nag-gitara ako! Sikat, Fender na orig, gitara daw ni Ricky na jazz guitarist pala sa banda sa LA. 

Umaga, more kwentuhan, sila muna ang pinagkwento ko. Ano naman ang maikukwento ko puro kamalasan sa Pinas? Hindi magandang balita yun sa kamaganak natin dito, baka sabihing hirap tayo dyan. Si Tiya Curly, busy everyday nag-aaral ng piano, nag-bo-ballroom dancing lessons. Ngayong umaga hindi sya pumasok kasi umuulan. maganda daw ang program ng government sa senior citizens, may mga activities sila for free -handicrafts, guitar lessons, cooking, knitting, may pakain pa. Kaya pag di sila makaluto, punta sila sa center .

Nang ako na, syempre, pinasgyabang ko na wala kang ginawa dyan kundi magpinta para sa one-man show mo (malalaman ba nila na labinlimang taon mo nang pinaghahandaan ang one-man show). Si Ate El, may bahay na sa FilInvest kahit solo kayod sa SSS. Ganun din si Kuya Gel, may naipundar ding maliit na bahay (sasabihin ko bang nagtirik lang ng barong-barong sa lupa ng may lupa, at sa akin umaasa, hehe). Sa akin naman e nagbabakasyon muna sa tindi ng trabaho sa Metrobank, and I promoted myself – VP na ako for finance! Kaso pina-review sa akin ang financial statements nya, buti na lang dumating si Ricky kundi buko!

Bitbit yung bago niya girlfriend. Sa Pasadena sya nakatira, about an hour drive. Bida ko, punta ako sa New York, nainggit! Claims he has never set foot in New York, hanggang New Jersey lang daw. (Hohoho this Mangyan is going places - Nuyok).

Republicans sila! Lalo na si Tiyo. Hindi raw kaya ni Obama ang recession, no experience like MacCain, Vietnam veteran and economist. Like Bush? Di ba huling balita dyan, bumagsak sa balong malalim ang economy ng States because of Bush’s policies. At ito pa, sa kanila galling ang balitang ito: yung bailout sa Citigroup, aba ay ibibili pala ng mga jetplanes for all the CEOs. masaya ano? Pero opposed ito ng marami. Sarap dito, feeling nila naghihirap sila dahil sa may recession pero mayaman pa rin. May recession ba? For a country in recession, they still live in luxury.

Pero sabi ni Tio ay surviving sila through their pension at bigay ng mga anak. Ito ngang laptop ni Tiya - Mac - bigay ni Ricky. Yung cable tv nila provided ni Rudy. Maginhawa ang buhay nila pero sa standard ng living dito, tipid sila dahil nga senior citizen na sila, hindi na kumikita. Nanganganib nga daw ang mga pension nila dahil sa stimulus plan ni Obama.

O sya hanggang sa muli  Hinihintay kayo na pumunta dito. 

Sunday, December 28, 2008

Tatay, 82



May ligalig sa himas ni tatay
sa telang sapin sa kaniyang kama,
animo telang latag sa tabasan sa tahian.
Mga himaymay nito’y taliwas
sa habing kinasanayan sa panahong
nagdaan. May kagat na salungat 
sa haplos ng gapak nyang palad.
Kakaiba ang himulmol.
Kakaiba ang dulas.
May piglas sa palad na sanay
sa kinamulatang himas.
Sa pagkapa’y di mapayapa 
ang damdamin sa sigaw na ulinig,
bumabayo sa kaniyang dibdib
nanunuot sa mga laman, litid
– ngunit ano’ng sukat at tabas 
na lapat sa nagmamadaling tinig? 
Akma kaya sa damit, isusuot ng 
mga mapupuyos na anak ,
sa asta’y  kakaiba ang tikas?

Bagong tela iyon, iba ang padron,
bagong sukat para sa bagong panahon,
inuunawang pilit ng nanlalabong paningin…
isusubo kaya ng matandang singer sewing machine?
Sa lasa’y di pa subok tulad ng mga padrong 
nakasabit sa dingding – handa sa wisyo ng panahon: 
sa tag-ulan, tag-tuyot, tag-ani, taga ng panahon: 
kamisadentro, pantalon, amerikana, barong: 
mga damit  na nagtaguyod sa mag-anak, 
kamag-anak, kaibigan, kababayan: 
magiting na suot ng mga  jose rizal, 
andres bonifacio, antonio luna, gregorio del pilar:
katutubo, katipunero, gerilya, USAFFE, beterano, sundalo:
pambalot sa katawan ng mga nasalanta - bata, matanda, 
babae, lalaki: ngunit, ano itong naririnig na daing sa
malayo? 

