Friday, April 24, 2009

TAKBO NI ANTUNYU


Pagmulat ni Antunyu
sa basahang lampin
kakambal ang tubong
ekta-ektaryang pananim
ni Don Torcuato
mana sa ninunong sakim
sa katas ng kasaysayang
singhaba ng espada
ng sakada, pakilasa’y maasim.

Nakayang tiisin, sa pag-asang
bawat tabas ng espading
ganrantiya ang kubo
pandong sa ulo
at ulam na kakanin…
hanggang matauhan,
siya pala’y may karapatan
ewan anuman yun di alam -
mabuhay ng marangal,
makatarungan - usal
ng nakakaalam sa mahiwagang
tubuhan. Kaya lamang
niratrat ng masinggan
isang araw sa harap ng kapitolyong
bantayog ni Meyor Don Torcuato.
Ba! Sa takot madedbol
karipas ng takbo
nagkubli sa kakambal 
na mapagpalang tubo.

Pupungas-pungas
napukaw sa alingasngas 
ng Ilog Pasig na maangas,
sa pabrika ng Nestle
at uy! may pangkape
at pag sinuwerti, bahay at lote…
at uy, sobrang kape, 
ninerbyos, napamulagat
siya pala’y api
sweldo’y  kulang pangkape.
Naturete, sumali sa unyon
kaso, napukpok ng ratang baston
bungo ay putok, 
pulang dugo sabog
natakot!
karipas, karipas, 
karipas ng takbo
si Antunyu!
aba! Kung makalaboso, 
lagot si Amy, Tricia, Ting, 
Maning, “ay ala! kapalaran pisting yawa!”
mga supling. 

Nahimasmasan
sa Kotabato nakipagsapalaran, 
bayan ni Kato, kumpareng buo.
Miyembro ng Ilagang may kato
bisayang pulutong ngumangalot
ng tengang malutong ng alagad
ni mohamad. Antunyu, ay alat!  
Nakitadtad! Nag-ihaw ng tenga,
atay, Ay! Kay Favalli yata yan, a!
Kaso, niresbak ni Jamilaton
si Jungle Fox, tagapagtanggol.
Buti na lang nakatakbo, 
bayag sapo. Ilag, Antunyu! 
Pag inabutan ka, tapos ang lahi mo.
Babalatan ang talampakan, 
bubunutin pa ang kuko.

Ewan, tinakasan
ng bait, bwelta sa kamaynilaan
masakit, habol ng nakaraan.
Natuto yata sa kapalaran
di na magtatabas
di na mamasukan
di na mananadtad
magbubuhay mayaman na lang
sa sariling masyon
sa lilim ng puno
sa gitna ng Quezon 
bulebard. Sagana sa pagkain
sa assorted menu ng Chowking,
Jollibee, McDo.
Kaso, delikado sa MMDA
at skwater na butangero
kaya
karipas, karipas, karipas
karipas pa rin ng takbo.
Si Antunyu.

Thursday, April 23, 2009

AYWANABILAYK TED


Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Si ted failon royal treatment
ng mga pules. Korek!
Tatlong oras bago nareport
sa pulis ang trahedya ng asawa
scene of tragedy nilinis pa.
Kung si kulas yang napagkamalan
kalaboso agad,
kahit naghihingalo pa sa  ospital
si misis.  Pakialam!

Powtek! Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Pantay pantay lahat sa batas
buga ni San Diegong pulis
walang mapurol, walang matulis, 
walang mayaman, walang tolongges,
walang warrant, walang paliwanag, 
arestado agad, sa presinto kaladkad.
Pero syet ngang powtek, 
Tigasin si pareng Ted,
Inimbita nga sa presinto
kinunan lang ng isteytment.
Paano kung MMDA kayang magwawalis?
Malas ka.  Batok agad, tadyak
mura, sentensyado agad, syet!

Powtek na syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Abusado raw ang pulis kay Ted
Kawawa nga raw si pareng Ted. 
Kaya andun agad ang siyopaw
ng PAO, sugod agad sa pagsapaw
sa harap ng camera, smayl, wow!
pero pag aktibistang pinapalo ng pulis
asan ang tagapagtanggol,
diin nya, ng mga smol pipol? 
Wow, kumakain ng syopaw.

