Showing posts with label poem. Show all posts
Showing posts with label poem. Show all posts
Wednesday, December 17, 2008
Alaala ng lumipas, sinta, ang tangi mong kasama.
Walang kapayapaan.
Nakatimo sa kamalaya't puso’y
mga hiwaga, tauhan,
kaganapang dulot ay
ligaya, lunggati, ligalig,
pagaspas ng bagwis
ng umalagwang pangarap.
Di mabura ang bakas
ng mga yapak sa daanan,
dinig pa ang mga tunog,
nanunot sa taynga ang himig,
nayayamot sa init at lamig
ng mapuyos na pagtutunggali…
o latay ng poot, katotohanang haplit
sa likod, mukha, dibdib,.
Walang malimot.
Himaymay ng mga alaala’y
walang kawala sa bitag
ng bangungot, hayun!
nai-garapon sa dambana
ng maligalig na panahon:
mga piping palatandaan
kung saan nalugmok
kung saan bumangon
kung saan naglakbay
kung saan napasuot,
kung saan lumiko, umurong,
umiwas, umusad sa pakikihamok
na kagila-gilalas, ano kaya
ang napitas? Prutas?
Walang matakasan.
sa mga pasyang di pasya,
pangarap na di pangarap,
ligayang di ligaya,
labang di laban,
mukhang di mukhang
haharap sa mukhang
walang bibig, mata -
naghihintay sa kanto
ng daanang kalayaan,
handa sa pagsalubong
sa milagro, laon nang pithaya
ni ina, ama, kapatid,
kapitbahay, kabayan -
milagrong hubad sa katotohanan.
Wala ngang ligtas…walang
nakalililigtas sa nakaraan.
Walang makapigil
sa pagtawid ng umagang
hilahod patungong hapon.
Maging sa lamig ng gabi
bantulot ang kumot sa pagtaboy
sa mga multong hatid ng idlip
na mulat ang mata. “Sana ganito..
sana hindi mo…sana…sana…”
mga katagang kinamumuhian mo.
dasal sa bawat sandali’y burahin
sa talatitikan, ngunit ano pa
ang saysay?
Wala nang bagong umagang
hatid ay kiliti ng di mo alam,
kakaba-kabang alaalang dadag
sa dambanang imbakan,
wala nang masakit,
wala nang malungkot,
wala nang pagluha,
suntok, halakhak...
pawang alala na lamang
na minsan…
Tuesday, November 25, 2008
TURO NI TATAY
Sige, anak, palawakin ang bayan
ng iyong kamalayan at sa iyong
pakikipagsapalara’y wag kalimutan
ang ibig sabihin ng Mag-anak –
Ina, Ama, Anak - bantayog ng lipunan
na kay hirap itaguyod sa gitna ng daluyong
ng kasalukuyan. Isa pa’y Kaibigan
pagkakaisa ng isa o dalawa o ng
maraming pinag-uugnay ng
pag-unawa, kayrami nang nalaglag sa
kaniyang matarik na tanggulan at panukat.
O, alam mo na ito: Katapatan.
Nakilatis mo na ang kinang nitong angkin,
may ihip ng mahiwagang hanging
mag-aangat sa kanilang paningin, (ito ba
ang ibig mong kamtin?), kislap na palatandaan
ng dangal na kayang dalhin hanggang libingan.
O Pagmamahal, walang pagtatangi, ni pasubali
walang lunggati, o walang hanggang ngiting
papawi sa kanilang kaluluwa bagamat bungi.
Kalinga, isa pa. Pagtatanging walang
sawa: tulad ng kay Ama, Ina, Kapatid, Kapitbahay,
Kasintahan o Bayan. Lalo ang Pangarap: pangkaraniwan
sa iyo ang gawaing ito, anak. Maglakbay maghapon, umani ng
aral sa nakaraan, liparin ang alapaap
ng kinabukasan, mapuyos ikampay ang bagwis
umuusok sa tuling paghabol sa umaalagwang
pangako ng bukas. At Pangako, hindi mapapako,
ng talino, lakas, galing na pinapanday ng
pag-aaral sa pag-gaod at pagsalungat sa mapusok
na agos ng buhay.