“…ano’ng pinanggalingan, ano’ng pinuntahan
sa turo sa panahian?” 

Sa loob ng walong dekada
tinabas niya ang kapalaran:
natutong manahi mula sa tiyahin;
asawa’y nagtinda ng maruya’t kakanin;
nangarap mapagtapos ng doktor ang panganay,
abogasya ang pangalawa, kalakal ang
pangatlo, agrikultura ang pang-apat,
dentista ang panglima; 
kinamatayan ng dalawang anak; 
pinatay ng ready-made Levi’s ang talyer; 
pinatay ng DAR ang munting bakahan sa Halcon;
dinaya ng kapartner sa negosyong telcom;
inuto ng mga tusong pulitiko;
saksi sa paghati sa kinatitirikang simbahan;
naubos maging puhunan sa kahihingi ng BIR; 
nawantutri sa kooperatiba;
bigo sa pangarap maging milyonaryo ang mga anak
bagkus, naluluong sa panitik, at pinta;
nilanggam ng diabetes ang katawan;
binulok ng tadhana ang bayag;
kumalat ang kanser  sa baga, buto, sa dugo –
“Pero mainam ang tabas… matimyas ang lapat…”

Malamig ang simoy ng hangin
sa kwarto 17 sa Veteran’s Memorial Hospital,
lapat na lapat ang likod nya sa manipis 
na puting tela, sapin sa plastik na kama
(ano iyong bakas ng katawan? kakosa 
sa ward, patawa ni tatay) buto’t balat, 
mata’t pisngi’y humpak,
sala-salabat ang tubong nakasaksak, 
sapo pa rin ang bayag.

Paghugot ng hininga, batid nyang
iba ang sastreng tatabas sa bagong tela.
Matapos ang walong dekada maluwag 
niyang tanggap ang pangako ng bukas,
mamangha sa hiwaga ng bagong panahian,
sa ginintuang guhit ng tisa, sa halip na
tuwid, pakurba pakanan, pakaliwa: 
malayo sa sukat ng kaniyang panahong 
silakbo sa gubat at kapatagan  sa Timog Mindoro,
bayang sinilangan:  sa gulang na
labimpito buong tapang na ipinagtanggol
laban sa Hapones (sapo ang bayag habang
nagmamartsang mag-isa sa pusikit na
dilim ng kagubatan: sa kanang kamay ay ulat
posisyon ng Hapones sa bayan ng Naujan, 
sa kaliwa’y karbin, kinakalawang) -
bibitaw sa hawak na gunting, medida…
bubuntunghininga: “Sunugin ang lumang padron, anak.
Ikaw na ang mag-sukat, magpanibago ng tabas.”


Saturday, December 27, 2008

Mamas ko po!


Nag-aagawan na ang liwanag at gabi sa Divisoria sa panahong iyon ng tag-lamig ngunit saksi ang ginaw sa init ng habulan sa pagitan ng mga tindera sa bangketa at MMDA – 

“Bangketa para sa tao!” sigaw ng mga humahabol, kasunod ay halihaw ng yantok di bale kung sino’ng mapukpok.

Sa tindi ng kaguluhan at ragasa ng sanlaksang munting namumuhunan, animo dagang imburnal sa bilis ang siglapot ni Patpat sa pagtakbo, kasunod ang ina na hagok sa hirap at dahak ng bumubulwak na plema sa baga.  Sa tulin ng maliliit nitong hakbang, may sa tagabulag at di na mabanaag ang mga paang kalahating dangkal ang haba - nakakatuwa para sa isang batang dalawang taong gulang. Di ito kagulat-gulat para sa isang batang namulat sa makapigil-hinigang bilis ng buhay sa bangketa sa Divisoria hanggang Quiapo – lakarin itong babagtasin ng mag-ina ngayong alas-singko ng hapon hanggang sa marating ang simbahan ng Quiapo mamayang hatinggabi. 

Aywan ni Patpat kung ano ang espesyal sa araw na ito at mamayang hatinggabi. Kung bakit kahit hagok na sa hirap ang ina sa paghinga, may kislap pa rin ang mata sa paghahanda sa gabing darating. 