Kaya nga powtek! Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Aping-api raw ang “Kapamilya”
sa nangyaring trahedya
pinalalabas daw mamatay-tao
ng mga alipores ni San Diego
Mga katoto’y  umatungal 
sa ABS-CBN studio. Kesyo ganire
kesyo ganito, halos 24 oras sa ere.
“we just followed what the police did.
They made the story, we followed
what they said.” para alamin ang puno’t dulo.
sobrang tutok daw ani Luis Teodoro
kaya daw di na malaman 
kung ano’ng haka-haka sa totoo.
Ang totoo, pag di ka malakas
sa medya, kalaboso kang
bata ka. Ted swerti mo!

Hay, powtek! Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Ano ang bago?
Ano pang kagulat-gulat dyan?
Hindi nga patas ang laban
sa buhay, oo, yun ang kasabihan.
kaya kung si Ted Failon ka
(o Mike, Tony, o sinong ma-impluwensya)
meron ka nang
lamang.

Syet ngang malagket! Powtek!
Aywanabilayk Ted.

TANIMAN NI DOM-AN



Sagana ang ani 
ng mga pananim
sa bakuran ni Dom-an,
dating DH sa Hongkong
tubong Sagada: 
peras, sinigwelas, papaya;
gulay na soya, letsugas,
kamatis; bulaklak na sinya,
jade – laki sa dilig 
ng pagmamahal,
pag-unawa, pagpapatawad
sa pumaslang sa  asawang

Pepe, misyonaryong
nagtanim ng  mahiwagang binhi  
sa masukal na looban
ng Ilocos Sur

sa puso ng mga magsasaka:
binhi ng karapatan
binhi ng kalayaan
binhi ng pag-asa
mga pananim
dinilig ng pagmamahal
pag-unawa, pagpapatawad
at dugo.

Sa anihan,
maligayang magdiriwang
si Dom-an 
sa masaganag biyaya
ng taniman ni Pepe
sa Ilocos Sur 
duon sa masukal 
na ka-looban.

Saturday, March 28, 2009

Walang gutom



Sa Pinas walang gutom
ani kulas: tingnan si Mrs. Ting
umaawas ang ref sa Krispee Kreme
Savory Chicken, Goldilock’s,
Donut – Mister at Dunkin’
katas ng panggigipit
sa aring pabrika ng gatas –
pampadede kay Junior Ting
obese na anak.

Dagdag pa nya, 
malasin si Mr. Kong
paldo’ng bulsa sa malutong
na perang kupit sa konstruksiyon
kontrata sa highways. 
Ayun, patong-patong
sa  mansyon litson at alak,
buto-buto’y di pa maitapon 
kay Delyang katulong -
kay pit bull, bagkus, pinukol
spoiled, asong ulol.

Wala, walang gutom
sa mahirap o mayaman 
tomas o tomasa, Inigo o Lucio
sa Megamall, Ayala Mall
Galleria Mall, Star Mall
saanmang shopping mall
ni Henry Sy. You’ll see
maging pulutong ng tsinelas,
lalo na pag-atrenta o kinsenas
swis lang ng credit card
o kiskis ng cash
tighaw ang uhaw, 
gutom ay tunaw -
kahit isang kahig at tuka
kahit ubos-ubos biyaya
dahil bukas, bukas, bukas
‘sangkahig ulit santuka
O wala.

Dahil nga walang nagugutom
sa Pinas, diin ni kulas. 
Sa tulad nyang may palasyo 
sa daang Kalayaan, QC
duon sa tabi ng V. Luna
sa island, lupang surrounded 
not by water but mga jeepney
kotse bus konkretong kalye
nakomisyunan ng malaki
ni Mr. Kong – walang gutom sa kalye,
menu’y available sa tabi-tabi.
Konting wais lang, turo niya’y ganire:
mangalahig ng basura sa tabi-tabi,
sa MacDo, o Chowking o Jolibee
sa Wack-Wack, pag swinerti
may tira-tira pansit o burdyer o sopdrink 
o kaning panis; neks sa prosidyur
magparikit ng styropor 
isalang sa apoy ang takip ng Nido,
ipatong ang na-order mo,
langhap-sarap ang halimuyak
ng bulok na nagliliyab. Presto!
Bon apetito. Brekpastlantsdiner
Serbportu, tri, por…twenipor
Ageynst da setingsan ober QC hall.