At kung sakaling may hiwagang ika'y mahagkan,
sa lasa ko anak, supling nito’y katotohanang
pamana mo sa kinabukasan.
Saturday, November 22, 2008
PAUDLOT-UDLOT NA KATAHIMIKAN
…maawa na po kayo…‘indi ko po alam!
ser…’ala po ako’ng alam sa tinatanong n’yo…
…wag po! ‘indi po ko enpi-ey!
‘di ko po ‘lam kung s’an si kuya!
… ‘di a-ko maka-inga….
tama na po…maawa kayo…
… ‘di ko po ‘lam kung enpi-ey si Kuya
magsasaka po ako…pati si tatay po ….
si nanay…naggugulay…pawalan na po ninyo ako.
pawalan ninyo si Nanay, nagluluto lang siya sa bahay…
si kuya basta na lang nawala isang araw nang
salakayin nyo’ng kubo namin…tanda nyo yun?
…matagal na syang wala sa amin
walong taon na po iyon…
…wag po! wag po! wag po!
wag nyong pong bunutin ang kuko ko!
…maawa po kayo…. inang tulungan mo ‘ko!
….tatang! kuya, pakita ka na!
…opo! opo! opo! opo! opo!
…inaamin ko na po…enpi-ey si kuya…pati ako
enpi-ey po ako po. opo! opo! opo!
pati tatay ko…nanay ko…
ate ko…tiya ko… si bunso…opo
Tatlong taon lang siya pero enpiey na rin…
…opo! baril ko ‘yan…bigay ni kumander…ah…ah…
Joc…jocjoc…opo…inaamin ko ako nga po ang rumatrat
sa komboy nyo nung isang taon….
kasama ko si kuya? opo! opo! Kasama sya…
siya po’ng kumalabit sa gatilyo…opo, pero…pero, ako po
ang may hawak sa garand…a…armalayt?
ah, opo…armalayt ang tawag dyan sa hawak nyo, ser...
…tama no po ser, inamin ko na ser…
ser, ako nga’ng pumatay…pinugot ko’ng
ulo nya…tinusta ko’ng tenga, kinain ko…
pinako ko sya sa puno ng nyug…
…binuhusan ko ng gasoline, sinindihan ko
…para wag tularan ng kabataang tulad ko, ser
opo, ser, tama kayo…nagsisigaw nga sya
tinatawag lahat ng ninuno nya…nakakatuwa, ser?
ah…ah…opo ser, sumakit nga ang tiyan ko
sa katatawa…
Opo…Inaaamin ko lahat, ser…
wag nyo na akong pahirapan…ser…
ser…ina-a-amin ko …pi-natay ko rin si
Boni-facio, Ri-zal, Nin-oy…
ser? ser? wag wag wag wa-wa-wa-wag ser!
ser…’ala po ako’ng alam sa tinatanong n’yo…
…wag po! ‘indi po ko enpi-ey!
‘di ko po ‘lam kung s’an si kuya!
… ‘di a-ko maka-inga….
tama na po…maawa kayo…
… ‘di ko po ‘lam kung enpi-ey si Kuya
magsasaka po ako…pati si tatay po ….
si nanay…naggugulay…pawalan na po ninyo ako.
pawalan ninyo si Nanay, nagluluto lang siya sa bahay…
si kuya basta na lang nawala isang araw nang
salakayin nyo’ng kubo namin…tanda nyo yun?
…matagal na syang wala sa amin
walong taon na po iyon…
…wag po! wag po! wag po!
wag nyong pong bunutin ang kuko ko!
…maawa po kayo…. inang tulungan mo ‘ko!
….tatang! kuya, pakita ka na!
…opo! opo! opo! opo! opo!
…inaamin ko na po…enpi-ey si kuya…pati ako
enpi-ey po ako po. opo! opo! opo!
pati tatay ko…nanay ko…
ate ko…tiya ko… si bunso…opo
Tatlong taon lang siya pero enpiey na rin…
…opo! baril ko ‘yan…bigay ni kumander…ah…ah…
Joc…jocjoc…opo…inaamin ko ako nga po ang rumatrat
sa komboy nyo nung isang taon….
kasama ko si kuya? opo! opo! Kasama sya…
siya po’ng kumalabit sa gatilyo…opo, pero…pero, ako po
ang may hawak sa garand…a…armalayt?
ah, opo…armalayt ang tawag dyan sa hawak nyo, ser...