“Mamayang hatinggabi, mag-hohototay tayo!” kasunod ay ubong walang puknat, matitigil lamang kapag hinagod ang likod nya ng anak.

Maging ang mga taong kasabay sa kalye’y nagmamadali, animo may habol na di nya mawari: sa pamimili sa bangketa, kuripot na pakikipagtawaran sa mga laruan, pagkain,  pandalas na sulyap sa celphone at orasan. Dagdag pa ang ang habulan ng MMDA na pang-araw-araw na karanasan nilang mag-ina.

“Bawal ang pulubi dito!” pangaral ng MMDA.

“E s’an ba di bawal ang pulubi? Ha?” tigas na sigaw ng ina, tanong na alam niya’ng kasagutan ay hampas at pukpok ng yantok.

Pagliko sa may madilim na eskinita sa Juan Luna, alam ni Patpat na ligtas na sila. Kasunod ay magsumiksik sa mamasa-masang semento, sa pagitan ng putikang haligi ng dating pabrika ng t-shirt, manahimik at maghintay  makalampas ang mga kampon ni BF. Pagkakataon rin itong hinihintay ni Patpat - ang masiksik sa dibdib, mayakap, madama ang init ng ina sa kaniyang balat. At bagamat tila hinihigop sa maliit ng butas ng karayom ang natitirang oksidyen sa karbon monoksyad na buga ng mga dyipni sa kalyeng iyon, parang hele-hele ito sa kaniyang pandinig. Bawas ang pagod at lungkot niya kapag balot na parang kumot ang maliit nyang katawan sa pagkakayapos ng ina. Magkagayo’y manunumbalik ang lakas sa nadaramang pagmamahal, at biglang lulukubin ng siglang muling mangulit sa kalye, makipaghabulan, manuyo, mam-bwisit, mamalimos.

“’Mos? Mamas?” lambing ni Patpat, “’Mos? Mamas?”

Mos…Mamas...dalawang kataga laging bukambibig, mga kataga na sa kaniyang isip ay may halaga sa ina. 

“Ah-nak! Ma-maya..na, Patpat.” Mahinang tugon ni Mamas, paputol-putol sa dalahit ng ubo, “Mag-pa-lamig-lamig muna…tayo. Malas tayo ngayon dito sa Dvisoria…marami kasing MMDA. Dun tayo sa Quiapo, swerti tayo dun.” 

Mabilis din ang pang-unawa, mananahimik agad si Patpat. Kung ano ang pasya ni Mamas, iyon ang masusunod sapagkat laging tama ang ina. Pag sinabi ni Mamas na ‘mos,  agad siyang liligid sa bangketa, at kakalabitin lahat ng taong masalubong. Sapagkat batid nyang pagkatapos ng ‘mos, kahit abutin maghapon, pagsapit ng gabi, may pansit o tinapay silang pagsasaluhan ni Mamas. At sa piling ng ina, batid nyang di lang siya ligtas, may kayakap siyang may angking init kahit pa yayat ang katawang nginangatngat ng mikrobyo ng tibi. 

Kailangang maghintay  kahit abutin pa ng gabi, alam niya kailangan ang pagtitiis sapagkat may hatid itong biyaya sa sinuman. Kahit anumang bagal ng paglakad ng mga sandali…dapat may tiyaga.  Sa pagal na katawan,  paraiso ang mga sandaling pagbabantay sa paglipas ng panahon. Bawat himaymay ng laman ay malalango sa pagdalaw ng pahingang dulot ng antok, dala’y daloy ng lakas sa bitukang walang laman, sa bagang plema ang hinga, sa utak na nilalabnot na ang kamalayan…hatid ay ligayang pansamantala… idlip ay kalayaan sa daluyong ng araw-araw na saboy ng alikabok ng Divisoria, Quiapo, Recto.

Mapapapitlag sa paggising ang nahimbing na mag-ina sa buga ng busina ng mga dyipning namamasada. Pagmulagat ay hahantad ang gulong sa mukha, at kung hindi nakasiksik sa pagitan ng haligi malamang nahagip ng nagbanggaang kotse at dyip. Swerte, sa isip ni Mamas, matapos ang malalim na buntunghininga, habang kalong ang nangangatal pang anak. Sa dasal maririnig ang pasasalamat sa kabigan sa itaas. At agad magugulat, maaalala ang karera ng oras na naudlot sa pagkakahimbing – isang kasalanan sa kaniyang tingin dahil sa bulsa, mahina pa ang kalansing ng mga barya, kulang pa sa ihahanda sa hatinggabi…hindi…handing-hindi para sa kaniya…kulng pa ang barya para naman mainit na sabaw ng hototay ang sumayad sa sikmura ng anak...ngayong natatanging gabi, gabing para lamang sa mga bata. 

