Friday, September 27, 2013

Isidro, a-tapang a-tao!



Maikling Kwentong Pambata ni Lem Garcellano


Sa rebolusyon noong 1896 laban sa mga Kastila, hindi lang mga matanda ang lumaban para lumaya ang ating bayan. Pati na ang mga bata.

Sa Kawit, Cavite, ang mga bata ay may tanging gawain. Tagahatid sila ng bala ng baril sa mga katipunero sa labanan.  Isa si Isidro sa mga batang ito.

“Isidro, anak, ihatid mo ang mga balang ito sa iyong Itay,” utos ni Inay. Gusto ni Isidro na makatulong sa kaniyang Itay pero meron siyang problema.

“Inay, ata-takot po ako a-putok!” sagot ni Isidro na nauutal.


Iyon ang kahinaan ni Isidro. Kaya lagi siyang pinagtatawanan siya ni Temyong at kabarkada.

“A-liit-I-sid-ro. A-du-wag-a-ta-o!” kantiyaw nila.

“Wag mo silang pakinggan, Isidro,” bulong ni Ignacia, ang kaniyang kaibigan na bulag ang isang mata.

“Tama si Ignacia, Isidro. Isipin mo, bawat putok ay tawag ni Itay sa ‘yo,” payo naman ni Inay.

“Isidro, anak, asan ang bala ko!” paggaya kunwari ni Inay sa boses ni Itay.

“O-po, I-nay,” pangako ni Isidro kay Inay. “A-isip kong a-ta-wag ni I-tay.”


Naglakad nang naglakad si Isidro sa gubat, kasabay si Ignacia. Nagmamadali siya para umabot sa kaniyang Itay sa labanan. Sa bawat hakbang, inuulit niya ang payo ni Inay.

“A-ta-wag ni I-tay...A-ta-wag ni I-tay...A-ta-wag ni I-tay...”

Kaya lamang, kasunod niya sina Temyong na walang tigil sa pangangantiyaw.

“A-liit-I-sid-ro. A-du-wag-a-ta-o!”


Napuno na si lgnacia sa pangungutya ni Temyong. Hinarap niya ang pulutong ni Temyong.

“Hoy, Temyong. Matapang si Isidro. Hindi mo lang alam!”

Imbes na huminto, higit pa itong nangantiyaw. At dinamay pa si Ignacia.

“A-liit-I-sid-ro. A-du-wag-a-ta-o! Ig-na-cia. A-pi-sak a-ma-ta!” kantiyaw nila sa dalawang magkaibigan

Galit na galit si Ignacia sa pangungutya nila.


Naglakad nang naglakad sina Isidro at Ignacia. Patungo sila sa mga katipunero na nakikipaglaban sa mga Kastila. Tulad ng dati, inuulit nya ang payo ni Inay.

“A-ta-wag ni I-tay...A-ta-wag ni I-tay...A-ta-wag ni I-tay...”

Nang biglang may narinig siyang putok.

“I-tay ko po!” sigaw ni Isidro. Sa gulat, napalundag at napasubsob siya, una ang mukha, sa ugat ng mga halaman. Pero ang puwit ay nakausli naman. Si Ignacia naman ay napakubli sa kaniyang tabi.

Sumakit ang tiyan nina Temyong sa katatawa - tuwang-tuwa sapagkat si Isidro ay naisahan na naman nila.

“Isusumbong ko kayo kay Heneral Paua pagbalik sa pagawaan ng bala! Tingnan natin ang katapangan nyo!” banta ni Ignacia kina Temyong.

“Ig-nacia. A-pi-sak a-mata. Sum-bu-ngera pa!” hiyaw na kantyaw ni Temyong at kabarkada.


Pagdating sa labanan, natagpuan agad ni Isidro ang kaniyang Itay. Isinumbong nya ang pangungutya ni Temyong sa kaniya at kay Ignacia.

“I-tay, a-du-wag a-ko. A-ta-kot a-ko a-pu-tok. Hin-di a-ko a-ta-pang tulad mo,” hinga ni Isidro sa kaniyang Itay.

“Hindi ka duwag anak. Ang katapangan ay hindi lang sa pakikipaglaban,” sagot ni Itay sa digmaan, ”katulad mo.”

“Ha? Sa-an po a-ko a-ta-pang,” tanong ni Isidro.

“Matapang ka sa pag-aaral. Mahirap matututo magbasa, pero matapang mong hinarap para matuto kang magbasa. Matapang ka, anak!” paliwanag ni Itay.

“Pe-ro ang a-gus-to ko  a-ta-pang ay a-ta-pang mo, I-tay,” diin ni Isidro.

"Darating ang panahon, matututunan mo ang tapang na ayon sa iyong kakayahan, Isidro. Pag nalaman mo, hindi ka na matatakot sa putok” dagdag na payo ni Itay.


Nalilito si Isidro. Hindi niya maunawaan ang payo ng Itay niya. Higit sa lahat, unti-unti na siyang naniniwala sa kantiyaw nina Temyong.

“Hin-di a-ko a-ta-pang, Ig-nacia. A-du-wag a-ko, di ba?” himutok ni Isidro.

“Wag mo silang pakinggan. Makinig ka sa sarili mo,” payo ni Ignacia, “Sabihin mo…Matapang ako, tulad ng Itay ko! Dali!”

“A-ta-pang a-ko, tu-lad ng I-tay ko!” bulong ni Isidro.

“Lakasan mo! Isigaw mo!” diin ni Ignacia.

Huminga ng malalim si Isidro at saka sumigaw. Pero iba ang sinabi ni Isidro.

“A-ga-ga-ya-hin ko ang a-ta-pang ni I-tay!” sigaw nga ni Isidro.

Mula sa malayo, napangiti si Inay sa kaniyang narinig. Talagang bayani ang tingin ng kaniyang anak na Isidro sa kaniyang Itay. At si Ignacia naman ay napa-ismid na lang.

“Hmmm. Pwede na yun,” buntunghininga ni Ignacia.


Isang araw, pumarada si Isidro sa harap nina Temyong, naka-uniporme ng Katipunero. May sukbit na espada at kalawit sa balikat ang isang ripleng laruan.

“Para kang si Itay mo, Isidro,” puri ni Ignacia.

Ngunit imbes na mamangha sina Temyong, lalo pa siyang kinawawa. Timbuwang sila sa katatawa. Akala mo, nanood ng sarswela. Hindi nakatiis si Isidro sa pambabastos na ito. Lakas-loob niyang kinausap si Temyong.

“A-no nang-yari sa-yo? A-kai-bigan tayo, a. A-matay ang I-tay mo. A-ta-pos a-ga-lit ka na sa a-kin?” tanong ni Isidro.

Naumid ang dila ni Temyong sa narinig. Biglang naalala ang  kaniyang I-tay na napatay ng mga Kastila sa labanan sa tulay ng Zapote sa Kawit, Cavite. Galit na galit. Sinigawan nya ang kaibigan, paputol-putol ang mga salita. Parang nauutal tulad ni Isidro.

“Galit ako sa ‘yo.... dahil... may I-tay ka pa!” sigaw ni Temyong. “Kaya... hu-manda ka! Hinahamon kita... ng dwelo!”


Umusok ang alikabok sa gubat sa labanan nina Temyong at Isidro. Malakas si Temyong pero hindi sumuko si Isidro, hanggang sa mabarog siya ni Temyong.

Bumulagta si Isidro sa lupa. Maliksi naman siyang nasalo ni Ignacia.

“Akala mo matapang ka?” sumbat ni Ignacia.

“Oo! Ako ang pinakamatapang na bata dito sa Kawit!” yabang ni Temyong.

“Duwag ka! Kaya mo lang labanan ay maliit na bata!” sumbat uli ni Ignacia. Makikipag-sagutan pa sana si Ignacia ngunit pinigil siya ni isidro.

“Wag na, Ig-nacia. A-u-na-wa ko a-Tem-yong. Hin-di si-ya sa a-kin a-galit,” saway ni Isidro. “Ta-yo na. A-hintay na ni I-tay ang mga ba-la.”

Kahit masakit ang katawan at  pumipintig ang bukol sa ulo, may ngiti sa labi ni Isidro.

“Tama si Itay. May tapang akong matututunan,” bulong ni Isidro.


Pagsapit sa labanan, nasaksihan nina Isidro at Ignacia ang pag-urong ng mga 
Katipunero. Marami sa kanila ay sugatan. Marami rin ang nakahandusay sa mga hukay.

“Ano’ng nangyayari? Bakit umuurong ang mga Katipunero?” kakaba-kabang tanong ni Isidro.

“Naduwag na kaya sila?" natatawang tanong ni Temyong. 

Nagpanting ang tenga ni Isdro. Hindi niya matatanggap ang paratang ni Temyong.

“Hin-di! Hin-di a-du-wag a-I- tay ko.” sigaw ni Isidro sa unang pagkakataon.

“A-duwag a-I-tay mo! A-tulad, Isid-ro!” kantiyaw ni Temyong.

Pero hindi siya pinansin ni Isidro. Walang nasa isip nya ngayon kundi alamin ang kalagayan ng kaniyang Itay.

"Ig-nacia. A-ha-nap na-tin ating I-tay!" diin ni Isidro.


Sa kabutihang palad ay ligtas ang Itay ni Isidro. Maging ang Itay ni Ignacia ay nasagip din. Ayon sa kanila, mabilis ang pagsugod ng mga kawal na Kastila. Hindi nila mabaril sapagkat naubusan sila ng bala. Dahil sa nangyari, kinailangan nilang umurong, kundi lahat sila ay mamamatay.

“Mga kasama, naubusan na tayo ng pulbura,” paliwanag ni Heneral Ignacio Paua.

“Anumang oras, maaaring lumusob ang mga Kastila,” sabad ng Itay ni Isidro. “Ano ang ating gagawin, Heneral Paua?”

Malalim na nag-isip ang heneral. Ngunit wala rin siyang maisagot. Hanggang may isang boses na nagmungkahi.

“Maraming bala ng kanyon ng Kastila ang bumagsak sa atin. At hindi sila pumutok.” sagot ng isang katipunero.

“Maari nating gamitin ang pulbura ng bala ng kanyon ng Kastila!” mabilis na salo ng isa pa.

“Tama. Mangalap tayo ngayon!” utos ni Heneral Paua. “Pero lahat ng katipunero ay kailangan sa labanan. Paano ito?”

Sinamantala ni Isidro ang pagkakataong iyon. Pakiramdam niya, ito ang tapang na ayon sa kaniyang kakayahan. Ito ang tapang na kailangan ng bayan.

“He-neral Pa-ua, a-ka-mi bata, a-pulot sa bala. A-bilis po ka-mi a-tak-bo!” paliwanag ni Isidro.

“A-tapang a-bata ka, Isidro. Hi-hi-hi!” tukso ni Ignacia sa kaibigan.