Wala, diin ni Kulas,
walang gutom sa Pinas.

Wednesday, March 25, 2009

Pormula ni Kiko


Si Kikong Kinse
anyos may pormulang mahiwaga-
turo ni Aling Hibang Laslas
aniya’y gayuma may kabayo’ng lakas
para magbalik ang watiwat.
Simple lang ang timpla, 
dalawang sahog – bleyd at pupulsuhan:
si Kiko, kaya tadtad ng peklat
patong-patong na landas-hiwa – 
ritwal niyang pagdukot sa ugat
anuman iyong bara sa dibdib
anuman iyong bikig
anuman iyong, ngayong 
kinse anyos pa lang,  hilahod
ang loob sa araw-araw na pagsubok
sa lansangan, sa tulay sa Cambridge
Cubao, kung saan patong-patong ang yero at kongkreto
ang luha at pighati, tuwa at pagpupunyagi,
titi at kiki, mga peklat sa pupulsuhan
ng ilog Pasig.

“Pero bakit wala pa rin si mama?”

ikaw na’ng, sa walong taong gulang
pa lang, ipagtabuyan ng ‘tang 
inang patay-lasing, maga ang kasing-kasing
sa bigong pag-irog ng asawang plip
sa bato – kapiling ng walong supling
ay ipamigay sa kapitbahay, sa tambay
magtaka ka pa’ng tubuan ng sungay?
ngayong kinse anyos, lungayngay
sa paghagilap sa bagong pormula:
nauna’y sablay…

Ngunit, himala, laging may sagip.
tsk tsk buhay nya talaga’y plip!
masagip ng bagong ama-amahan
wag magkamaling angalan 
may sikmat sa pisngi agad, hayan 
sapin-sapin ang peklat
bukod pa’ng sa pupulsuhan:
“Alat ang isnats sa Culiat? Ala kang pakinabang!” 

at kung hindi nga naman matugunan 
ang simpleng hiling naman ni Amang
lagot, wala ng ina, wala pang ama
ay ala! walang nagmamahal!
Kahit agaha’y suntok, meryenda’y kalmot
lambing lang iyon, karinyo-brutal:
“opo, opo, dedelihensiya na po, amang!”
e kung ipagtabuyan?

“Kala ko, mahal nyo ako.”

Si Kikong Kinse, tiis 
sa kagat-lamok-daga-ipis 
sa ilalim ng tulay na bahay 
nilang barkada. May bagong pormula: 
yung mabango, 
yung mahalimuyak
yung sarap-langhap, 
yung turo ni Emong Singhot
sa ilalim ng tulay, sa teritoryo ni Pulis, 
sa ilalim ng tulay: “Tsip, sabit, rolex lang, o!” 
bagong pormula para sa lumang
sakit na nadarama: pagmamahal?

“Nanakawin ko yun!”





Monday, February 9, 2009

E-Mail


1. Los Angeles, USA, 2009 Panahon ni Obama

Sa wakas, nakarating na ako sa LA, dito kina Kuya Rudy, Aircraft mechanic pala siya sa United Airlines, spitting-image ni Tiyo Amboy, oval ang mukha, straight na ang buhok na kinki, lalong halatang nakakalbo at pandak – hindi maipagkakamaling Kano. May ngiting salubong pagbati, sa tagal nga naman ng forty years, ngayon lang nagkita sa mata. Sikat si Kuya, panundo lang ang Merceds Benz sabay bidang hirap sila sa panahon ni Obama, dahil sa recession na laging trumpeta sa CNN, FoxNews - hirap na hirap diin pa niya lalo na’t  malapit nang  mag-retire sa susunod na taon.

