Monday, August 10, 2009

Mamas ko po!

Maikling kwento ni Lem Garcellano

Nag-aagawan ang liwanag at gabi sa Divisoria sa panahong iyon ng tag-lamig ngunit saksi ang ginaw sa init ng habulan sa pagitan ng mga namamangketa at MMDA –

“Bangketa para sa tao!” sigaw ng mga humahabol, kasunod ay halihaw ng yantok di bale kung sino’ng mapukpok.

Sa tindi ng kaguluhan at ragasa ng sanlaksang munting namumuhunan, animo dagang imburnal sa bilis ang sigalpot sa pagtakbo ni Patpat, kasunod ang inang hagok sa hapo at dahak ng bumubulwak na plema sa baga. Sa tulin ng maliliit na hakbang, may sa tagabulag, di mabanaag ang mga paang kalahating dangkal ang haba - nakatutuwa para sa isang batang dalawang taong gulang. Di gayong kagulat-gulat para sa isang namulat sa tulin ng buhay sa bangketa sa Divisoria hanggang Quiapo – lakarin itong babagtasin ng mag-ina ngayong alas-singko ng hapon hanggang sa marating ang simbahan ng Quiapo mamayang hatinggabi.

Aywan ni Patpat kung ano ang espesyal sa araw na ito at mamayang hatinggabi. Kung bakit gayong hagok na sa hirap sa paghinga ang ina'y may kislap pa rin ang mata sa paghahanda sa gabing darating.

“Mamayang hatinggabi, mag-hohototay tayo!” kagalakang susundan ng ubong walang puknat, matitigil lamang kapag hinagod ang likod nya ng anak.

Maging silang kasabay sa bangketa’y animo may habol na di nya mawari: sa pamimili sa bangketa, kuripot na pakikipagtawaran sa laruan, pagkain, pandalas na sulyap sa celphone at orasan. Pilit pang singit ang habulan-taga sa alipores ni Bayani Fernando.

“Bawal ang pulubi dito!” pangaral ng mga ito.

“E s’an ba di bawal? Ha?” tigas na sigaw ng ina, tanong na alam niya’ng kasagutan ay hampas at pukpok ng yantok.

Pagliko sa madilim na eskinita sa Juan Luna, alam ni Patpat, ligtas na sila. Magsumiksik ang mag-ina sa mamasa-masang semento, sa pagitan ng putikang haligi ng dating pabrika ng t-shirt, mananahimik at maghihintay makalampas ang mga kampon ni BF. Bagkus mahinatakutan, mangingit si Patpat. Pagkakataon na naman iyong masiksik sa dibdib, mayakap, madama ang init ng ina sa kaniyang balat. At bagamat tila hinihigop sa maliit ng butas ng karayom ang natitirang oksidyen sa karbon monoksyad na buga ng mga dyipni sa kalyeng iyon, hele-hele ito sa pandinig. Pagod at lungkot ay limot kapag balot na parang kumot ang maliit nyang katawan sa pagkakayapos ng ina. Magkagayon, sa nadaramang pagmamahal manunumbalik ang lakas, biglang lulukubin ng siglang muling mangulit sa kalye, makipaghabulan, manuyo, mam-bwisit, mamalimos.

“’Mos? Mamas?” lambing nito sa ina, “’Mos? Mamas?”

Mos…Mamas...dalawang kataga, laging bukambibig, mga kataga na sa kaniyang isip ay may halaga sa ina.

“Ma-maya..na, Patpat.” Mahinang tugon ni Mamas, paputol-putol sa dalahit ng ubo, “Mag-pa-lamig-lamig muna…tayo. Malas dito…sa Quiapo, swerti tayo dun.”

Agad hihilig sa dibdib, tanda ng pag-unawa. Kung ano ang pasya ni Mamas, iyon ang masusunod sapagkat para sa kaniya laging tama ang ina. Pag sinabi ni Mamas na ‘mos, agad siyang liligid sa bangketa, lahad ang palad, kakalabitin lahat ng taong masalubong. Sapagkat batid nyang pagkatapos ng ‘mos, kahit abutin maghapon, pagsapit ng gabi, may pansit o tinapay silang pagsasaluhan ni Mamas. At sa piling ng ina, batid nyang di lang siya ligtas, may kayakap siyang may angking init kahit pa yayat ang katawang nginangatngat ng mikrobyo ng tibi.