Isang ngiti ang sumungaw sa labi ni Itay at Inay. Alam nila, bagamat mapanganib ang gagawin, natagpuan na ni Isidro ang tapang na hinahanap - ang tapang ng isang bayani.


Niyakag ni Isidro ang mga bata na samahan siya sa pangangalap ng mga bala ng kanyon ng Kastila.

“Sa da-mi na-tin, a-rami ta-yong a-kalap. A-raming ba-la para sa I-tay na-tin,” paliwanag ni Isidro.

“Ayaw namin! Ginagawa mo iyan para magyabang sa Itay mo!” sumbat ni Temyong.

“Oo, bu-hay ang I-tay ko.  A-ga-wa ko ito pa-ra sa ka-niya, at pa-ra sa a-ba-yan,” walang takot na sagot ni Isidro. “Hi-ndi na a-ba-balik ang I-tay mo. A-ga-win mo ito pa-ra sa ka-niya. A-mat-ay si-ya a ba-yani,” dagdag pa niya.

Hindi na naka-imik si Temyong sa sinabi ni Isidro. Alam niyang tama ang sinabi ng kabigan.


Mainit uli ang labanan ng mga Katipunero at Kastila. Pero ngayon, nakikipagpalitan na sila ng putok.

“Sugod mga kapatid! Itaboy ang mga Kastila!” sigaw ng katipunerong magigiting.

Kasabay ng pagsugod ng mga katipunero ay ang pagsugod naman ng mga bata. Namumulot sila ng bala ng kanyon. Nangunguna sa kanila si Isidro.

“Wag ka-yo a-takot. Hindi yan a-putok!”

At tunay nga. Hindi na takot sa putok si Isidro. Simbilis ng kidlat ang pagparoo’t parito sa larangan. Rumaragsa sa mga hukay kahit ang mga bala ay nasasalimbayan.

Wala nang magtangkang siya ay kantiyawan. Maging si Temyong ay natauhan. Napagtanto niya ang kaniyang kamalian. 

“Isidro... kaibigan... patawarin mo ako...” nahihiyang bulong ni Temyong.

“Wa-la yun. Wag mo lang a-u-lit!” bulong din ni Isidro at sabay silang natawa.


Nagtagumpay ang mga Katipunero na maitaboy ang mga Kastila. Lahat sila ay tuwang-tuwa, at walang humpay sa pasasalamat sa mga bata.

“Tunay kayong bayani, mga bata! Dahil sa tulong nyo naitaboy natin ang mga Kastila,” bungad ng isang katipunero.

“Matatakot ang mga kaaway ng ating bayan dahil ang mga bata man ay nakahandang ipagtranggol ang ating kalayaan!” dagdag pa niya.

“Mabuhay ang Rebolusyon!” sigaw ng lahat.

“Mabuhay ang mga bata!” singit ng isa.

“Mabuhay A-liit I-sid-ro! A-tapang a-tao!” sigaw ni Temyong.

Sumambulat na ang hiyawan ng mga bata. Pati mga katipunero ay nakisali sa parangal kay Isidro. Lahat sila ay sumisigaw na aabot yata sa mga ulap.

“A-liit I-sid-ro! A-tapang a-tao!”
“A-liit I-sid-ro! A-tapang a-tao!”
“A-liit I-sid-ro! A-tapang a-tao!”

Wednesday, December 14, 2011

ampalaya


kung ang mukha mo
ay ampalaya
tiyak, hindi mo 
naranasang malamukot
ang mukha mo ng mga 
daliring kinutingting ni Belo
o, mamusarga kaya
ang nguso sa halik
ng ngusong
gawa ni Calayan
o, ma-blak ay 
sa suntok ng selos
ni Jinkee Pacquiao

Lalo ka pa kung 
di tumitibok ang
ang puso mo 
tiyak, di ka pa nakasakal
ng leeg
ng chicken joy
o mamaga ang pisngi mo
sa sampal
(take that! take that!)
o malasing
sa dalawang case  
ng Red Horse
o magtangkang tumalon
mula sa 2nd floor ng
Palma Hall sa UP
(walang pipigl! walang pipigil!
Aym warning yu!)

dahil nga
mukha kang
ampalaya, at
asa ka pang
maso-solb
ng botox
ang pileges
na kinahig ng 
mga buwitre

Wednesday, December 7, 2011

tyaga

laglag na ang
kamay ng orasan
sa busstop
kung saan matyaga
sya nagaantabay
sa pag-uwi nya,
aywan kung sya'y
kilala o mamumukhaan pa

ngunit iyon ang
kanyang lakas at hina:
walang inip
walang kaba
asa na darating sya
dala sa dibdib ang
kaniyang puso, puso
pusong bigay nya,
hindi sa busstop
kundi sa krus na daan,
nang walang pilitan

walang inip
walang kaba
patuloy na aabang
sa walang patlang na
dating-alis ng sasakyan
at sa kanya na iibis
kaya? o magpapatuloy
sa paglalakbay

tanggap niya, totoo
sya na nagmamahal
walang panahon
walang sasakyan
walang bustop
na kabagot-bagot
na kasuklamsuklam
bagamat laglag na
ang kamay ng orasan

Saturday, December 3, 2011

hintay

matagal nyang
hinintay
ligaya iyong
nalasahan na
sa labi
hindi pa man,
tinyagang limliman
parang itlog

at sa pagbiyak

ingat na hinagilap
higpit-luwag sa palad
kundi'y ikamamatay
ng ligaya dahil
siya nga
siya na nga
kay tagal hinintay
binuo, binuno
sa kaibuturan
kung saan
sa dibdib

at lumipad

naghintay muli
siya, buong tyaga
sa lasa ng sarap
ng pait
sa kaniyang labi
sa kaniyang puso

Monday, October 10, 2011

Barya

Malayo ang nilalakbay pagulong-gulong
Sa gapak na palad - tulad ng mga kalye sa
Bayan at lunsod ng ating damdamin.

Pagtugpa iyon sa pagitan ng mga gusali at
Kanal, giba-giba animo pulubing lupasay
sa daang Kalayaan Avenue. Parang bolitas ng

lagas na rosaryo ng deboto sa Baclaran sa
kaniyang pag-usad sa imburnal ng Pasay.
Dala ng kapalaran sa sipa ng mga hubad na

paa, tsinelas, sapatos na kunwa’y katuwang
sa lakaring walang katapusan. At ngayon, walang
pakiramdam sa walang patlang na pag-urirat

ng putik at alikabok: ano’ng saysay ng pagitiiis;
ano’ng saysay ng pagwawalang-bahala sa
sa mantsang nakulapol sa mukha, nagkukubli

sa tunay na ikaw – lamog na lamog ngunit
nanatiling makinang - limang sentimong
halaga ngunit ikaw na ikaw na ikaw.

Saturday, October 8, 2011

Alon

alun-alon ang mahabang buhok,
tulad niya - alun-along saya at lungkot,
ligalig at pag-ibig. pagulong-gulong
sa dalampasigan, pasaway,
mapaghamon ang hampas
sa buhangin at bato…animo,
halakhak ng tagumpay -
paghamak? paglibak?
magiliw na pakiusap?
sa kaniya na humahatak
papalaot duon sa pusod



singasing ng tubig-alat
paulit-ulit animo seremonya
ng walang katapusang litanya …
na pagbigyan ang hiling
na buksan ang mata,
na mabanaag ang pangarap,
na mangarap ng simula,
na sinimulan ay magwakas
hanggang panawan ng halakhak,
o alun-along saya at lungkot,
o alun-along ligalig at pagibig



sa buhangin payapang
hihimlay at duon,
limiin ng matamis na ngiti
ang binunong panahong
magpati-anod sa daloy,
pag tastas sa hiwaga
ng mga alimpuyo,
pag-alimura sa mukha
ng kilabot na sigwa…
at pagsuko: hayaan
iduyan sa alun-along
kapayapaan ang katawan,
ipalaot sa pinagmulan

Wednesday, May 4, 2011

Puyinggot at Puyonggit

(Alay kay Emma Espiritu)

Gabi-gabi, mula nang umakyat sa langit si Nanay Pupuyunggat upang maging isang tala, hindi na makatulog si Puyonggit at lagi pang umiiyak. Nguyngoy siya nang nguyngoy. Kaya iiyak na rin si Puyinggot, ang mas matanda niyang kapatid. Sabay silang ngunguyngoy nang ngunguyngoy. Sabay din silang dudungaw sa bintana at sisinghot

“Nanay! Nalulungkot kami. Kailan ka bababa para samahan kami?” daing ni Puyinggot habang tinatanaw sa langit si Talang Nanay Pupuyunggat.

Ngunit, wala silang maririnig na sagot kundi “Sssss, krreeeek, ssssss” na huni ng kuliglig sa halip.

“Ano raw, Kuya Puyinggot?” tanong ni Puyonggit, “hindi ko siya marinig!”

“Aywan, Puyonggit!” sagot ni Puyinggot, “parang tunog ng puyat na kuliglig. Hindi naman kuliglig si Nanay!”

Gabi-gabi, iyon lagi ang ungot ni Puyinggot kay Talang Nanay Pupuyunggat para hindi na sisinghot-singhot silang magkapatid. Ngunit bigo siya lagi. Isip nya, malayong-malayo si Nanay sa langit at di sila maririnig.

Isang araw, napa-kembot si Puyonggit sa tuwa. Ang kuya niyang si Puyinggot ay may saranggolang ginagawa.

“Kung hindi makababa si Nanay, tayo ang aakyat sa kaniya. Gusto mo ba iyon, Puyonggit?” tanong ni Puyinggot sa kapatid.

“Yehey, sakay tayo sa saranggola? Puntahan natin si Nanay sa langit, kausapin natin siya!” tuwang-tuwang sigaw ni Puyonggit.

Umikot sa bilis ang puwit ng magkapatid. Nagtulungan sila sa paggawa ng isang saranggola. Nagkayas nang nagkayas si Puyinggot ng kawayan. Naggupit nang naggupit ng papel si Puyonggit naman. Pagkatapos nang handa na ang mga kagamitan, tulong-tulong nilang pinagkabit-kabit ang kawayan. Pinagdikit-dikit nila ang papel. Sa dibdib ng saranggola, ginuhit nila ang mukha ni Talang Nanay Pupuyunggat. At siyempre, hindi nila kinalimutang kabitan ito ng buntot na mahaba.

Pawisang-pawisan ang magkapatid. Tunay silang napagod sa paggawa ng saranggola. Pero kahit na, labas ang ngipin nila sa saya. Tumakbo sila sa parang dala ang saranggola. At pagihip ni Hangin, ang magandang saranggolang may guhit na mukha ng kanilang Nanay ay lumipad na. Mataas na mataas ang lipad niya.