Ngunit nagbabanta na ang lalim ng gabi, at malayo pa ang simbahan ng Quiapo.

“Pat…tara na. Malayo pa tayo sa simbahan…”

“Mos? Mamas?”

“Oo. ‘Mos…"

Pagtayo’y mabilis na malulugmok, muntik-muntikanang mabitiwan ang anak, sinasalag ang bayo sa dibdib. At saglit pa’y, yanig ng pagsabog ng kumakawalang demonyo. Sunod-sunod, animo’y mundong nililindol, bubulwak ang plemang may halong dugo.

“Diyos ko…wag po muna ngyon!”  usal ni Mamas.

“Mamas?” ingit ni Patpat na may pag-aalala.

“Walang anuman, Pat. Tara na.”

Huhugot ng isang malalim na hinga, at magpapatuloy ito sa paghatak sa paa, gayong nauupos na ang lakas sa mga binti at hita.

“Dalian natin, Patpat…baka maunahan tayo sa pwesto.”

At bakit nga hindi magmamadali: humuhugong sa kaniyang tenga ang sermon ng pari sa misa, kahit malayo’y dinig na dinig niya; humuhugong din ang sagot ng mga nagsisipag-samba; kumonyon na, malapit nang maglabasan sa simbahan, kapagkuwa’y mag-uunahan, madaling maka-uwi sa kani-kanilang tahanan upang ipagdiwang  ang hatinggabing natatangi. Kaladkad ang katawan, karga ang anak,  anghel itong walang pakpak, lilipad sa paghabol sa mga nagtatangkang tumatakas sa kaniyang anak… lahad ang palad, naghihintay sa ’mos.

“’Mos…Mamas.”

Angat sa lupa ang mga paa ni Mamas pagbagtas sa kaguluhan ng Recto Avenue. Di alintana ang mga tarantang kislap ng mga tivoli lights, ng mga sumasambulat na liwanag ng mga palamuting reindeer, santa klaws sa mga gusali at apartment, o maging ang mga nakaririnding tugtuging joy-to–the-world-silent-night-holy-night - mga kaaliw-aliw na tanawing di makaliligtas sa mata ni Patpat. Sapagkat wala iyon sa kamalayan ng isang humahangos na ina na tanging layunin ay makahigop ng mainit na hototay ang anak …sa panahon ng tag-lamig at natatanging hatinggabi. 

Si Mamas iyong kinamulatang kasama araw-araw at gabi-gabi sa bangketa, sa ilalim ng tulay kung saan mayroon silang bahay na kahon ng Samsung TV, sa palengke ng Divisoria at Tondo church, sa Quiapo, sa hirap, pagtitiis, init, lamig, mula nang makulong ang kaniyang ama na napagbintangang nagnakaw ng isang kahon ng mansanas sa Tutuban nuong, sabi ni Mamas, panahon ng tag-araw.

Sa pagbatas sa Avenida, kung saan naglisaw ang mga mandurot at mang-aagaw ng bata, kahit tag-lamig at gabi ng tanging hatinggabi, si Mamas pa rin ang kapiling anuman ang maganap sa araw-araw, oras-oras; siya na may isusubo sa kanyang bibig kahit hamburger, palabok,  pansit malabon na medyo panis, inaamag, nabulatlat sa trashbag ng Jolibee o McDo o Chowking o Red Ribbon o Moderna (Ano ba naman iyong initin sa lata ng Nido sa apoy na pinarikit sa may ilalim ng poste ng Meralco) o ma-amutan ng limos ng dumdadaan-daan sa pwesto nila sa tabi ni Cathay na magte-tela sa Ilaya, bagamat nandidiri sa kanilang libag at asngaw ng basahang damit, samyo’y halimuyak ng imburnal.

At ngayong abot-tanaw ang simbahan ng Quiapo, si Mamas din itong bagamat sagad ang lamig, hinihila sa hukay ang mga paa kahit sinispsip ng tibi ang lakas ng katawan, sapagkat kinakailangang magmadali, kinakailangang sumalubong sa mga nagsi-samba, para sa limos na mahalaga...hindi...limos na hindi para sa kaniya.