Walang tigil ang butunghininga, walang-wala sila, hindi tulad nuon. Sa limang sasakyan sa garahe, Mercedes lang ang nailalabas,  madalas. Once a week ang Cadillac (gas-guzzler daw), Hummer (gamit ng anak  nag-aaral ng engineering), Porsche SUV (pag weekend  – taking It out for a spin daw in the country), RV (sa outing monthly). Naiisip bumili ng maliit na bahay, matipid daw ang maintenance kaysa mansiyon nila, kung saan parang dyolens silang tatlong betlog kakalog (kwartong assigned sa akin kasya ang apartment natin. Yung comfort room, kasinlaki ng kwarto ko. Sa dingding LCD TV ang nakabitin. Sa tabi, Ipod stereo– hehehehe luma ang boom box natin. Ito ngang laptop na MacPro nila ang gamit ko sa pag-email sayo e. Naka-Wi-Fi ang buong bahay!

Hinagpis nila hindi na mabuksan ang  centralized heating,  potable heating system na lang  sa bawat room; Si Ate Vi  stop muna ang shopping  sa Armani, Louie Vuitton,  Hugo Boss, sa mga tindahang makatisod - dila ang pangalan – umaasa na lang sila pag may sale …saan pa kundi sa Armani, Louie Vuitton, Escada, etecetera. 

Galante, nilibre ako sa MacDonalds! Ang burdyer nila lumiit pero dalawang burdyer per order  kasi naliliitan sila  sa serving. Nakakatawa sila. Maliit na sa kanila ang kasing laki ng burdyer dyan sa pilipinas na Mcdo. Tapos kwentuhan, iyon pa rin ang tapic naman, hirap sila. Para ba namang mamalimos ako ng dollar. Hehehe baka nga magpabaon ng sabon tuwalya at hand-me-down rubber shoes pagbalik ko dyan. Hindi na raw sa Europe sila magbabakasyon. The family has gone to a lot of places in the world, sila ang nagsabi nun.  Ang balak, suyurin  ang Middle East.  Kung gusto ko raw sumama sa summer, marami daw silang “miles”. Sabi ko’y wala akong balak mag-lala ng buhangin - hindi ako naintidihan hehe.

Pinipilit nga akong mag-TNT para duon na daw ako. Alam kasing hirap tayo dyan,  sabi ko nga paano mgagawan ng paraan. Siya daw ang bahala pero sa isip ko, mahirap na sa kanila ako tumira - kung yung kapatid nilang naiwan sa atin e ayaw bumalik sa kanila, ako pa? Baka alila-in pa ako, gawing gardener nila hehe.  I don’t know. We’ll see.

Daing na rin ang sakit ng mga tuhod at likod kaya ramdam na ang panahon ng pagreretiro. Pero ayaw umuwi ng pilipinas, sa Argentina  type manirahan. Maganda raw dun para sa mga nag-reretiro. Ewan hindi ko maintidihan kung ano pinagka-iba ng Srgentina sa Pilipinas. Di ba parehong bagsak ang ekonomiya ng dalawa? Worried sila sa health ng Tiyo Ogot at Tiya Curly dahil nga they are all in their 80’s pero ayaw mag pa-care home. They see themselves in them, kaya naghahanda na sila.

Siynga pala, si Tiya Lily, yung ina ni Ate Vi nasa care home na. May bali sa balakang, may emphysema kasi chain smoker. Sobrang payat daw. 

Sige. i'll stay with Kuya Rudy, mga dalawang lingo, tapos sa San Fo (tawag nila sa San Francisco dito) sa mga Tatay niya, kina Tiyo Ogot at Tiya Curly. 

Kailan daw ang dalaw nyo? Masarap ang resesyon dito!


2. San Francisco, 2009 Panahon ni Obama

Tiyo Ogot picked me up from the airport. Dala nya yung kabibili lang na Mercedes. Pinagyabang pa na 3-day old lang! 80 anyos na hambog pa rin. Sa bahay nila, may Hummer din,  tulad ni Kuya Rudy, may van at BMW. Biniro ko: iuuwi ko na yung BMW, nangiti, parang ayaw hehehe. Sandali: nagbayad ba sila ng inutang na pamashe kay Tatay nang mag-emigrate sila? Pakitanong nga kay Ate Ef nang masingil ko…ups wag na, baka  ipa-immigration pa ako hehe.  Ang tatay talaga, madaling maloko ng kamag-anak kaya namatay na poor pa rin.  