Kumapit si Puyonggit at Puyinggot sa tali. Pumikit silang dalawa at hinintay na hatakin sila ng saranggola. Naghintay sila nang naghintay nang naghintay na tangayin sila papunta sa langit. Hinigpitan pa nila ang pikit, ngunit bigla silang nadapang dalawa. Iyon pala, ang saranggola ay umalagwa, hindi kinaya ang bigat nila.

“Kuya Puyinggot, anong gagawin natin? Gusto ko nang makita si Nanay!” iyak uli ni Puyonggit, pahikbi-hikbi pa.

Imbes na ngumuyngoy, si Puyinggot ay nag-isip, at saka tumingala sa langit. Kumislap-kislap naman si Talang Nanay Pupuyunggat na para bang may pahiwatig. Kaya siya ay nag-isip-isip. Maya-maya, ngingiti-ngiti itong bumulong sa kapatid.

“Puyonggit…” hinga niya, “gagawa tayo ang saranggolang dambuhala. Ngunit kailangan natin ng mahabang kawayang abot sa ulap!”

Natuwa si Puyonggit sa naisip ni Puyinggot, ngunit bigla, noo niya ay kumunot, “May kawayan nga kayang sa ulap aabot?”

Naghanap sila nang naghanap sa gubat. Umabot pa sila sa ituktok ng bundok. Ngunit wala silang mahagilap na kawayang sa ulap ay aabot. Kaya ang magkapatid ay inabot ng antok. Sila ay nahimbing sa tabi ni Ilog. Maya-maya, may pumatak na dahon. Sa lupa ito ay bumaon. Pagkatapos ay nagtampisaw si Ilog. Nagwisik ng tubig pandilig sa higaan ni Dahon. Nagising si Buwan, at ang lupang higaan kaniyang sinikatan ng liwanag na katamtaman. Matagal na matagal niya itong tinanglawan hanggang makatulog siya sa kapaguran.

Umaga na nang magising sina Puyinggot at Puyonggit sa malakas na katok na tunog at langitngit. Iyon pala, may kawayang tumubo sa kanilang gilid. Nagulat silang magkapatid, nang sipatin nila ang kawayan, abot ito sa ulap, tuwid na tudwid.

Tanggal ang kunot sa noo ni Puyonggit. Napasayaw nang walang tigil si Puyinggot. Mayroon na sila ngayong kawayan na sa ulap ay aabot. Kaya, wala silang sinayang na oras. Sinimulan na nilang gumawa ng saranggolang dambuhala. Dahil sa haba ng kawayan, ilang araw silang nagputol nang nagputol. Ilang gabi silang nagkayas nang nagkayas. Ilang araw uli silang nagkabit nang nagkabit ng kawayang kinayas. Hanggang sa wakas, nabuo ang katawan ng saranggola. Tunay na dambuhala siya talaga.

“Kuya Puyinggot, kulang ng pabalat ang ating dambuhalang saranggola,” puna ni Puyonggit na pahingal-hingal pa, “Paano na?”

“Oo nga. Walang papel na kakasya sa kaniya! Paano nga kaya?” bulalas ni Puyinggot.

At parang hudyat, umihip si Hangin na parang bumuntong-hininga. Mga tuyong daho’y nagliparan sa hangin niyang buga. Kagila-gilalas! Kapanapanabik! Mga dahon ay kumapit, at saka dumikit sa kawayang saranggola!

“May pabalat na ang saranggola!” bungisngis ni Puyonggit.

“Hangin! Salamat sa buntong-hininga!” sigaw nilang dalawa.

“Kaya lang, Kuya Puyinggot, paano natin paliliparin ang saranggolang dambuhala? Hindi kakayanin ng ating tali ang bigat niya!”

“Oo nga. Baka umalagwa tulad nang nauna!” sagot ni Puyinggot na natataranta.

Matagal na naupo sa tabi ng dambuhalang saranggola ang magkapatid. Inabot sila ng maghapon kaiisip. Hanggang lumatag na ang dilim, nagising si Buwan at nagsaboy ng liwanag na malamig. Pagkatapos, gumapang sa kanilang paa si Mababang Ulap. Masuyo silang inangat na kanilang ikinagulat.

“Uy! Kaya tayo angatin ni Mababang Ulap!” sigaw ni Puyonggit

“Oo nga. Manipis siya ngunit matibay! Siya! Siya! Si Mambabang Ulap ang hanap nating matibay na lubid!” sigaw ni Puyinggot na sa saya ay nasamid-samid.

Parang turumpong umikot-ikot sina Puyinggot at Puyonggit. Naghabi sila nang naghabi ng lubid. Isang araw na ang nakalipas ay hindi pa sila natatapos. Ang lubid nilang nahabi ay kakapiranggot. Naghabi pa sila nang naghabi hanggang kamay nila ay mapagod. At sa wakas matapos makapaghabi ng lubid na ga-bundok, itinali nila ito sa saranggolang dambuhala na may mahabang buntot.

Nagsayaw sa tuwa sina Puyinggot at Puyonggit. Gawa na ang kanilang saranggolang dambuhala na kayang lumipad sa langit. Kumislap-kislap naman ang liwanag ni Talang Nanay Pupuyonggat, na parang natutuwa sa nagawa ng magkapatid.

“Maaakyat ka na namin Nanay,” tuwang-tuwang sigaw ni Puyonggit.

“Hintayin mo kami, huwag kang aalis sa langit!” hiling naman ni Puyinggot.

“Kuya, tayo na! Liparin na natin si Nanay!” ungot ni Puyonggit sa kapatid.

“May kulang pa! Kaya kaya ni Hangin na paliparin ang dambuhalang saranggola?” bulalas ni Puyinggot na nag-aalala.

“Oo nga, Kuya. Baka hindi kayanin ng kaniyang buntung-hininga. Dambuhala ang ating saranggola. Baka ang kailangan ay hangin sinlakas ng bagyo,” bayo ni Puyonggit.

Natawa lang si Hangin na kunwari’y hindi nakikinig. Huminga siya ng malalim na malalim, halos lahat ng hangin sa mundo ay ubusin. Pagkatapos, ibinuga niya ay umuugong na bagyo. Sa lakas ng ipo-ipo, lumipad nga ang dambuhalang saranggola, tangay si Puyonggit na sya pa lang nakakapit sa lubid.

“Kuya!” sigaw ni Puyonggit na ngayo’y makabitin sa alanganin.
Nag-alala si Puyinggot, nasa panganib ang kapatid na iyakin. Umuusok ang ilong, maliksing tinalon ni Puyinggot ang dulo ng lubid.

“Kapit nang mahigpit, Puyonggit!” sigaw ni Puyinggot. “Wag kang bibitiiiw! Baka ka mahuloooog!”

Matuling lumipad ang dambuhalang saranggola. Tinangay sila sa madilim na kalawakan, lampas sa mga kometa at mga planeta.

Aliw na aliw sa paglipad ang magkapatid, hanggang sa mapadaan kay Araw na mainit. Nagpasikat naman si Araw, pinalakas ang tanglaw. Sa tindi ng init, lubid na gawa sa ulap ay unti-unting natutunaw.

“Araw! Bawasan mo ang init! Natutunaw ang lubid ko” sigaw ni Puyinggot.

Ngunit walang magawa si Araw. Talagang nakakapaso ang kaniyang sinag. Kaya, pinakiusapan niya si Makapal na Ulap na siya ay tulungan. Dagli namang nagpaunlak si Makapal na Ulap na palutang-lutang. Humarang siya sa Araw at sa mainit nitong sinag. Nakahinga ng maluwag ang magkapatid dahil dagling natigil ang pagtunaw sa lubid na gawa sa ulap.

Matagal na matagal na lumipad sina Puyinggot at Puyinggot hanggang kumalat ang dilim sa buong daigdig. Maya-maya isa-isang naglitawan ang mga tala sa langit. Isa roon si Talang Nanay Pupuyonggat. Sa lakas ng ihip ng hangin tinangay sila sa kanilang Nanay. Tuwang-tuwa silang magkapatid, hindi mapigilan na humalakhak at bumungisngis. At nang mayakap nila si Talang Nanay Pupyunggat, hindi rin nila napigilan ang iyak at daing.

“Nanay! Wag mo kaming iwan. Baba ka na sa amin. Nalulungkot ako na wala ka!” hiling ni Puyonggit, sisinghot-singhot sa pagpigil sa pag-iyak.

“Gabi-gabi lagi kaming nakatanaw sa iyo, Nanay! At si Puyonggit umiiyak lagi kaya lagi rin akong puyat,” sumbong ni Puyinggot.

Ngumiti si Talang Nanay Pupuyunggat sa kaniyang mga anak. Hinaplos ang kanilang pisnging nanginginig sa lamig ng gab at hinalikan ang mga mata nilang puyat.

“Puyonggit, wag kayong malungkot. Kahit ako narito sa langit, lagi pa rin ninyo akong kasama.”

“Paano yun, Nanay?” tanong ni Puyinggot na umiiyak.

“Mula rito, tanaw na tanaw ko kayo. Bawat kilos nyo ay alam na alam ko. Para ding hindi ako nawalay sa inyo.” Paliwanag ni Talang Nanay Pupuyunggat.

“Pero nalulungkot ako, Nanay,” hagulhol ni Puyonggit.

Malambing na pinagmasdan ni Talang Nanay Pupuyunggat ang dalawang anak, saka pinatingkad ang kaniyang liwanag.

“Tanawin nyo ako sa bintana kapag ako’y inyong naaalala. Araw o gabi, naririto ako at nagbabantay sa inyong dalawa. Isang tingin lang ang layo natin sa isa’t isa.” sabay yakap nang mahigpit sa mga anak niya.

“At sana, sa pagsilip ko mula sa langit, gusto kong makita ay ang inyong ngiting matatamis,” dagdag niyang payo sa magkapatid.

“Opo, Nanay,” dagli namang sagot ni Puyinggot at Puyonggit na ang mga ngiti ay abot sa taynga.

Maya-maya, narinig nila ang hilik ni Araw.

“Puyinggot. Puyonggit. Malapit nang gumising si Araw. Matulog na’t magpahinga. Paggising nyo, magiging masaya ako na ako’y inyong babatiin ng isang magandang umaga” hiling ng kanilang Nanay.

Umihip nang malakas ang bagyo ni Hangin. Tinangay ng dambuhalang saranggola sina Puyonggit at Puyinggot sa himpapawid. Aliw na aliw sa paglipad ang magkapatid. Nakita nila si Tatay Pupuyunggot na nagtatanim sa kanilang bakuran. Nakita nila ang kanilang kapitbahay na si Pagutpot at Pagutpat, sa kanila ay kumakaway. Nakita nila ang mga kabigan na nag-aaral sa paaralan. Nakita nila ang kanilang alagang aso na si Pupunggi, nakikipaghabulan sa kaibigan nyang aso na si Ginggipu. At higit sa lahat, tanaw na tanaw nila ang kanilang Nanay na tahimik nagmamasid.