Kailangang maghintay kahit abutin pa ng gabi, alam niya. Kailangan ang pagtitiis sapagkat may hatid itong biyaya kaninoman. Anumang bagal ng pagusad ng mga sandali, may gantimpalang naghihintay sa matiyaga. Sa pagal na katawan, paraiso ang mga sandaling pagbabantay sa paglipas ng panahon. Bawat himaymay ng laman ay malalango sa pagdalaw ng pahingang dulot ng antok, dala’y daloy ng lakas sa bitukang kinkain ng asido, sa bagang plema ang hinga, sa utak na nilalabnot na ang kamalayan…hatid ay ligayang pansamantala… idlip ay kalayaan sa daluyong ng araw-araw na saboy ng alikabok ng Divisoria, Quiapo, Recto.

Mapapapitlag sa paggising ang nahimbing na mag-ina sa buga ng busina ng mga dyipning namamasada. Pagmulagat ay hahantad ang gulong sa mukha, at kung hindi nakasiksik sa pagitan ng haligi malamang nahagip ng nagbanggaang kotse at dyip. Swerte, sa isip ni Mamas, matapos ang malalim na buntunghininga, habang kalong ang nangangatal pang anak. Sa dasal maririnig ang pasasalamat sa kabigan sa itaas. At agad magugulat, maaalala ang karera ng oras na naudlot sa pagkakahimbing – isang kasalanan sa kaniyang tingin dahil sa bulsa, mahina pa ang kalansing ng mga barya, kulang panghanda sa hatinggabi…hindi…hinding-hindi para sa kaniya…kulang pa ang barya para sa mainit na sabaw ng hototay na sasayad sa sikmura ng anak...ngayong natatanging gabi, gabing parasa kaniyang anak.

Ngunit nagbabanta na ang lalim ng gabi, at malayo pa ang simbahan ng Quiapo.

“Pat…tara na. Malayo pa tayo sa simbahan…”

“Mos? Mamas?”

“Oo. ‘Mos…"

Pagtayo’y mabilis na malulugmok, muntik-muntikanang mabitiwan ang anak, sinasalag ang bayo sa dibdib. At saglit pa’y, yanig ng pagsabog ng kumakawalang demonyo. Sunod-sunod, animo’y mundong nililindol, bubulwak ang plemang may palamang dugo.

“Diyos ko…wag po muna ngyon!” usal ni Mamas.

“Mamas?” ingit ni Patpat na may pag-aalala.

“Walang anuman, Pat. Tara na.”

Huhugot ng isang malalim na hinga, at magpapatuloy ito sa paghatak sa paa, gayong nauupos ang lakas sa mga binti at hita.

“Dalian natin, Patpat…baka maunahan tayo sa pwesto.”

At bakit hindi nga magmamadali: humuhugong sa tenga ang sermon ng pari sa misa, kahit malayo’y dinig na dinig niya; humuhugong din ang sagot ng mga nagsisipag-samba; kumonyon! Malapit nang maglabasan sa simbahan, kapagkuwa’y mag-uunahang maka-uwi sa kani-kanilang tahanan upang ipagdiwang ang hatinggabing natatangi. Kaladkad ang katawan, karga ang anak, anghel itong walang pakpak, lilipad sa paghabol sa mga nagtatangkang tumatakas sa kaniyang anak… lahad ang palad, naghihintay sa ’mos.

“’Mos…Mamas.”

Angat sa lupa ang mga paa, liliparin ni Mamas pagbagtas sa pandemonyo ng Recto Avenue. Di alintana ang mga tarantang kislap ng mga tivoli lights, ng mga sumasambulat na liwanag ng mga palamuting reindeer, santa klaws sa mga gusali at apartment, o maging ang mga nakaririnding tugtuging joy-to–the-world-silent-night-holy-night - mga kaaliw-aliw na tanawing di makaliligtas sa mata ni Patpat. Wala saysay iyon sa ina. Ano ang mga kislap at tunog sa mainit na hototay …sa panahon ng tag-lamig at natatanging hatinggabi ng kaniyang anak?

“Mamas…lamig!”

“Isipin mong humihigpop ka ng hototay, anak.”