Maulan, kaya lalong malamig. Stay at home lang, di makalabas para mamasyal dahil masakit na ang rayuma ni Tiyo Ogot – wag daw tawagin siya Ogot, they call him August daw. Ngayon dinner, kumain kami ng steak na sinlaki ng pinggan (hindi ko maubos – ang kinagulat ko tinapon lang ni Tiya sa lababo). Dati raw mas malaki pa at makapal, sa bandehado ang serving nila pero dahil recession, tiis sa size ng plato. Pagkakain, nag-gitara ako! Sikat, Fender na orig, gitara daw ni Ricky na jazz guitarist pala sa banda sa LA. 

Umaga, more kwentuhan, sila muna ang pinagkwento ko. Ano naman ang maikukwento ko puro kamalasan sa Pinas? Hindi magandang balita yun sa kamaganak natin dito, baka sabihing hirap tayo dyan. Si Tiya Curly, busy everyday nag-aaral ng piano, nag-bo-ballroom dancing lessons. Ngayong umaga hindi sya pumasok kasi umuulan. maganda daw ang program ng government sa senior citizens, may mga activities sila for free -handicrafts, guitar lessons, cooking, knitting, may pakain pa. Kaya pag di sila makaluto, punta sila sa center .

Nang ako na, syempre, pinasgyabang ko na wala kang ginawa dyan kundi magpinta para sa one-man show mo (malalaman ba nila na labinlimang taon mo nang pinaghahandaan ang one-man show). Si Ate El, may bahay na sa FilInvest kahit solo kayod sa SSS. Ganun din si Kuya Gel, may naipundar ding maliit na bahay (sasabihin ko bang nagtirik lang ng barong-barong sa lupa ng may lupa, at sa akin umaasa, hehe). Sa akin naman e nagbabakasyon muna sa tindi ng trabaho sa Metrobank, and I promoted myself – VP na ako for finance! Kaso pina-review sa akin ang financial statements nya, buti na lang dumating si Ricky kundi buko!

Bitbit yung bago niya girlfriend. Sa Pasadena sya nakatira, about an hour drive. Bida ko, punta ako sa New York, nainggit! Claims he has never set foot in New York, hanggang New Jersey lang daw. (Hohoho this Mangyan is going places - Nuyok).

Republicans sila! Lalo na si Tiyo. Hindi raw kaya ni Obama ang recession, no experience like MacCain, Vietnam veteran and economist. Like Bush? Di ba huling balita dyan, bumagsak sa balong malalim ang economy ng States because of Bush’s policies. At ito pa, sa kanila galling ang balitang ito: yung bailout sa Citigroup, aba ay ibibili pala ng mga jetplanes for all the CEOs. masaya ano? Pero opposed ito ng marami. Sarap dito, feeling nila naghihirap sila dahil sa may recession pero mayaman pa rin. May recession ba? For a country in recession, they still live in luxury.

Pero sabi ni Tio ay surviving sila through their pension at bigay ng mga anak. Ito ngang laptop ni Tiya - Mac - bigay ni Ricky. Yung cable tv nila provided ni Rudy. Maginhawa ang buhay nila pero sa standard ng living dito, tipid sila dahil nga senior citizen na sila, hindi na kumikita. Nanganganib nga daw ang mga pension nila dahil sa stimulus plan ni Obama.

O sya hanggang sa muli  Hinihintay kayo na pumunta dito. 