Masayang masaya sa paglipad ang magkapatid, hanggang sa mapadaan kay Araw na bagong gising. Nagpasikat naman si Araw, pinalakas ang tanglaw. Sa lakas ng sinag, ang lubid na gawa sa ulap ay natunaw. Nahulog sina Puyinggot at Puyonggit. Kasabay nila pababa ang namumuong tubig, sumabog, naging ulan at pumatak sa daigdig.

Sabay ng ulang malamig, nagising ang magkapatid. At duon sa tabi ng bintana kung saan sila nakahiga sa banig, tanaw nila si Talang Nanay Pupuyunggat, kumukurap-kurap ang liwanag, parang matang sa kanila ay nakatitig.

Sabay dumangaw sina Puyinggot at Puyonggit sa binata at sabay ding bumati sa kanilang Nanay.

“Magandang araw, Nanay!”

Ngumiti sila nang pagkatamis-tamis at kumaway nang kumaway sa kanilang Talang Nanay Pupuyonggat duon sa langit.

Saturday, October 10, 2009

Kaarawan


Iyon nga

taon-taong seremonya
sa ikasampu ng oktubre -
timbangin ang katauhang
namamaybay sa pagitan
ng balibag ng kulog at kalawit ng kidlat,
haplos ng ambon at alimpuyo ng bagyo,
ragasa ng putik, troso sa bundok
at panunubos ng baha –
lakbaying tindig-tisod…

Para ano?
Anong kahulugang
pagsamba sa kung ano?
dinodiyos o tinatao?
Para kanino?Sa kanila?
Sa kaniya(oo, makasarili
ngunit bakit hindi?)?

O, ang manulay sa gitna
ng sumpa ng salot at tagumpay
ng mga pangarap, hiraya ng pag-asa
at tampisaw sa kabiguan:
ano’ng laban sa paso ng araw
sagad-buto’ng ginaw!

At sa huli'y limuting
kay haba ng lansangan
sa walang katapusan
hakbang tungo duon
sa yakap ng pagdiriwang
sa kung anuman iyong
biyaya…

ng lakbaying di matapos-tapos
ngunit ano pagdating sa dulo?

Siya na ang bahala duon.

Monday, August 24, 2009

Astrid, 30


Kakatuwa’y
ni minsan
di ka nagdalamhati

Malinaw ang tanaw na iyon
sa iyo, payak na landas
hawan sa talahib/bato
gasgas na palad talampakan
tuhod sugat-sugat sa
tisod sa mga katagang bato
sa pahina ng blankong papel

ganunpama’y inukit
ng walang patumangga
ang saya hiwaga kababalaghan
may katotohanan
salaysay may saysay
mapagpalaya sa kaukahan
gaano man kamusmos

bawat sandali’y sa iyo’y
diklap ng ilaw ng alitaptap
sa pangaraping aabutin
pagkat araw at gabi
ay pagmamadali sa iyong
huwag abutan ng hatinggabi
gano man nagbabadyang
maupos...

Kakatuwa’y
ni minsan ay di ka
nagdalamhati.

Ang mahiwagang bulong

Maikling kwento ni Lem Garcellano

Bulong iyong mahiwaga, usal na mga katagang salasalabid, may kahulugang isa lamang ang nakauunawa. Kapangyarihan iyong nanunuot sa labindalawang dyolens ni Tyan, kapurit, butas-butas ang kabilugang bubog sa upak ng mga nagtangkang bumasag. Mga palatandan iyong sanay makipagbasagan ng mukha, tulad ni Tyan, batikan sa laban kung saan laging uwi ang korona - tanyag sa kasinggulang na labindalawa, buto’t balat, sunog sa araw at ihip ng hanging maalat, sa Pulong iyon - tatlumpung minuto’ng layo sa bangka-de-motor mula Naujan, Oriental Mindoro. Tyan Mamamasag ang bansag, tsampiyon sa guhit na bilog.

Ngunit ngayong agawang hapon at takipsilim, basag ang nguso sa kamao ng amang may tamang alkohol, kararating mula sa maghapong tunggaan ng tuba sa niyugan ni Tiyagong Lambat, binyag na bansag sa galing sa pangisdaan.
“Tahng-nah! An ina mho, ha, Bastyan ka?“ sigaw ng pasuray-suray na ama, buteteng tiya’y nanlalagkit sa pawis at tubig-dagat, putikang karsonsilyo, paa’t binti’t may dugo ang kalbong bumbunan sa pagkakatisod sa niyugan, malamang.

“Ay, nasa lola, e. Na-hiram ng bigas.” patantiyang bulong.

“Tahng-nah! Mahg-dilihensha ka!” sunod ay pakawalang suntok, salong-salo ng nguso ng anak, titilapon at babalandra sa imbakan ng panggatong sa ilalim ng kalan, matatabig ang abo’t aalibukay, pupuwing sa kanang mata pamuntirya sa guhit na bilog. Kasunod ay igkas ng putikang paa, sapol sa bato ang anak kung saan duon lagi ang tadyak kung kaya’t di katakatakang madalas nababalisawsaw.

Bago abutan ng hataw ng panggatong, nakatalon sa bulok na pintong kawayan ng kubong naghihintay na lamang ng isang mabangis na hatsing bago mabuwal. Kubo iyong alay sa asawa nang makasal, noong panahong parang pulot-pukyutan ang tulo ng pag-ibig na handog sa kasuyo makasal lamang. At ngayong si Tyan ay talabata, at kapatid na Bebeng ay magli-lima, said na ang pulot na kinutkot ng langgam at bukbok, ngayo’y haligi’t dingding na sawali at bulok na pawid na bubong ang inuubos.

“Leh-tseh pa-lamuh-nin! Wah-lang pah-kinabang…hinayu-phak! Buh-malek kah-yo sha tyan ng tang-ina mo-hh!” sasalampak sa ihi at tae ni Pulgas, malas na asong nagtitiyaga sa dahon at sanga ng kamatsileng hapunan.
“Lehtseng baba-eh ka… walang gha-wa kundi tumihaya, mag-antahy ng bhi-yaya… kuma-en… um-eyak…magshum-bong sha enha…leh-tshe kah-yo la’at! Abah-lah sha bo-hay kho! Tang-na nyo!” at matatahimik sa pagsapok ng antok-alkohol sa utak. Mapapalaot sa pusod ng dagat Mindoro kung saan nalunod ang kapalaran, sa pulo kung saan nakikitirik ng bahay, magkakahati sa pag-asang mahagkan ni bathala ang sagwan. Sisiirin pa ang pusod kung saan nalambat ang asawa sa Cambridge, sa Quezon City, duon sa ibabaw ng tulay, kapitbarong-barungan sa karagatan ng maynila kung saan inalat ng kapalaran; paggaod pauwi sa Pulo upang makitirik uli; pagsuong muli sa lansang kinamumuhian mabuhay lamang o ikamamatay sakaling masabat ng pirating Intsik o Malay sa laot, o kaya’y masakote ng mga Patrol boat ng Navy daw na hahakot sa kaunting napangisda o kung malasi’y abutan ng bagyo tulad nuong nakaraang buwan nang himalang nasagip ng navy patrol boat malapit sa Marinduque; at asawang walang ganang maglako kahit bukayo; at ni hindi mapa-aral sa bayan ang anak na sa kaniya’y lumalaking ilag; at nuong araw na naloko ng rekruter, simot ang naipong trenta mil na inipon ng biyenan sa loob ng tatlumpung taon – kahit nagsumbong pa sa mga kinaukulan sa kapitolyo sa bayan, kaso’y walang pinatunguhan dahil kamag-anak pala ni gob – yung kulong sa Munti dahil pinatay ang pulitkong kalaban – ng letseng rekruter; at mapaghilo sa lakas ng alon sa laot. Paano pa nga kaya lalangoy gayong hilo agad kahit maliit na alon?

“Tahng-na nyo!” sigaw nitong naalimpungatan sa tila bangungot, sigaw na unti-unting maglalaho sa ihip ng hanging habagat sa hapong iyon…hanggang mapaos at maghilik sa tabi ni Pulgas.

Walang naiba sa hapong iyon, sa umaga, tanghali at hapong humahapon araw-araw sa maikling buhay ni Tyan. Bagama’t basag lagi ang nguso sa loob ng kubong gigiray-giray, paglabas sa parang, duon sa daang matutulis at malalaki ang bato, lubog sa putik na kadalasa’y lubluban ng kalabaw, tambayan ng makamandag na lamok malarya’ng dulot, sa ilalim ng matarik at matabang kawayan, sa lupang may sapin ng nabubulok na dahon, kung saan may isang guhit na bilog na kanlungan ng mga dyolens na madalas mapulbos, ang nagiisang astig ay si Tyang Mamamasag.

“Laban na!” hamon ng dalawang batang mukhang basahan, sa lasa’y pinagpasasaan ng mga insektong gubat sa paghihintay sa pagdaan ni Tyan.

Ay, di. a… puntahan ko pa si Nanang, e!” iwas ni Tyan.

“Ay duwag, e!. Bago’ng dyolens ko…o…o…bilog na bilog…makinis ang bubog,” yabang ng isang tulo-uhog sa isang butas ng ilong, sa hitsura’y pahid-sipon sa kanang manggas kung kaya’t wari’y maaari nang tamnan ng palay sa kapal ng putik na may pataba.

Di makatiis si Tyan. Mapang-akit ang tunog ng nababasag na makinis na dyolen sa taynga.
“Huuu…wala yan , e…kahit bago, sampitik ko lang basag yan!” yabang nya.

“Ay sya ka! Basagin kong mukha mo, napala mo?” sulpot ng halimaw sa likod ni Tyan, naka-amba ang kamao, bumubuga ng imburnal na hinga ang bunganga, sinlaki at simpangit ng kapre, itimang balat na sunog sa apoy ng impiyerno – si Butsug na kapag talo sa basagan ng dyolens ay nananapak.

“Basag ang dyolens mo ngayon! Ha! Me bulong na rin ito, a!” yabang ni Butsug.

“Ha! Kailan pa? Kung di pa laging basag…”singit ng unang uhugin.

“Ulol! Mahiwaga na nga ‘to…binulungan ko rin ‘to!” dagdag pa ni Butsug.

“Mangagaya ka e. Me tatalo pa kaya sa bulong ni Tyan?” paalala ng pangalawang uhugin kay Butsog kung kaya tikom agad ang bibig.

“Ala’y laban ako e!” bulong ni Tyan, sabay bunot sa kapirasong bulaklaking telang pinunit sa sirang kurtina, sing-itim ng ilalim ng look ng Naujan sa dumi, may singaw ng mabagsik na asupreng halimuyak na ikadadahak ng plema ng kalaban.

“Ep, ay walang upakan, pag natalo, e!.,” paalala ni Tyan.

“Payag!” sagot ng tatlo.