Kaya't hahangos, kahit namamanglaw na ang paningin sa tindi ng gutom at pagal na kalamnan. Sapagkat sa malayo tanaw na ang baha ng pulutong galing sa simbahan, at higit pa'y  sakmal ito ng ligalig dala ng mga kaaway na pulubi’y nakabaon na sa kani-kanilang pwesto, ala-kristong bukas-palad, naghihintay sa amot na biyaya mula kanilang may basbas ng simbahan. 

“Huli na tayo…naunahan na tayo sa pwesto!”

Alam ni Papat ang ibig sabihin sa katal ng tinig ng ina. Aywan kung sa bugso ng awa (batang dalawang gaong gulang?), kakawala sa buto’t balat na bisig ng ina, at animo palasong lalagos sa makapal na hanging hatak ng mga higanteng naglisaw sa Plaza Miranda, walang pakundangan sa kaniyang kaligtasan (normal sa kaniyang gulang), walang pakialam sa kaninuman (sang-ayon sa kanyang batang kamalayan), di baling matdayakan o mabalibag sa kalsadang babad sa dumi ng kasalanan (tinaboy mula sa simbahan?), wala humpay sa kasisigaw, sa tonong matinis na palahaw:

“’Mos po! ‘Mos po!”

May taginting ng takot sa kaniyang tinig - takot na kulangin ang baryang malilimos; takot na walang maiabot na ‘mos sa ina; takot na walang mag-aamot kahit bulag na barya; kahit sanay siyang di malimusan kahit magtitihaya pa; libong ulit maiwasan, mapagalitan, masermunan, matadyakan, maitulak... Ngunit iba ngayon ang panahon, tag-lamig itong inaasahan ni Mamas, kinakailangan ang tigas. Hahabulin silang lahat, hahatakin ang pantalon, palda, hita, binti…

“’Mos po! ‘Mos po!”

“Batang ‘to! Sabihin mo sa nanay at tatay mo, magtrabaho sila!” sigaw ng isa.

“Letseng magulang mo! Anak nang anak, di ka naman mapalamon!” yamot na sumbat ng isa pa, tatabigin pa ang kamay ni Patpat.

‘Itong gubyernong ito kasi! Kung mahusay lang ang pamamalakad, walang pulubi sa kalsada!”, hinagpis naman ng isa, ni hindi makapaghagis ng barya.

Mga katag iyong tuinog lamang ng sa tenga ni Patpat, pandagdag sa mga katangang 'mo at mamas.. Ano ang magulang? Anak nang anak? Gubyerno? Wala yun..basta sa ‘mos, magiging maaaliwalas ang lahat. At kay Mamas, sanay na sa mga pasaring, pagkat batid nya ang katotohanan, masakit man ay may marangal niyang tanggapin. Makarating lamang sa tarangkahan ng simbahan ay tagumpay na para sa gabing iyon. Ilang hakbang pa ay yayapak na siya sa lupang pangako, kung saan bumubulwak ang biyaya. Kahit anong mangyari, sa gabing iyon matutupad ang isang pangako. Ngunit, hindi kanlansing ng barya ang sasalubong sa kaniya, kundi matigas na siko ng kaagaw na pulubi.

“Tangna, hikain ka!. Nauna ako sayo dito a! Sibat!” sigaw nito sabay amba ng sampal.

“Tikya, tibihin na nga yan, pinapatulan mo pa!” singit ng isa.

“Tangna! Walang tibihin sa akin. Pare-pareho naman tayong namumuhunan dito a!” sagot ng una.

“Sige! Sampal! Kala mo uurungan kita! Bugahan kita ng plema e di nakatikim ka!” banta ni Mamas.

Sa Quiapo, walang salitang binibitiwan na hindi pinanininidigan kung kaya sapol ng mamula-mulang plema ang mukha ng kaaway. Isang malakas na suntok naman ang dumapo sa panga ni Mamas at para itong kandilang naupos, di na namalayang pinupog at inihataw ang ulo sa bangketa.

“Mamas ko! Mamas ko!” palahaw ni Patpat sabay daluhong sa kumakabayo sa kina. Sa bilis ng sampalan, napasuot sa pagitan ng dalawa, naiipit at nagmistulang bulok na hamburger na nakalahig sa tambakan. Sa tagpong iyon pumagitna ang karamihan sa mga pulubi sa tarangkahan, inawat ang dalawa gayong wala nang ulirat si Mamas. Naiwan itong nakabulagta sa gitna ng Plaza Miranda, at parang walang anuman ang naganap, nagpatuloy ang daloy ng trapiko, rumagsa ang paa ng tao, kunmalansing sa kalsda ang ‘mos. Isang pulubi ang nagdalang-awa’t hatak na inilagak sa tabing bangketa  ang  ngayo’y nagkakamalay ng ina. 