Kapit-tuko itong mangungunyapit kay Mamas…kanlungang kinamulatan sa bangketa, arawgabi initlamig, sa ilalim ng tulay sa kanilang kahonbahay ng Samsung TV, sa putikang Divisoria at Tondo church, sa Quiapo, sa hiraptiis mula nang makulong ang ama (napagbintangang nagnakaw ng isang kahon ng mansanas sa Tutuban nuong, sabi ni Mamas, panahon ng tag-araw).

Sa paghataw sa Avenida, kung saan naglisaw ang mga mandurukot at mang-aagaw ng bata, si Mamas ay kapiling anuman ang kaganapan hinaharap, araw-araw, oras-oras - siya na may isusubo sa kanyang bibig kahit panis, inaamag na hamburger, palabok, pansit malabong nabulatlat sa trashbag ng Jolibee o McDo o Chowking o Red Ribbon o Moderna (ano ba iyong initin sa lata ng Nido sa apoy na pinarikit sa may ilalim ng poste ng Meralco) o ma-amutan ng limos ng dumdadaan-daan sa pwesto sa tabi ni Cathay na magte-tela sa Ilaya, bagamat nandidiri sa kanilang libag at asngaw ng basahang damit, samyo’y halimuyak ng imburnal.

At ngayong abot-tanaw ang simbahan ng Quiapo, si Mamas itong bagamat sagad ang lamig, hinihila sa hukay ang mga paa kahit sipsip ng tibi ang lakas ng katawan, sapagkat dapat magmadali, dapat sumalubong sa mga nagsi-samba, aapuhap sa limos na mahalaga...hindi...limos na hindi para sa kaniya.

Hahatkin pa ang mga paang tumututol na, namamanglaw man ang paningin sa tindi ng gutom at pagal na kalamnan. Sapagkat sa malayo tanaw na ang baha ng pulutong luwal ng simbahan, at higit pa'y sakmal ng ligalig dala ng mga kaaway na pulubing nakatirik na sa kani-kanilang haligi, ala-kristong bukas-palad, naghihintay sa biyaya mula sa kanilang may basbas ng simbahan.

“Huli na tayo…naunahan na tayo sa pwesto!”

Katal na tinig ng ina iyong alam ni Patpat, na sa bugso ng awa, kakawala sa buto’t balat na bisig ng ina, at palasong lalagos sa makapal na hanging hatak ng mga higanteng naglisaw sa Plaza Miranda, walang pakundangan sa kaligtasan, di baleng matadyakan, mabalibag sa kalsadang babad sa dumi ng kasalanan, walang humpay ang sigaw, sa tonong matinis na palahaw:

“’Mos po! ‘Mos po!”

May taginting ng takot sa kaniyang tinig - kukulangin ang baryang malilimos? walang maiabot na ‘mos sa ina? walang mag-amot kahit bulag na barya? kahit sanay siyang di malimusan kahit magtitihaya pa; libong ulit maiwasan, mapagalitan, masermunan, masapak... ngunit kakaiba ngayon ang panahon, tag-lamig itong inaasahan ni Mamas, kinakailangan ang tigas…hahagarin silang lahat, hahatakin ang pantalon, palda, hita, binti…

“’Mos po! ‘Mos po!”

“Batang ‘to! Sabihin mo sa nanay at tatay mo, magtrabaho sila!”.

“Letseng magulang mo! Anak nang anak, di ka naman mapalamon!” yamot na sumbat ng isa pa, tatabigin ang kamay ni Patpat.

‘Gubyernong letse kasi! Kung walang korap, walang pulubi sa kalsada!”, hinagpis naman ng isa, ni hindi makapaghagis ng barya.

Mga patutsada iyong karaniwang tunog sa tenga ni Patpat, pandagdag sa mga katangang 'mo at mamas. Magulang? Anak nang anak? Gubyerno? Ano yun...basta sa ‘mos, magiging maaaliwalas ang lahat. At kay Mamas, sanay na sa mga pasaring, pagkat batid nya ang katotohanan, masakit man ay may marangal niyang tanggapin. Makarating lamang sa bukana ng simbahan ay isa ng tagumpay sa gabing iyon. Ilang hakbang pa ay yayapak na siya sa lupang pangako, kung saan umaawas ang biyaya. Anumang mangyari, sa gabing iyon matutupad ang isang pangako.