“Basag ka sa bulong ko…turo yata ng sirena ito sa laot, e!” yabang ni Butsug.

“Sirena raw! Baka si-ra-na!” bunghalit ng tawa ng dalawang uhugin, lumobo pa ang ilong sa sipon na di nasinghot.
“Kayo yun! Ala! Laban na nga, e!” sigaw na pikon ni Butsug.

Susukot-sukot na lulupagi ang tatlo sa lupa. Sa ilalim ng nagbabadyang ulap Mindoro, inilatag ni Butsug ang kanilang dyolens sa loob ng maliit na guhit na bilog, hinimas-himas ang mga bilog na bubog, animo alagang itlog hinihintay mapisa ang pangarap na basagin ang dyolens ni Tyan. Iyon ang gawi, ngunit sa hapong iyon, lalo niyang pasisklabin ang asar ni Butsug: dyolens nya ang papagitna sa guhit na bilog.

“Yabang! Ay sya, ay sige!” pandidilat ni Butsug.

Inalog-alog ni Tyan ang dyolens sa balutan, inilapat sa putok na labi at palihim na nagbitaw ng mahiwagang bulong - mahina, ka-tunog ay sagitsit ng singaw ng sumu-subong kanin sa palayok. Lumapad ang punong-tenga ng kalaro sa pag-asang masalo ang mga katagang pabaon ni Tyan. Ngunit kahit may naulinig, kakaiba ang tunog at mabilis tinangay ng hangin. Sabihin pa, lalong nakiliti si Tyan sa ikinikilos ng katunggali. Damdam niya ang kabog na kanilang dibdib – parang dagumok ng suntok ng ama; parang palahaw ng ina sa lagapak ng sampal ng ama, sa lakas ay sapat upang matauhan at maliwanagang ang laban ay nasa guhit na bilog.

“Are, o, ay basagin nga?” panunuya niya.

Tumulo ang laway ng tatlo, nagputik nang pahirin ng braso. Sabay na sinangkalang sa pagitan ng hinalalaki at hintuturo ang mga bagong biling dyolens, nagsingkitan ang mata sa pagpuntirya, inipit ang paghinga, igting–litid na pinitik ang kani-kanilang sandata. Parang umigkas na panang-pangisda ang mga bilog na bubog. Sa kabilugan nito’y umalon ang hangin parang bomba atomika, nauna pa sa bolang dumapo sa dyolens ni Tyan, kasunod ang bolang bubog sumapol, sumambulat, nagsabog ng alikabok, saboy pakalawakan, nangningning animo mga bituin, nabiyak ang lambong na ulap at nagpa-tuloy ng liwanag, liwanag iyong tanglaw kahit sandali sa matamis na ngiti ng tsampiyon sa guhit na bilog.

Sayad sa lupa ang panga ng tatlong kalaro ni Tyan, tigalgal, pigil ang sipong isisinga. Si Butsug nama’y higop ang dumi ng hanging ipupuno sa dibdib upang pangunahan ang sambulat ng iyak, may ambang suntok kay Tyan na abot taynga ang gilit ng mata sa laki ng tuwa.

“E, e! Usapan nga e, alang upakan e!”

Usapan nga iyong marangal. Kaya’t sasansalain ni Butsug ang poot sa tikom na palad, huhupa ang pangangatal, papalitan ng nakatutureteng atungal, daig ang nanganganak na kalabaw.

“Galing talaga ng bulong mo Tyan, ay turuan mo nga kame, e!” ungot ng dalawa.

“Lihim nga e!” sagot ni Tyang sumasakit ang tiyan sa katatawa.

“May araw ka rin, Tyan! Gaganti ako, e!” sigaw ni Butsug sabay takbo, bahag ang buntot.

- 0 -

Mayo, umaalimpuyo ang dagat sa haplit ng masamang sumpong ng habagat, daluyong ng alon ay tumitibag sa malalaking tipak ng bato sa dalampasigan kung saan nagkakanlong si Tyan matapos bigwasan ni Tatang, sapol sa sintido. Nagsara na ang namamagang kaliwang mata ngunit manhid sa tumitibok nitong hapdi dala wari ng lamig ng tubig at ragasa ng hangin. Ayaw umuwi sa kubo, ano nga naman ang daratnan? Kung wala si Tatang, naroon naman si Nanang nangangaykay sa kilabot, nauutal sa lagim na lalatay anumang sandali. Urong-sulong, tulad ng along raragasa pasugod sa buhangin at pagsadsad ay panawan ng sigla, uurong, susukot-sukot pabalik sa kumukulong laot. Nagtatalo man ang damdamin, anupa't mananaig ang puso ata dadalo sa Nanang na walang kalaban-laban at kapatid na iyak lamang ang tanging pananggalang sa kaguluhang di maunawaan.

Kalat na ang dilim nang marating ni Tyan ang kubo na ngayo'y kumakalog parang dyolens sa sumpong ni habagat. Madaratna’y si Nanang, nakaluhod sa sahig na tilad na kawayan, sa harap ng tastas na larawan ni Hesus na nakasabit sa dingding na sawali, kilik ang anak na babae, at sa mukha ay bakat ang agos ng luhang tila umuka ng ilog sa pisngi...at dugo.

“Nanang! Ay, dugo na 'yang ulo mo, e!” tarantang hagulhol ni Tyan, pumunit ng kapirasong tela sa damit at pagkuwa'y ipinahid sa noo ng inang putok sa tama ng aywan, suntok o tadyak o untog, wala siyang pakialam basta dugo'y agad maampat, at sa huli’y mayakap ang ina sa paniniwalang mapapawi ng kaniyang init ang sakit nitong nadarama.

Mahigpit ang yakap na iyon, animo pumipigil sa alimpuyo ng mga alon, o panangga sa haplit ni habagat sa kubong wala nang tibay na taglay. Bigla, kumawala ang ina, nanginginig ang katawang basa ng pawis at dugo. Ipo-ipong umikot sa maliit na kabahayan, hinalungkat ang mga sulok: tabi ng haligi, likod ng pintong kawayan, ilalim ng kalan, ibabaw ng paminggalan, mga kahon, aparador - alimpuyo itong isinabog ang kagamitan.

“Itago ang itak! Kutsilyo! Sinturon! Baka mahawakan ng Tatang mo!”

Nanlalabo man ang paninging binabaha ng luha, sinugod ni Tyan ang mga singit, kili-kili, pwet, alak-alakan ng kubo; hinalukay ang kubong mistulang bituka ng ama; kinalkal ang tangkal ng manok na walang laman; sinuyod ang babuyang wala nang alaga; kinapa ang higaan ni Pulgas; binaligtad ang mundo mailigtas lamang sa halimaw ang ina…di naglao’y sinugpo ng lamig ng pawis at pagod ang init ng poot. Ang haplit ng habagat ngayon, sa piling ng ina, ay malambing na simoy ng hanging amihan, may hatid na samyo ng punong-kahoy at luntiang dahon; ang ragasa ng alon ay matining na patak ng malinis na tubig-ulan sa bubong, sa pagitan ng pawid, na tumutulo sa pagal na katawan, alay ay kapayapaan sa ina habang nahihimbing sa yakap ni Tyan. Malalim ang hugot ng hininga ng mag-iina, kapayapaa’y nalalarawan sa pasa-pasang mukha na kahit ilang sandali’y nakamit ang pinipitang katahimikan.

“Tahng-nha nyoh! ‘ala gang tuhyong damet dine, a! ‘Oy babae kah, bha-ngon tamad!” Mga sigaw iyon, mga mura iyon, mga katagang latigo iyong humiwa sa manipis na kapayapaang sandaling nagduyan sa mag-iina. Animo ginugutay ang himaymay ng laman ni Tyan, batid ang kasunod na kabuktutang aywan kung tanging Tatang lamang niya ang may sikmurang magpataw sa Nanang niyang walang kalaban-laban. Sino ang tatakbuhang saklolo? Sino ang magtatanggol sa kapahamakan? Malayo ang mga kapitbahay bagamat isang buntunhininga lamang ang agwat. Ngunit sino sila upang makialam? Sa kanila ring kubo’y may lihim na akala nila’y sila lamang ang nakaka-alam. Sino ang magtatangka mamagitan at humarap sa poot ng isang taong walang bukas na patutunguhan? Wala…wala kundi isa-alang-alang ang kapalaran sa hiwaga ng mga kaibigang bilog na bubog. Sa gitna ng mga hataw at sigaw, sisimulan niya ang seremonya, isa-isa, kakapain ng daliri ang iniingatang labindalawang kaibigan.

“Kunin ninyo lahat ng sakit…” bulong ni Tyan, pigil pawalan ang iyak at hiyaw, tutop ang bibig ng kapatid at yakap ang ina. Patuloy ang dasal, ang pakiusap sa labindalawang bubog na saksi sa pasakit ng isang ina, anak at kapatid. Labindalawang dyolens iyong imbakan ng latay, sugat, bukol, palahaw ng ina, kapatid, hagupit ng sinturon sa binti, katawan, braso, mukha, sampal at tadyak at suntok at kalmot sa kanyang ina…Isa, dalawa, tatlo…di mabilang ang patak ng ulan, nilulunod ang mga sigaw na hinihigop ng labindalawang bilog na bubog. At duon sa kanilang pusod, sa malawak na kulunga’y ipipinid ang nagsiksikang lunggati at lungkot, ang bahaw na tinig na sa kawala’y pumapalaot upang di na muling magbalik.

Magigising ang katinuan ni Tyan sa tabi ng tapayan ng inuming tubig. Mabubungaran ang inang nagliinis ng mga pantal, pasa at sugat sa tulong ng kapatid. Ang ama’y nakabulagta sa sulok, upos ang lakas sa bangis ng tuba at pagod, sa kandungan ni Pulgas, galising aso.

- 0 -

Bughaw ang sungaw ng madaling-araw sa dalampasigan ng Pulo. Alas-singko pa ‘y nagbabantay na ang mga kapitbahay at mamimili sa pagdating ng mga mangingisdang nagsipag-palaot kaninang bata pa ang umaga. Maganda ang kanilang pakiramdam sa kapa sa panahon – mala-banig ang dagat, walang palatandaan ng pag-aalma, at kanina’y tila silahis ng araw ang sinag ng buwan (kawangis ng talbog ng liwanag sa dyolens ni Tyan pag tinamaan ng sikat ng araw), tumatanglaw sa daan ng mga mangingisda sa laot at umaaakit sa mga isda na puma-ibabaw.
“Hmmm, Tyan, amoy lansa, e!” bulong ni Nanang.

“Ay sya, marami sanang huli si Tatang para malamig ang ulo.”

“ Ala! Mas maraming huli si Tatay ko. Pinakamagaling manlambat yun, di ga?” singit ni Butsug.

“Ay ano! Basag naman ang dyolens mo, e! O sya, yabang pa!” sundot ni Tyan.