“Mamas?” kalabit ni Patpat.

“Wag mo kong alalahanin…’mos na,” utos ng ina.

Mabilis namang tumalima si Patpat. Masigla itong pumagitna sa tarangkahan, sinalubong ang pulutong na nabasbasan, lahat sila’y pinigilan, hinabol ang umiiwas, kinulit ang makukunat.

“Mos po!”

Ngayong gabi, kakaiba ang hagod ng tingin ng mga taong nagmamadali, puna ni Mamas, higit ang pag-iwas, nilulunok ang sukang nakabara sa lalamunan. Dala kaya ng kanilang inasal? Patunay kaya na  silang mahihirap ay napakababa ng pagkatao na sa halip maayos abutan ng limos, baskus ay tapunan ng barya tulad ng asong hinahagisan ng pagkaing tira-tira?

Kakaiba na rin ang lamig na hatid ng hangin. Pinasidhi nito ang bangis ng mikrobyo sa kaniyang baga. Ngayo’y buong bagsik nitong binubusbos ang manipis na dingding  ng ugat ng sako-sakong imbakan ng hangin, pinapawalan ang dugo, unti-unting napupuno sa baha ng mapulang dugo.

“Hak! Hak! Palimos…hak!...po!

Mga huling kataga iyong bubulwak sa kaniyang bibig na natutuyot, ngunit muling mababasa ng dugong aagos.

“Patingin ka na, ‘mare. Tara na sa Mary Johnston!” boluntaryo ng isa.

“Tanga! Mahawa ka pa!” babala ng pangalawa. “Nagpapa-awa lang ‘yan. Hoy kumita na ‘yan!”

Kahirapan nga kaya’y isang pagpapanggap maging sa mga mahirap, isang uri ng pagganap tulad ni Vilma Santos sa pelikulang “Ang maging Ulila.” O acting ni Nora Aunor sa “Himala”. Sabagay nga’t marami nang pumeke’t pinagkitaan na ang kanilang tunay na kahirapan, hinubaran pa ng karangalan: mga batang sanggol karga ng gusgusing babae, yun pala’y naka-Benadryl; mga pulubing bataan ng sindikato; bulag na hindi bulag, pilay na hindi pilay; sira ulong hindi. Ngunit kay Mamas, ang katotohanan ay singpula ng dugo sa kaniyang bibig, at iyon ang katotohanang di mapaniniwalaan ninoman. 

Sa kaniya walang saysay ang mga paninirang iyon. Mahalaga'y kasama ang batang sa kaniya’y nananalig, nagmamahal at naka-uunawa.

“Mamas! ‘Mos! ‘Mos!” pagbukas ng maliliit na palad, aawas ang  piso, bente-singko, mananaka'y limang pisong barya.

“Mamas! ‘Mos! ‘Mos!”

Sang dakot na barya iyong alay sa ina, matapos iwan sandali upang gumala-gala sa loob at labas ng simbahan. Abuloy iyon ng mga mamimiling kulitin nya’y nagmamadaling mamimili ng handa, namumutok ang kilikili sa kilik na dala-dalahang regalo, ganunpama'y nakuhang magtapon ng sukli. Ngunit bale-wala lahat iyon sa kaniya. Para kay Patpat, kinakailngang bilisang mag-ipon ng barya, magmadaling makauwi sa ilalim ng tulay sapagkat malamig ang gabi, magtago sa loob ng kahon ng telebisyon, mamaluktot sa kapirasong sweter na Lacoste, katabi at yakap si Mamas, at kung magmimilagro’y makatikim ng pangakong hototay soup. 

“Mamas! ‘Mos! ‘Mos!” mga katagang kasabay ay matamis na ngiti at sorpresang hindi inaasahan ng ina: isang balutan ng hamburger ng Jolibee, may kagat na, pilit na sinusubo sa nagulat na ina. Sa halip na tumawa, bumalong ang luha nito’t mahigpit niyakap ang anak, di pansin ang nabubuong pagsabog ng ubo sa dibdib, habol ang hininga, pagluhang walang pag-aalala sa sariling kalagayan kundi luha ng lungkot sa mapait na katotohanan.