Hindi kanlansing ng barya ang sasalubong sa ina sa bukana ng simbahan kundi matigas na siko ng kaagaw na pulubi.

“Tangnang hikain ka! Una ako sayo dito a! Sibat!” sigaw nito sabay amba ng sampal.

“Tibihin na nga, pinapatulan mo pa!” singit ng isa.

“Walang tibihin sa akin, oy! Pare-pareho naman tayong namumuhunan dito a!” sagot ng una, akmang sasamplain si Mamas.

Isang mamula-mulang buga ng plema ang kumawala sa bibig nito- sapol ang mukha ng kaaway. Isang malakas na suntok naman ang sukili, dumapo sa panga. Para itong kandilang naupos, di na namalayang pinupog at inihataw sa bangketa ang ulo.

“Mamas ko! Mamas ko!” palahaw ni Patpat, daluhong sa kumakabayo sa ina. Sa bilis ng sampalan, napasuot sa pagitan ng dalawa, naiipit at nagmistulang bulok na hamburger na nakalahig sa tambakan. Sa tagpong iyon pumagitna ang karamihan sa mga pulubi, inawat ang may lakas, gayong wala nang ulirat si Mamas. Naiwan itong nakabulagta sa gitna ng Plaza Miranda, at parang walang anuman nagpatuloy ang daloy ng trapiko, rumagsa ang paa ng tao, kumalansing ang ‘mos paghagis sa kalsda. Isang pulubi ang nagdalang-awa’t hatak na inilagak sa tabing bangketa ang ngayo’y nagkakamalay na ina.

“Mamas?” kalabit ni Patpat.

“Wag mo kong alalahanin…’mos na,” utos ng ina.

Mabilis tumalima si Patpat. Masigla itong pumagitna sa tarangkahan, sinalubong ang pulutong na nabawasan ng kasalanan. Lahat sila’y pinigilan, hinabol ang umiiwas, kinulit ang makukunat.

“Mos po!”

Ngayong gabi, kakaiba ang hagod ng tingin ng mga taong nagmamadali, puna ni Mamas. Higit ang pag-iwas, nilulunok ang suka na nakabara sa lalamunan. Dala kaya ng kanilang inasal? Patunay kaya na silang mahihirap ay napakababa ng pagkatao na sa halip maayos abutan ng limos, baskus ay tapunan ng barya tulad ng asong hinahagisan ng pagkaing tira-tira?

Kakaiba na rin ang lamig na hatid ng hangin. Pinasidhi nito ang bangis ng mikrobyo sa kaniyang baga, ngayo’y buong bagsik nitong binubusbos ang manipis na dingding ng ugat ng sako-sakong imbakan ng hangin, pinadadaloy ang dugo, unti-unting napupuno ng baha animo kapatid na dumarating na sama ng panahon.

“Hak! Hak! Palimos…hak!...po!

Mga huling kataga iyong bubulwak sa kaniyang bibig na natutuyot, dinidilig ng dugong umaagos.

“‘Mare. Tara na sa Mary Johnston!” pilit ng isa.

“Tanga! Mahawa ka pa!” babala ng pangalawa. “Nagpapa-awa lang ‘yan. Hoy kumita na ‘yan!”

Kahirapan nga kaya’y isang pagpapanggap maging sa mga mahirap, isang uri ng pagganap tulad ni Vilma Santos sa pelikulang “Ang maging Ulila.” O akting ni Nora Aunor sa “Himala”. Sabagay nga’t marami nang pumeke’t pinagkitaan ang tunay na kahirapan, hinubaran pa ng karangalan: mga batang sanggol karga ng gusgusing babae, naka-Benadryl na tulog; mga pulubing alipin ng sindikato; bulag na hindi, pilay na hindi; sira ulong hindi. Ang katotohanan ay singpula ng dugo sa bibig ni Mamas, at iyon ang katotohanang di mapaniniwalaan ninoman. Mahalaga'y kapiling ang batang sa kaniya’y nananalig, nagmamahal at naka-uunawa.

“Mamas! ‘Mos! ‘Mos!” pagbukas ng maliliit na palad, aawas ang piso, bente-singko, mananaka'y limang pisong barya.