“Mag-intay ka! Bibili si Tatay ng dyolens! Marami. Bubulungan pa nila ni Tatay at Nanay ko! Talo ang bulong mo!”

“Magka-alaman mamya!”

“Ay, sige a! Pag di ka nagpunta…ay sya ka!” sa himig na pikon, may halong banta.

Bakas sa mukha ni Tyan ang pagkabahala. Marami nang uri ng bulong ang kaniyang nasagupa, ngunit kakaiba ang bagong bulong ni Butsug. Ano ang lakas na dala ng bulong ng ina at ama, tanong na pilit niyang hinahanapan ng sagot. Masuyo itong yayakapin ng ina, aayusin ang buhok na sabukot upang kahit paano’y malabnot ng mga daliri ang kagat ng agam-agam
.
“Bulong lang pala ng tatay at nanay nya, e. E me tatalo kaya sa bulong ko?”

Lobong hinipan ang dibdib ni Tyan, napuno ng lakas ng loob, sumargo sa kasuluk-sulukan. Ingat nitong dinaklot ang balutan at ipinatong sa magkasalikop na kamay ni Nanang.

“Mahiwaga ang bulong ko…” lambing ng ina.

Kiliti sa tagiliran ang mga katagang iyon, sapagkat ina, paniwala sa lahat ng salitang bitiwan - ilang ulit na niyang napatunayan: pangakong bagong damit natupad noong isang taon; bagong tsinelas ginamit lamang ng Tatang pangkalso sa banka; pag-eskwela nitong pasukan pinatigil ng Tatang para makatulong sa pangingisda; kakaning suman sa lihiya tuwing linggo, marami…marami pang pangakong natupad basta sinabi ng ina, di tulad ng amang napapako sa tubaan.

Pinikit ni Nanang ang mga mata, itinutuok ang noo sa kalawakan, at tahimik na umusal ng dasal. Kumislap ang balutan tila paglagpak ng mga talang alikabok sa halik ng labi ni Nanang.

“Ano’ng bulong mo, Nanang?” nakikiliting tanong ni Tyan, umiikot ang puwit sa kasiglahan.

“Sabi ko, mahal kita, anak. Dasal ko ay matupad lahat ng pangarap mo.”

“Ay? Ayokong mangarap?”

“Aba, e bakit?”

“Ala, upakan lang ako ni Tatang. Masama raw ang nangangarap…tingnan ko raw ang nangyari sa kaniya.”

Magugulat ang mag-ina sa mga hiyaw sa dalampasigan. Sa pagsilip ng araw sa silangan, natanawan ang ang pulutong ng bangka sa pangunguna ni Tiagong Lambat, ama ni Butsug. Singtulin ng paggaod ang tibok ng puso ni Tyan sa pangambang magkatotoo ang hula ng kalaban. Dagdag pa sa pagsisikip ng dibdib ang talon at sayaw nito sa buhanginan astang amoy na ang tagumpay, parang hawak na ang bagong dyolens na hahataw muli sa guhit na bilog sa kawayanan.

Hugos, tila mga tagahanga sa pelikula, ang mamimili sa pagdaong ng mga bangka. Ang kaninang dalampasiga’y naging munting palengke ng isdang sari-sari ang laki, liit, lapad, bigat, lansa; hatak sa tadtaran, buhos sa palangganang babaran ng yelo, asnan; o marinig ang bulungang tawad sa banye-banyerang isda, magpalitan ng kamay ang bungkos ng salaping malansa, may kaliskis na dikit pa.

“Huuu! Kabuntot kami ng barkong Hapon. Apaw ang isda sa dagat! E di pandalas ang lambat! Swirti!” sigaw ni Tyago. “E nirat-rat kami ng masying-gan, ay di ilag!” putok ang halakhak sa buong dalampasigan.

Kung nag-uumapaw ang lapu-lapu, tambakol, pugita, pating sa palanggana ni Tiyago, sa kilik na palanggana ni Nanang kita na ang butas na saping playwud sa ilalim. Malas, singhal ni Tatang, malas na naman at sayang ang pagod na dapat inukol na lamang sa isang galong tuba.

“Ay sabi nang tibayan ang sulsi sa lambat. Hindi nakinig! Ayan at napigtal, a!” himutok ni Tatang, “letseng babaeng malas ka talaga sa buhay ko, e!”

May banta pa ang kuyom na palad, handang pawalan ang isang umuugong na suntok ngunit di mabitiwan. Bagkus, aagawin ang palanggana sa asawa upang ito’y matisod at mangudngod ang mukha sa buhangin. Karaniwang tanawin iyon sa mga saksi ngunit sino sila upang mamuna? May magtatangka kayang mag-samaritano? Wala. Sa Pulo, kani-kaniyang pulo ang pamahayan. Ugali nang ipaling ang pansin sa sariling buhay, linisin ang sariling bakuran. Bawat isa’y may kani-kanyang ninanasang ligaya, may kani-kanyang pasang pasakit. Kung kaya dadamputin na lamang ang sarili, at sa sariling lakas ay ipagpapatuloy ni Nanang ang paglalakad pauwi sa kubong naghihintay.

Matapos ang maghapong paninimbang sa kaniyang Tatang, nakakita ng paraan si Tyan upang tuparin ang pangako kay Butsug. Hangos na darating ang tatlong kaibigan, mukhang hilahod sa paghatak sa maliit na bayong. Kaagad may hatid na babala ang dalawang kasama.

“Tyan, pinabulungan sa lelang nya, e!” bulong ng isang inuuhog.

“Ingat lang, ha, parekuy!” tapik ng pangalawa, sabay pahid sa manggas ng sipon.

“Tigil na! Ano, laban na, e!” hamon ni Butsug, sabay buhos ng isang bayong na dyolens – malalaki, makikintab, may kalansing ng nagbabantang panganib. Dahan-dahan, isa-isang nagsitalbugan pagpatak, nagtampisaw sa alikabok, at bumaon sa lupa tila inaangkin ang bahaging iyon ng lupa.

“Ang dami. Galing ng tatay mo, ano?” puna ni Tyan sa himig na naiinggit.

“Siyempre a! E mahal yata ako, e! Pati nanay ko, pati lelang ko,” yabang pa ni Butsug.

Kakaiba, may sariling buhay ang mga dyolens ni Butsug. May ngiting pukol sa kay Tyan, naghahamon, nagyayabang na alamin kung sino sa kanila ang kakain ng alikabok ng basag na bubog. Nag-unahan sa pagkasa sa hinlalaki at hintuturo ni Butsug, at pag-igkas, susunod-sunod na putok, bumulusok sa mga butas-butas na mukha… PAK! – labindalawang malalakas na sambulat! At hayun, tangay ng ipo-ipo ang labindalawang tumpok ng alikabok, nagsabog ng labindalawang guhit ng liwanag, sa kisame ng langit.

Nabingi ang gabi sa sigaw ng tagumpay ni Butsug. Tulala sa kabilang-dako si Tyan, maging ang dalawang uhuging nakasandal sa kaniyang tagiliran. Di nila maunawaan ang himalang nasaksihan – may bago ng tsampiyon sa kawayanan.

“Ang galing ng bulong ng tatay at nanay ko! Yari ka!” pagbubunyi ni Butsug. “Beee, e, may bulong kaya ng Tatang mo? Walaaaa! Gulpe lang ang aabutin mo! Beeee!” panunuya ni Butsug, ninanamnam ang bawat kataga.

Ma-uumid ang dalawang uhugin. Sa tagal ng kanilang pagsasama sa salpukan, kahit di napga-sang-ayunan, labas sa usapan ang kalagayan nila sa kani-kanilang bahay. at di kailanman isangkot ang sakit o hapdi o ligalig sa kanilang buhay.

“Tama na Butsug! Walang ganyanan!” singhal ng isang uhugin, sabay singa.

“E sa binubugbog sya ng Tatang nya, kasalanan ba niya yun? Wala kang pakialam dun!” singa pa ng pangalawa. “Pasalamat ka nga, di ka nababatukan ng tatay mo kahit mayabang ka, e!”

Hingal na matitigil sa pagdiriwang si Butsug. Sa pakiramdam, naungkat ang hindi dapat ungkatin, nabigyan ng kataga ang katotohang hindi nila kayang akayin sa matuwid o nihisan ng katarungan. Dali-daling pinulot at ang mga dyolens, isinilid sa bayong, liban sa isang makintab, kulay kayumanggi at bukod-tanging laki na naiwan sa loob ng guhit na bilog.

“Sa’yo na lang ‘yan,” bulong ni Butsug, sabay talilis.

“Pare kuy, wala yun,” tapik ng isa.

“Wala yun…gagong Butsug yun,” dagdag ng pangalawa.

Wala nga yun. Iba ang ninanamnam sa isipan… ang salitang “Tatay”…”bulong ng tatay…” na sa tantiya’y malayong marinig sa kaniyang buhay. Mga kataga iyong hindi maaasahan…bulong na malamang ipagdamot ng ama…may hiwagang sasangga sa mga salpok ng kalaban. Bagkus, may ngiting kukupkupin ang bagong dyolens na handog ni Butsug.

Tahimik ang paligid nang datnan ni Tyan ang tahanang kubo, may andap ng ilaw ng gasera at nakakarindi ang katahimikan - hungkag sa mga sigaw at lagapak na kinamulatan. Himala, matino ang ama, tahimik sa pagsubo ng tulingang inihaw sa ibabaw ng baga sa kalan, malayo ang tinging lusutan sa dingding na sawali. Himala ring hindi nabulyawan sa pag-uwi ng gabi. Matapos magmano’y sumiksik sa tabi ng ina’t tahimik nanginain, umiiwas makatagpo ang mata ng ama, o madampi ang kamay sa pagkurot sa isdang ulam. Maliksi ang mata, handa sa anuman. Walang dapat pangambahan, may bagong dyolens sa balutan kahit nag-iisa’y higit na malaking imbakan. Ngunit, naiiba ang gabing iyon. May himala kayang magaganap, kung sakaling…bakit nga di niya naisip noon…kung biglang siyang magkalakas-loob…ibuka dahan-dahan ang bibig…bitiwan ang tanong…kahit ngayong mahinahon nag-uusap si Tatang at Nanang…kahit ngayong marahang sumusubo ang ina habang nagsasalita ang ama, buong-buo ang bawat kataga, tuyot sa hiraya ng tuba…kahit ngayong marahang tumutulo ang luha ni Nanang at palakas nang palakas ang tinig ni Tatang…kahit ngayong subsob na si Nanang sa kaniyang bisig sa walang tigil na paghagulhol…walang nasa isip ni Tyan kundi alamin sa ama kung…kahit minsan… buong tapang na ilalahad ang palad, hawak ang kumikinang na dyolens…

“Tatang, pwedeng bulungan nyo ang dyolens ko…”

“Tang-ina mo! Magsama kayo parehong gago!” sabay tampal sa kamay ni Tyan.