Sunday, December 28, 2008

Tatay, 82



May ligalig sa himas ni tatay
sa telang sapin sa kaniyang kama,
animo telang latag sa tabasan sa tahian.
Mga himaymay nito’y taliwas
sa habing kinasanayan sa panahong
nagdaan. May kagat na salungat 
sa haplos ng gapak nyang palad.
Kakaiba ang himulmol.
Kakaiba ang dulas.
May piglas sa palad na sanay
sa kinamulatang himas.
Sa pagkapa’y di mapayapa 
ang damdamin sa sigaw na ulinig,
bumabayo sa kaniyang dibdib
nanunuot sa mga laman, litid
– ngunit ano’ng sukat at tabas 
na lapat sa nagmamadaling tinig? 
Akma kaya sa damit, isusuot ng 
mga mapupuyos na anak ,
sa asta’y  kakaiba ang tikas?

Bagong tela iyon, iba ang padron,
bagong sukat para sa bagong panahon,
inuunawang pilit ng nanlalabong paningin…
isusubo kaya ng matandang singer sewing machine?
Sa lasa’y di pa subok tulad ng mga padrong 
nakasabit sa dingding – handa sa wisyo ng panahon: 
sa tag-ulan, tag-tuyot, tag-ani, taga ng panahon: 
kamisadentro, pantalon, amerikana, barong: 
mga damit  na nagtaguyod sa mag-anak, 
kamag-anak, kaibigan, kababayan: 
magiting na suot ng mga  jose rizal, 
andres bonifacio, antonio luna, gregorio del pilar:
katutubo, katipunero, gerilya, USAFFE, beterano, sundalo:
pambalot sa katawan ng mga nasalanta - bata, matanda, 
babae, lalaki: ngunit, ano itong naririnig na daing sa
malayo? 

“…ano’ng pinanggalingan, ano’ng pinuntahan
sa turo sa panahian?” 

Sa loob ng walong dekada
tinabas niya ang kapalaran:
natutong manahi mula sa tiyahin;
asawa’y nagtinda ng maruya’t kakanin;
nangarap mapagtapos ng doktor ang panganay,
abogasya ang pangalawa, kalakal ang
pangatlo, agrikultura ang pang-apat,
dentista ang panglima; 
kinamatayan ng dalawang anak; 
pinatay ng ready-made Levi’s ang talyer; 
pinatay ng DAR ang munting bakahan sa Halcon;
dinaya ng kapartner sa negosyong telcom;
inuto ng mga tusong pulitiko;
saksi sa paghati sa kinatitirikang simbahan;
naubos maging puhunan sa kahihingi ng BIR; 
nawantutri sa kooperatiba;
bigo sa pangarap maging milyonaryo ang mga anak
bagkus, naluluong sa panitik, at pinta;
nilanggam ng diabetes ang katawan;
binulok ng tadhana ang bayag;
kumalat ang kanser  sa baga, buto, sa dugo –
“Pero mainam ang tabas… matimyas ang lapat…”

Malamig ang simoy ng hangin
sa kwarto 17 sa Veteran’s Memorial Hospital,
lapat na lapat ang likod nya sa manipis 
na puting tela, sapin sa plastik na kama
(ano iyong bakas ng katawan? kakosa 
sa ward, patawa ni tatay) buto’t balat, 
mata’t pisngi’y humpak,
sala-salabat ang tubong nakasaksak, 
sapo pa rin ang bayag.

Paghugot ng hininga, batid nyang
iba ang sastreng tatabas sa bagong tela.
Matapos ang walong dekada maluwag 
niyang tanggap ang pangako ng bukas,
mamangha sa hiwaga ng bagong panahian,
sa ginintuang guhit ng tisa, sa halip na
tuwid, pakurba pakanan, pakaliwa: 
malayo sa sukat ng kaniyang panahong 
silakbo sa gubat at kapatagan  sa Timog Mindoro,
bayang sinilangan:  sa gulang na
labimpito buong tapang na ipinagtanggol
laban sa Hapones (sapo ang bayag habang
nagmamartsang mag-isa sa pusikit na
dilim ng kagubatan: sa kanang kamay ay ulat
posisyon ng Hapones sa bayan ng Naujan, 
sa kaliwa’y karbin, kinakalawang) -
bibitaw sa hawak na gunting, medida…
bubuntunghininga: “Sunugin ang lumang padron, anak.
Ikaw na ang mag-sukat, magpanibago ng tabas.”


Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.