“Mamas! ‘Mos! ‘Mos!” Sandakot na barya iyong alay, at sa himig ay minamadali ang ina. Tila bagang ngayong naka-ipon ng barya, magmamadaling makauwi sa ilalim ng tulay dahil malamig ang gabi, magtago sa loob ng kahon ng telebisyon, mamaluktot sa kapirasong sweter na Lacoste, katabi at yakap si Mamas, at kung magmimilagro’y makatikim ng pangakong hototay soup.

“Mamas! ‘Mos! ‘Mos!” mga katagang kasabay ay matamis na ngiti at sorpresang hindi inaasahan ng ina: isang balutan ng hamburger ng Jolibee, may kagat na, pilit na sinusubo sa nagulat na ina. Sa halip na tumawa, bumalong ang luha nito’t mahigpit niyakap ang anak, di pansin ang nabubuong pagsabog ng ubo sa dibdib, habol ang hininga, pagluhang walang pag-aalala sa sariling kalagayan kundi luha ng lungkot sa mapait na katotohanan.

“Ikaw ang kumain, anak,” bulong kay Patpat, tila nauupos na tanglaw ng bituin sa hatinggabi na tinakpan na ng maitim na ulap.

Tunay nga ang ulat ng panahon kanina sa malaking tv sa ibabaw ng Mercury Drug. Sasagad ang baba ng temperatura, huhugos ang ulan, di manunungaw ang mga bituin, gayundin ang pinakamalaking talang laging tanglaw sa sansinukob, sapagkat, ayon sa tagapag-ulat, kakaiba ang ingit ng langit ngayon sa lahat ng panahon ng nagdaang tag-lamig.

Sa simula’y ambon, ilang saglit pa’y buhos ng ulang hinulugang taktak, malakas ang lagapak, raragasa sa mga kanal at imburnal. Tangay ang mga labing ganda at dumi ng iiwang taon, mga dumi ng usok, agiw, kasakiman, kagahaman, kalungkutan, kasiyahan, tagumpay…hatak ang kapirasong Jolibeeng may kagat sa tabi…hahabol sa mga paang nagtatakbuhan pasakay sa mga dyip, auto, Pajero, Mercedes, BMW pabalik sa kanilang mga tahanan kung saan maghihintay sa pagdatal ng hatinggabing buong taon inasahan… lulunod sa ingay ng mga sigaw at tili ng mga nilalang na umiiwas matabig ang katawan ni Patpat, Mamas na nakahandusay sa baha, ngayo’y hindi na dinadalahit ng ubo o dumadahak ng plemang dugo, tahimik, at walang kakibo-kibo.

Ulan itong di naging matagumpay na lunurin ang palahaw na iyak ni Patpat.

“Mamas ko po! Mamas ko po!”

Mga katagang gugulat sa mga nagdaraan.

“Ay! Pasko na!” Galak pang dudukot ng sandaan sa pitaka, ililimos kay Patpat, hangos na tatalilis, magtatampisaw sa tubigbahang sasaboy sa mukha ng mag-ina.

“Mamas ko po!” bunghalit ni Patpat.

Saturday, July 4, 2009

Kay Susan, mang-aawit


Mangyari’y di mangulila
Sa iyo gayong inulila
Gayong hindi: pagkat sariwa,
parang kani-kaninang tuwa
ang taginting ng tinig naulinig
na siphayo sayang alingawngaw
sa mga awiting angkin ng kaluluwa
mo’y pagsuyong di nagmaliw
at poot sambulat ng masuyo
nangangatal na labi at lalamunan
pagdiriwang mistula
mapagpalaya sa pakikihamok
personal at impersonal
nagpupuyos na pakikipagtuos
sa mapaghamon mapag-imbot
gayong tinig lamang, at himig
titik ingit iyak bulong

sariwang-sariwa:
lagapak ng sapak
ng mga awit
ng mga kataga nanunuot
sa kuyukot ng kamalayan
may kilit’t kurot
sa kanilang walang saysay
sa pagsulong ng kasaysayan

hanggang sa dulo
hanggang sa katotohanan nito

sa kalabit sa litid ng ating gitara
may pipitlag sa dibdib
natin: luwal ay taginting
awiting kalayaan, nagpupumiglas
kumawala

mangulila sa iyo’y
di mangyayari gayong inulila
bagkus mananatiling padiriwang
sa buhay mo habambuhay,
gayong buhay sa puso
ang mga tunog at alaalang
di inulila.