“Ikaw na ang kumain, anak,” bulong kay Patpat, tila nauupos na tanglaw ng bituing  tinakpan ng maitim na ulap. 

Tunay nga ang ulat ng panahon kanina sa malaking tv sa ibabaw ng Mercury Drug. Sasagad ang baba ng temperature, uulan, di manunungaw ang mga bituin, gayundin ang pinakamalaking talang laging tanglaw sa sansinukob, sapagkat, ayon sa reporter, kakaiba ang panahon ngayon sa lahat ng panahon ng nagdaang tag-lamig. At ito na nga yata ang pagpapatototoo ng babalang iyon. Sa simula’y ambon, ilang saglit pa’y buhos ng ulan, parang hinulugang taktak, malakas ang lagapak, raragasa sa mga kanal at imburnal. Tangay ang mga labing ganda at dumi ng nakalipas na taon, mga dumi ng usok, agiw, kasakiman, kagahaman, kalungkutan, kasiyahan, tagumpay…hatak ang kapirasong Jolibeeng may kagat sa tabi…hahabol sa mga paang nagtatakbuhan pasakay sa mga dyip, auto, Pajero, Mercedes, BMW pabalik sa kanilang mga tahanan kung saan maghihintay sa pagdatal ng hatinggabing buong taon inasahan… lulunod sa ingay ng mga sigaw at tili ng  mga nilalang na umiiwas matabig ang katawan ni Patpat, o ng inang nakahandusay sa baha,  ngayo’y hindi na dinadalahit ng ubo o dumadahak ng plemang dugo, tahimik, at walang kakibo-kibo.

Ulan itong di naging matagumpay na lunurin ang palahaw na iyak ni Patpat.

“Mamas ko po! Mamas ko po!”

Mga katagang gugulat sa mga nagdaraan.

“Ay! Pasko na nga! Alas dose na! O, sandaan, uwi na kayo ng nanay mo! Pasko na!” at hangos na tatalilis.

“Mamas ko po!” bunghalit ni Patpat.

Wednesday, December 17, 2008

Alaala ng lumipas, sinta, ang tangi mong kasama.


Walang kapayapaan.
Nakatimo sa kamalaya't puso’y
mga hiwaga, tauhan,
kaganapang dulot ay
ligaya, lunggati, ligalig,
pagaspas ng bagwis
ng umalagwang pangarap.
Di mabura ang bakas
ng mga yapak sa daanan,
dinig pa ang mga tunog,
nanunot sa taynga ang himig,
nayayamot sa init at lamig
ng mapuyos na pagtutunggali…
o latay ng poot, katotohanang haplit
sa  likod, mukha, dibdib,.

Walang malimot.
Himaymay ng mga alaala’y
walang kawala sa bitag
ng bangungot, hayun!
nai-garapon sa dambana
ng maligalig na panahon:
mga piping palatandaan
kung saan nalugmok
kung saan bumangon
kung saan naglakbay
kung saan napasuot,
kung saan lumiko, umurong,
umiwas, umusad sa pakikihamok
na kagila-gilalas, ano kaya
ang napitas? Prutas?

Walang matakasan.
sa mga pasyang di pasya,
pangarap na di pangarap,
ligayang di ligaya,
labang di laban,
mukhang di mukhang
haharap sa mukhang
walang bibig, mata -
naghihintay sa kanto
ng daanang kalayaan,
handa sa pagsalubong
sa milagro, laon nang pithaya
ni ina, ama, kapatid,
kapitbahay, kabayan -
milagrong hubad sa katotohanan.
Wala ngang ligtas…walang
nakalililigtas sa nakaraan.

Walang makapigil
sa pagtawid ng umagang
hilahod patungong hapon.
Maging sa lamig ng gabi
bantulot ang kumot sa pagtaboy
sa mga multong hatid ng idlip
na mulat ang mata. “Sana ganito..
sana hindi mo…sana…sana…”
mga katagang kinamumuhian mo.
dasal sa bawat sandali’y burahin
sa talatitikan, ngunit ano pa
ang saysay?