Tumilapon ang dyolens, gunit bago bumagsak ay nasalo ng ina. Kapagkuwa’y tahimik tumayo ang ama, inis, papalabas ng kubo. Pumutok ang alikabok ng kahoy na nginatngat ng bukbok, nasinghot, nakalikot ang loob ng ilong ni Tyan, sumabog ang bulkang hatsing. Sa bagsik ng bahin, nabuwal ang pintuan, sinamang-palad na lumagapak sa ulo ng ama, malaking bukol ang iniwang alaala.

- 0 -

“Nanang, hanap ka ni lola na, e.”

Marahang hinahatak ni Tyan ang ina patayo sa pagkaka-upo sa malalaking bato sa dalampasigan. Agaw-dilim, tulad ng mga nagdaang hapon, walang lubay ang kumukulong dagat, pilit binubuwag ang moog sa dibdib ni Nanang.
“Nanang, hanap ka ni Bebeng.”

Ang mga katagang iyon, tila palahaw ng nalulunod sa karagatan…malayo sa dalampasigan, di marinig ninuman… hindi pinalad tangayin ng hanging habagat.

“Nanang, tay’na, e!”

Malayo ang tanaw ni Nanang, singlayo ng mga pangarap na tinangay ng hanging habagat at pinukol sa kaila-ilaliman ng laot, tulad ng Pulo na pinagkaitan ng matamis na kapalarang handog ni bathala – tumpok ng lupang tila sinapupunan ng dagat na laon nang di manganak. Malayo rin sa pananaw ang bagong tuklas na galing ng anak sa pangingisda; o ang mga palanggana ng yamang-dagat na sunong sa tuwing uuwi matapos ang magdamagan sa laot; o ang talino ng bunsong marunong ng magbasa sa turo ng lola; o ang nakumpuning kubo sa tulong ng mga kapitbahay at Butsug; o ang pananatili ng kapayapaan sa dagat. Malayo na ang kaniyang ama ngunit higit na malayo ang mahal na ina gayong katabi at ang pagita’y isang buntunghininga.

- 0 -

Sigla’y magbabalik kapag narinig ang tinig ng mga kaibigang tumatawag sa labas ng kubo, bitbit ang malililiit na sako ng dyolens. Kauuwi lamang mula Naujan matapos ang isang linggo sa paaralan, agad sadya si Tyan para sa umaatikabong basagan sa guhit na bilog. Ngunit ngayon, iba ang bida. Dating tsampyon siyang taga-kasa na lamang ng dyolens ni Butsug laban sa lumalagong pulutong ng kabataan sa Pulo na nagtatangkang tibagin ang trono ni Butsug. Bawat isang katunggali’y darating na may kargang bulong nagmula sa kung saang tinig sa gubat, sa dagat, hinugot sa lungga sa pusod ng lupa, tinungkab sa bahaw na lalamunan…balot sa mga seremonyang maikli at mahaba…may kasamang palabas na punum-puno ng makulay at malanding damit, balatkayo, awit, tula, indak at patawa bago sumabog ang alikabok. Maging mga matatanda’y nahalina dahil basagan ay mas kahindik-hindik kaysa patumbahan sa tunggaan ng tuba…kaaliw-aliw, mainam pamatay ng mga sandaling kabagot-bagot – tunay na akma sa pulong salat sa dvd o vcd. Kawayanan ay naging mala-sabungan na mala-paraisong parisukat na mala-koliseyum. Naliligiran ng kamatsile, sa loob ay mga kawayang upuang pala-palapag ang taas halos umabot sa kawayang pinakamatangkad. Sa labas, umuusok ang puwit ng mga tindero’t tindera ng saging na sinulbot sa asukal, inihaw na uwang, piniritong itlog ng uod, kuhol na binabad sa matamis na tubang kapipiga sa umaga, kakaning malagkit na gabi na tubong Pulo lamang ang magtatangkang lumunok kasunod ng lagok sa tuba sa nag-iisang basong pantagay. Naglisaw ang mga malinggit na bata karga ng mga kapatid, paikot-ikot sa mga tindahang may pandong na pawid, palibot-libot sa bilis animo buhay na pugitang hinagis sa baga, nagpipipilig ang walong galamay sa kadadakma sa pagkain malingat lang ang nagtitinda.

Malalakas na kalansing ng dyolens ang maririnig na lumulutang sa buong palaruan, hudyat ng pagsisimula ng araw-araw na basagan. Gumigiray ang mga kawayang upuan sa bigat ng dami ng manonood, kung hindi mag-iingat, magigiba’t babagsak kung may magkamaling mautot. Bawat isa’y humihiyaw, naiinip sa paghihintay sa simula ng salpukan. Sa hudyat ni Tyan, nagsimula ang unang bilang sa palatuntunan – ang mga pagtatanghal. Nagpatalbugan na sa galing at galaw, walang magpatalo sa tula at sayaw, parang hip-hap rambol na nagpapatumbahan at nagkakasakitan….nagtatalsikan ang pawis sa hangin, napunit ang mga basahang damit, nag-ulap ang alikabok sa paligid…pagsasanib ng panaghoy at angas upang makamit ang pinakalamalakas na kalampag ng kamay at paa ng mga manonood. Sapagkat batid nila, sa huli, iisa lamang ang ipagbubunying pinakamatigas na dyolens sa buong ka-Pulo-an.

“Kasa na!” sigaw ni Tyan.

Magpupulasan ang mga nagtatanghal. Unti-unting mananahimik sa lupa ang alikabok, magliliwanag dala ng mga libo-libong alitaptap. Bubuhos ang mga dyolens ng mga mapagtangka, tatabon sa malaking guhit na bilog…aalibukay ang alikabok, at sa paghawi maaaninag ang laki ni Butsug. Ipit sa hinalalaki at hintuturo ang malaking dyolens na nababalot sa hiwagang pinabintog ng takot ng kalaban. Sisingkit sa pagsipat ang mata, iigting ang mga litid, mababanat ang masel sa mga daliri, at pag-igkas, sigalpot ang tunod na bubog. Sasagitisit, palusob sa bundok ng dyolens, at pagsalpok, sagustsit ng mitsa ng bomba…sabog! Tigpol sila sa dyolens ni Butsug! Hihigupin ng hangin ang makapal na ulap ng basag na bubog, isasaboy sa kalawakan, magsasabog ng liwanag, animo histerya ng paputok sa bagong taon. Sa unti-unting pagpanaw ng huling diklap ng liwanag, simbilis ding naiga ng manonood sa kawayanan, nag-unahan ang mga paa sa pagtumalilis. Mga tindaha’y maliksi ring nagsipagligpit. Nakatutulig ang lagapak ng mga binatang sinasara, ilang sandali pa, kawayanang umaawas sa sigla animo palaisdaang naiga.
Makahihinga ng maaaliwalas sina Tyan, balik sa kanilang guhit na bilog ang katahimikan, kiskis ng kuliglig na lamang ang nangingibabaw sa kawayanan.

“Wahh-hu-hu-hu! Malungkot ang buhay na are, e! Wala pa gang pinapanganak para tumalo sa akin!” bunghalit ni Butsug.

Parang kumpas ng konduktor sa manunugtog, sunod-sunod na batok ang tinanggap ni Butsug, at pumeke pang akala mo’y mangungudngod at saka gumulong sa katatawa. Sa paghupa ng katuwaan, nilatag ang mga katawan sa lamig ng lupa’t tahimik na pinanood ang mga talang nagkikislapan sa langit, binibilang ang bawat isa, pilit na inaabot ng mga kamay tulad ng nakagawian.

“E, para kayong sira! Di nyo maaabot ‘yan!” bulalas ni Butsug.

“Ikaw ang sira, pag astronot na ako. Sasakay ako sa raket ko na korteng dyolens, tapos…” hindi pa tapos si Tyan nakutusan na siya ni Butsug.

“Sira-ulo ka. Bakit, napasok ka na sa iskul?”

Halong sakit at awit ang salitang iyon. Sa araw-araw hampas ng alon iyon sa kaniyang isip sa pananag-hili sa mga kalarong nag-aaral sa Naujan. Hindi lumilipas ang maghapon na hindi sumasagi sa isip ang mga pangarap, at kung bibilangin ay hindi magkakasaya sa mga daliri sa kamay at paa, isama pa ang sa kaniyang kapatid at ina.

“Ay kita nyong mga tala? Biktima ka lahat yan, e!” patutsada ni Butsug.

“Huuu…” bira ni Tyan, “…ay yung mga kulumpon dun, dyolens mo lahat yun, e!” Naghagalpakan ang tatlo na ikinayamot ni Butsug.

“E, ano! E Yung labindalawang talang yun. Sayo yun, a!” tira ni Butsug.

“Nauna ako sayo, e!”

“E sinong tsampiyon ngayon, ha? O, angal ka? Ilaban mong dyolens na bigay ko sayo ngayon?” pikon na si Butsug.

“Huuuu! Sang-araw, me bulong na uli ako. Tatalunin ko lahat dyolens mo, e!” balik ni Tyan para lalong mapikon ang kaibigan.

“Wooo! Ay mangarap ka!”

“Talaga…magiging tsampiyon uli ako, tapos…tapos…”

“Tapos!...Dahil wala kang bi-nesat, e! Lalambat ka e, wala ka namang huli!” patutsadang muli ni Butsug. Matatabunan ng matataginting na halakhak ang ingay ng kuliglig, ngunit mapuputol sa pagbulusok ng bulalakaw sa tabi ng buwan.

“Me hiling ako!” sigaw ni Butsug.

“Ako rin!” sabi ng unang uhugin.

“Ako rin!” sigaw sabay singa ng pangalawa.

Tahimik na pagmamasdan, tila nagdarasal, ang unti-unting paglaho ng bulalakaw sa likod buwan, at maya-maya pa’y naupos na ang apoy na buntot. Ipinagmalaki ng isa’t isa ang mga kahilingan: maging tsampiyon habang buhay ani Butsug; matalo si Butsug sigaw ni unang uhugin; ako rin, sang-ayon ng pangalawa, sabay singa.

“Ako, mag-iskwela uli!” bulong naman ni Tyan.

“Ako…mangingisda ako tulad ni tatay…maraming pera sa isda, e.” yabang ni Butsug.

Mapapalaot sa pagtatalo ang apat tungkol sa galing ng kanilang hiling. Walang padadaig sa halaga ng mga kuro. Mahigpit ang gigil ni Tyan, masugid na ipinaglaban ang pangarap, at sa sidhi hindi napansing mahigpit ang hapit sa dyolens na alaga at di napapaso sa apoy nitong nagliliyab. Sa singaw na init, gumuhit at inukit sa balat ng kawayan ang mga pangarap na isa-isang ipinahayag, ukit na animo alibata ng mangyan. Kung gaano naging mabilis ang balitak-takan, simbilis ding natapos ng dapuan ng hikab ang bawa t buka ng bibig, at putulin ang walang katapusang satsatan.