…tama no po ser, inamin ko na ser…
ser, ako nga’ng pumatay…pinugot ko’ng
ulo nya…tinusta ko’ng tenga, kinain ko…
pinako ko sya sa puno ng nyug…
…binuhusan ko ng gasoline, sinindihan ko
…para wag tularan ng kabataang tulad ko, ser
opo, ser, tama kayo…nagsisigaw nga sya
tinatawag lahat ng ninuno nya…nakakatuwa, ser?
ah…ah…opo ser, sumakit nga ang tiyan ko
sa katatawa…
Opo…Inaaamin ko lahat, ser…
wag nyo na akong pahirapan…ser…
ser…ina-a-amin ko …pi-natay ko rin si
Boni-facio, Ri-zal, Nin-oy…
ser? ser? wag wag wag wa-wa-wa-wag ser!
Friday, October 17, 2008
TAKOT
Natatakot siya sa kahirapan.
Takot siya sa halimaw sa labas
ng apartment nyang maaliwalas.
Pag-yapak pa lang sa lansangan
ilag na sa mukha nitong hantad -
mabalasik na mata’y
sumusubaybay sa bawat kibot
galaw na masalimuot
sa eskinita ng buhay niyang ayos:
pulubing amoy-asupre
karga ang basahang sanggol
walang ulirat sa tulog- benadryl
naka-Nike’ng sungkit-dukot;
astig na kikil-boys; isnats ng bag, alahas,
Robin Padilla ang tikas, may silat
na pitaka, sanggol malas naipulas...
Ay! Bata na-isnats…”wag naman sana
ang aking anak!”
Natatakot sya sa kahirapan.
Banta ito sa magarang buhay -
ang malalagkit na daliri
nitong pupulupot sa binti
ng kyut na panganay, hatak
palubog sa lalim ng burak….Ay!
“…wag na wag wag na wag
mahawakan ang aking anak!”
Pagsusumamo’y wag wag wag
sanang humulagpos sa yakap
at madapurak ng malansang kamay,
makaladkad sa alikabok,
ibusabos sa panlilimos. Ay!
O, anihin ang puso, bato, atay,
ala-piyesa ng kotseng katay,
panustos sa mauutas na buhay
ng kung sinong di hikahos…sa Hongkong,
Paris, o New York o Dubai?
Takot sya sa kahirapan
ngunit puso’y may tibok ng habag.
Paano o kanino di nya tiyak -
tunay na di alam ang kalam
ng sa maghapo'y hirap
sa pag-apuhap ng gatas, bigas -
ng mag-anak sa bahay na
kariton sa kanto ng v. luna,
sa sanggol at inang may tawnhaws
sa island sa EDSA
sa mga batang naglisaw
sa malapad na agaham road
sa pulutong singhot-rugby
sa ilalim ng tulay sa west qc
sa kanilang tulo- uhog pwet-bantot
sa underpass quiapo manila
sa sanggol na kumakahol
sa ubong-tosperina sa cambridge, cubao?
mahirap o isang pagpapanggap
ni kulas kulasa tomas tomasa
walang kwarta, tamad magbanat
ng burat nila, hahaha “lahat sila’y
dapat lang masamantala”?
Takot siya sa kahirapan
ngunit ina ring may pag-unawa
sa isang inang nagmamakaawa.
Ngunit paano matukoy ang totoo
sa batang tulog- kalong nito?
”Ano muna ang kahirapan
bago amot na barya’y
pakawalan” Galing ito kung saan?
Kulang sa materyal na bagay?
o usaping ispritwal? O lalang ng libo
libong henerasyon sa buong mundo
mula sa libag sa alak-alakan ng paslit sa imburnal,
animo mapa ng kahirapan – may krokis
ng direksyon tungo sa mabahong pinagmulan?
Takot siya sa kahirapan
Paano nga pipigilan ang pagsakmal ng halimaw
kung takot ka sa di mo alam?
Subscribe to:
Posts (Atom)