Wala nang bagong umagang
hatid ay kiliti ng di mo alam,
kakaba-kabang alaalang dadag
sa dambanang imbakan,
wala nang masakit,
wala nang malungkot,
wala nang pagluha,
suntok, halakhak...
pawang alala na lamang
na minsan…

Monday, December 8, 2008

TALANG ALIKABOK



Pangkaraniwan ang tirik ng hatinggabi
sa talang iyon sa entablado, animo
oras ng pagsamba sa dambana
ng libog: libong gabi itong sambulat sa taynga’y
walang kamatayang Air Supply …
“making love out of nothing at all…’ ; pulandit
ng disco lights, sundot ng spotlight, kalikot
ng mga luwang mata, bintog ang ugat
sa kakagigil na wang-kata ni Daisy: rumarampa
walang takot, maharot na hiwagang lalabnot
sa kapal ng malapot na libog,
palutang-lutang, animo asngaw ng
alimuom ng nagtalik na init at ambong pawis
sa club: ang talang iyon, sa entablado ng
Stardust, tala ng ating panahon

At patuloy na manunuot sa kuyukot
awiting alipato ng libog: Oo nga
“..out of nothing..out of nothing at all”,
ka-dyuwet ang putok ng kamunduhang
walang tunog, sa madilim na sulok-sulok,
saksi sa laylay na dila ng mga hayok…
tulo-laway. Ay! di bago iyon
sa mata mong maamo, pekeng pilik-mata
- gabi-gabing pagnanasang masisikmura,
suklian ng ligaya, sa dambana ng mapaglarong dila,
supsop ang lollipop, ligid ng himod, pang-angat puwet,
bayag, tigas titing liyad: pagkat iyon ang tanging
hangad

ngunit wala, wala, wala iyon,
hanggang laplap ng dila lang iyon,
hanggang imahinasyon lang iyon,
himas sabay bitaw lang iyon,
parang sermon sa pulpitong
tipong kuskos sa muhon, sabi mo nga,
ng gusaling sambahan ng mga panatiko
(Stardust ang tawag duon)
Wala, wala, wala walang halaga iyon,
Halaga’y sinlakas ng tunog ng lagapak
sampal palad ng libo-libong salaping lapad.
Hindi. Hindi mahalaga iyon. “Walang hindi nalilinis
sa konting hugas, konting sabon.”

At humanda sila sa litanya pag nakipaggirian na:
(marami silang sumasamba, isa ang hilis
ng salaysay na piga sa puson): languin pa, higit
sa tama ng San Mig, sa iyong hapong-hapong
panaghoy: alagang anak sa pagkadalaga, apartment
nirerenta, inang tibihin dugo’ng sinusuka:
pag di kumagat - hamigin ang diyes prosyento
sa bawat palakpak may lagapak sa mesa
nektar na alcohol (“Putang-ina, bagal nitong
uminom! Malayo pa sa quota! Ala-una na, kulang pa
sa costume, make-up…pa-dyug-dyug na lang
kaya kay Manedyer?”)

“Love, VIP na tayo…type kita” Mga katagang habi,
katotohanan/kasinungalian, aywan hindi mo na alam
(sa tinagal nga namang mabuhay
sa pakikipagsapalaran, iisa lang ang katotohanan),
upang siya'y marahuyo, tapatan ang kahilingang
dasal ng laman Ngunit matagal mo nang habi iyon,
mga katagang iyon, labas-pasok sa tengang kawaling
rindi sa alkohol…sapagkat ano nga ang pakialam
sa kwento mong balabal sa suso at kiki, kahit ano’ng
habi’y di niya maisusuot, di bagay sa ligayang inaasam,
diyosa mong katawan.

Isang diyosa, dalawa, tatlo, apat, dalawampung
baka, sila, huling saltada sa madaling-araw,
nagmamadali, hinahabol ang paglagpak
ng buwang umaasang sasaluhin ng umaga -
umagang mapagsamantala, bubulatlat sa
pagliyad, kikikig sa bawat tuwad, iluluwa ang
langit bagamat may lambong ng maitim na ulap,
lahat ng galaw at kibot ng bawat himaymay
indayog ng susong namumurok,..tumutulo sa alindog…

Black-out. Impit na pagsabog
Ng mga tala sa dambana,
Masinghot, maubo sa alikabok
ng mga tala…isasaboy ka ng hanging
air-conditioned sa kaniyang kandungang
naninigas sa kapal ng barya,
itinakas kay mahal na pangako’y
pangkalakal ng bigas o kinurakot sa bayan
ni kongresman senador general VIP.

Ayun, ayun, ayun natumbok mo na
sa VIP room handang –handa na silang
umusok sa alikabok ng tala,
“.out of nothing at all”
Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.