Hatinggabi’y hindi dalawin ng antok si Tyan, balisa sapagkat katatapos lamang saklolohan ang ina sa gabi-gabi nitong pakikihamok sa sigalot ng bangungot. Hindi makatulog sapagkat kakaiba ang bangungot ni Nanang ngayon. Salaysay ng ina’y namataan sa bintana ang asawa, duon sa may kakahuyan, tinangkang habulin ngunit dagling naglaho – palasak na karanasan sa Pulo ng mga kababaihang naghihintay sa asawa habang nasa laot. Mahigpit nitong hinawakan ang dyolens na nakasabit sa leeg, tulad nang nakagawian, at taimtim na humiling.

“Higupin mo ang sakit ni Nanang…kalimutan na si Tatang…higupin mo kamalasan namin…ay sige na, e!”

Buong gabi, pilit di isasara ang mga mata upang alalayan ang ina. Walang tigil sa pakiusap, paulit-ulit, walang pahinga, na isilid ang mga pasakit na iyon sa kaila-ilaliman ng hukay, tabunan ng lupa hangga’t di na marinig ang mga daing, hagulhol, palahaw. Hanggang abutan ng antok, at hindi na namalayan ang malambing na haplos na laging may hatid na ligaya sa kaniya.

Sa pagising ni Tyan abot na sa tuktok ng kubo ang tirik ng araw, napukaw sa anasang nauulinigan. Pupunga-pungas, mababanaag sa pagitan ng mga muta ang ina at kapatid sa harap ng tastas na larawan ni Hesus sa dingding, nagdarasal.

“Nanang…”

Sabog ang luha ni Nanang, mistulang buhos ito ng bagyong aanod sa mga dumi sa loob ng kubo at lilinis sa mantsa ng nakaraan. Mahigpit nitong yakap ang nabiglang anak, buong higpit, halos di na makahinga.

Mariin din ang yakap ni Tyan. At sa muling pagkakataon, nadama niya ang init na matagal inasam. Init iyon sa kaniyang dibdib na tila sinaing na kanin na sumusubo sa apoy, may kahalong halimuyak ng mainit na isdang tulingan na binalot sa dahon ng saging at niluto sa palayok, at walang kamala-mala’y napalitan ng amoy ng kaning nasusunog.

“Ay! Anak, bawasan mo ng gatong ang kanin!” tili ng ina, at tarantang parang tipaklong na lulundag sa banig, padaluhong sa kalan na isang hakbang lang ang layo.

Matapos ang mahabang panahon, naging maligaya ang pananghalian ng mag-iina, gayundin ang puso ni Tyan na umaawas sa saya sa pagbabalik ni Nanang mula sa malayong paglalakbay. Iyon ang kaniyang hinihintay, makita ang muling pagngiti ng ina upang maipagpatuoy ang naudlot na “…tapos…tapos…” upang matapos ang unang kabanata sa kanilang naudlot na buhay.

“Tapos, nanang, pag nakaipon ako, magpapatyo ako ng bagong kubo natin…tapos maliit na tindahan naman….tapos, mag-aaral si Ineng…tapos…tapos..”

“Tapos…mag-aaral ka uli…” haplos ng ina sa kaniyang pisngi, “…matutupad ang pangarap mo, anak.”

Mga pangarap ni Tyan, marami iyon, umaaawas sa dibdib, di kayang imbakin sa laki at dami at lawak na sakop. Isa-isa niya itong pakakawalan mula sa mahabang listang abot -langit. Kumakawala sa bawat usal, nagmula sa puso, higop ng bilog na bubog, imbulog sa natatanging mundo sa ibabaw ng mga pasakit, hapdi, dalamhating binata sa nakalipas na panahon, ng ina, ng kapatid, ng ama, at ngayo’y unti-unting bumabaon sa malalim ng balon ng paglimot at paghilom.

“Kulang pa, anak…ng bulong ko…bulong ni Ineng at ng lola mo…”

- 0 -

Limot ni Tyan ang mga pakikipagsapalaran ng mga kababata sa kawayanan. Nahirati sa magdamagang pangingisda at pagtulong sa ina pagtitinda ng inihaw na u-ang sa mga manginginom sa pulo. Tindahan iyong pangako na naging matagumpay dahil ayon sa mga nakangata kakaiba ang lutong, lasang niyog, may samyong bango sa dighay. Kaya nga matapos ang pangingisda’y matutulog lamang ng isang oras at paggising ay mangangakyat sa punong niyog, sa niyugan ni Tiyagong Lambat upang manghuli ng u-ang. Kalakal itong walang tutol ang may-ari ng niyugan dahil bukod sa ligtas sa mapaminsalang u-ang, kahati pa sa kita ng luto ni Nanang.

“Parekuy, ang daya mo, a! Dyolens naman tayo!” sumbat ni Butsug.

“Pasensya, e. Kawawa si Nanang, walang katulong.”

“Kahit sambeses lang?”

“Ay sa hapon, mag-aaral pa ako, e.”

“Wag na!”

“Ay sya…wala kang marating pag di ka nag-aaral, e!”

“Ay sa ayaw ko na, e! Ang layo nga ng nararating ko…dun sa Palawan pag inabot kami ni tatay ng dalawang araw sa pagsunod sa mga Hapon!” yabang ni Butsug, “O, sambeses la’ang nga, e. Bawas kaya ang kita mo?”

Tatango lamang si Tyan. Sambulat naman ang saya ng kaibigan paharurot sa pag-uwi upang paghandaan ang pagdalaw ng kaibigan sa kawayanan. Sa kaniyang pakiramdam tunay ngang kaibigan itong sina Butsug, bagamat may katok, di nakalilimot sa samahan. Naglaro sa isip ang panahong siya ang tsampiyon sa guhit na bilog. Ngunit laos na ang mga panahong iyon, wala nang saysay ang maging tigasin sa guhit na bilog, higit na makatuturan ang maging tsampiyon ng ina at kapatid. Dadalaw siya sa guhit na bilog upang sa huling pagkakataon ay saksihan ang tagumpay ng kaibigan.

Animo loob ng simbahan sa lakas ng ugong ng mga manonood ang daratnan ni Tyan, mangha sa mga pagbabago sa kawayanan. Sa labas pa lamang, patong-patong ang kapal ng tindahang alok ay matamis na tuba at pulutan. May mga tolda ng ukay-ukay ng mumurahing tuwalya, lambat, kawil, ti-syert, manggas, suklob, pekeng Avon. Sa kanug-nog na gubat ay natatindig ang tsubibo, meri-go-rawnd at palabas ng payaso sa entabladong nakapatong sa nuno sa punso – mga pang-aliw na dala ng mga estrangherong nakabalita sa natatanging basagan sa pulo - naglisaw ang mga ligaw na turistang taga-Maynila, naghahanap ng kakaibang trip, at mga reporter ng telebisyong nagpapanggap na tsampiyon laban sa mapagsamantala.

Pagpasok sa loob, sambulat na hiyaw ang salubong ng manonood sa dating tsampiyon. Hilong-tulingan sa mainit na parangal, ngunit duda’y pakana ng kaibigan. Pagkatapos ay matitigalgal sa mga pagtatanghal ala-karnabal: sirkerong patumba-tumba, kumakain ng apoy at lanseta at espada, mga nagmumumog ng bubog at bleyd, sadsad na patawa ng dalawang kaibigang uhugin, na tatapusin sa tatlumpung minuto ng paputok.

“Kasa na!” pigil ni Butsug sa palabasa, “Magka-alaman na e! Sino ang tunay na tsampiyon dine sa Pulo! Kaya, Tyan, isabak na yang dyolens mo, e!”

Atomik bamb itong sumabog sa tutule ng manonood, nagpukol ng alon-along lakas na bumisaklat sa taynga ni Tyan. Natigalgal ngunit di natinag sa kinatatayuan, nangiti bagkus sa hamong di inaasahan. Mahigpit ding pinisil ang nakasabit na dyolens. Naghahanap ng sagot sa mga tanong: isa pa kayang pagsubok itong hagis ng kapalaran sa kaniyang daanan, isang pagpapatiwakal gayong batid niya ang kalalabasan? Ngiti ang naging sagot sa sariling katanungan sapagkat ano pa nga ang silbi ng dyolens sa mga pagsubok na susuungin paglabas sa kawayanan – kung kakasihan ng bathala ng dagat – o sa sinumpang pulo. Maluwag sa dibdib at buo ang pasya, bahagi ito ng buhay na tatapusin na, at kung iyon ang ibig ng kaibigan, basagan itong kaniyang pagbibigyan.

“Yun la-ang pala, e. Are na!” ilalapag ang dyolens sa loob ng guhit na bilog, nang buong hinahon. “Ala’y basagin na, Butsug, e! ikaw nga ang tsampiyon dine, e!”

Hudyat iyon upang bumuhos ang libo-libong bubog mula sa mga kabataang nagmula pa kasulok-sulukan ng pulo, sa mga pulong kanugnog, at kung kapani-paniwala ang salaysay ng dalawng uhog, nagmula pa sa Yuropa, Isteyts, Tsina, Dyapan, kung-saan-saang lupalop.

Mistulang biniyak na pakwan ang mukha ni Butsug sa lapad ng ngiti, ipinukol lahat ng batikang dyolens sa tumpok sa gitna ng guhit na bilog. Sandali pa’y umalibukay ang makapal ang ulap, na maliksing tinangay ng alimpuyo sa kalawakan, duon, upang magsabog ng liwanag. At sa guhit na bilog nganga ang manonood sa nasaksihan, nagka-alaman na nga: natira sa guhit na bilog ay isang nagniningning na dyolens, kulay kayumangging - buong-buo, walang bingot, walang lamat. – dyolens ni Tyan.

Sa isang kisapmata, napalis ang kanina’y masasayang miron; nagsara ang mga tindahan, tumiklop ang upuang kawayan, tumalon sa dagat ang karnabal, naglaho ang mga payaso, nanumbalik ang katahimikan maliban sa ngingit ng kiskis ng mga kuliglig. Sa gitna ng guhit na bilog, naiwan ang apat na magkakaibigan, nagtatalo kung paano mapapatahan ang naglulupasay na si Butsug.

Lutang sa lupa, pauwing naglakad si Tyan sa kanilang bagong kubo, duon sa tabing-dagat kung saan walang habagat, at malayang nagtatampisaw ang mga isda, nag-aanyayang sila’y hulihin sa kaniyang lambat, hawak nang mahigpit ang bilog na bubog.

Mamayang madaling araw, maaga pa ang tugpa niya upang mangisda, sa gitna ng laot kung saan di siya mahihilo ga-pulo man ang laki ng alon.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.