Friday, April 24, 2009

TAKBO NI ANTUNYU


Pagmulat ni Antunyu
sa basahang lampin
kakambal ang tubong
ekta-ektaryang pananim
ni Don Torcuato
mana sa ninunong sakim
sa katas ng kasaysayang
singhaba ng espada
ng sakada, pakilasa’y maasim.

Nakayang tiisin, sa pag-asang
bawat tabas ng espading
ganrantiya ang kubo
pandong sa ulo
at ulam na kakanin…
hanggang matauhan,
siya pala’y may karapatan
ewan anuman yun di alam -
mabuhay ng marangal,
makatarungan - usal
ng nakakaalam sa mahiwagang
tubuhan. Kaya lamang
niratrat ng masinggan
isang araw sa harap ng kapitolyong
bantayog ni Meyor Don Torcuato.
Ba! Sa takot madedbol
karipas ng takbo
nagkubli sa kakambal 
na mapagpalang tubo.

Pupungas-pungas
napukaw sa alingasngas 
ng Ilog Pasig na maangas,
sa pabrika ng Nestle
at uy! may pangkape
at pag sinuwerti, bahay at lote…
at uy, sobrang kape, 
ninerbyos, napamulagat
siya pala’y api
sweldo’y  kulang pangkape.
Naturete, sumali sa unyon
kaso, napukpok ng ratang baston
bungo ay putok, 
pulang dugo sabog
natakot!
karipas, karipas, 
karipas ng takbo
si Antunyu!
aba! Kung makalaboso, 
lagot si Amy, Tricia, Ting, 
Maning, “ay ala! kapalaran pisting yawa!”
mga supling. 

Nahimasmasan
sa Kotabato nakipagsapalaran, 
bayan ni Kato, kumpareng buo.
Miyembro ng Ilagang may kato
bisayang pulutong ngumangalot
ng tengang malutong ng alagad
ni mohamad. Antunyu, ay alat!  
Nakitadtad! Nag-ihaw ng tenga,
atay, Ay! Kay Favalli yata yan, a!
Kaso, niresbak ni Jamilaton
si Jungle Fox, tagapagtanggol.
Buti na lang nakatakbo, 
bayag sapo. Ilag, Antunyu! 
Pag inabutan ka, tapos ang lahi mo.
Babalatan ang talampakan, 
bubunutin pa ang kuko.

Ewan, tinakasan
ng bait, bwelta sa kamaynilaan
masakit, habol ng nakaraan.
Natuto yata sa kapalaran
di na magtatabas
di na mamasukan
di na mananadtad
magbubuhay mayaman na lang
sa sariling masyon
sa lilim ng puno
sa gitna ng Quezon 
bulebard. Sagana sa pagkain
sa assorted menu ng Chowking,
Jollibee, McDo.
Kaso, delikado sa MMDA
at skwater na butangero
kaya
karipas, karipas, karipas
karipas pa rin ng takbo.
Si Antunyu.

Thursday, April 23, 2009

AYWANABILAYK TED


Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Si ted failon royal treatment
ng mga pules. Korek!
Tatlong oras bago nareport
sa pulis ang trahedya ng asawa
scene of tragedy nilinis pa.
Kung si kulas yang napagkamalan
kalaboso agad,
kahit naghihingalo pa sa  ospital
si misis.  Pakialam!

Powtek! Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Pantay pantay lahat sa batas
buga ni San Diegong pulis
walang mapurol, walang matulis, 
walang mayaman, walang tolongges,
walang warrant, walang paliwanag, 
arestado agad, sa presinto kaladkad.
Pero syet ngang powtek, 
Tigasin si pareng Ted,
Inimbita nga sa presinto
kinunan lang ng isteytment.
Paano kung MMDA kayang magwawalis?
Malas ka.  Batok agad, tadyak
mura, sentensyado agad, syet!

Powtek na syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Abusado raw ang pulis kay Ted
Kawawa nga raw si pareng Ted. 
Kaya andun agad ang siyopaw
ng PAO, sugod agad sa pagsapaw
sa harap ng camera, smayl, wow!
pero pag aktibistang pinapalo ng pulis
asan ang tagapagtanggol,
diin nya, ng mga smol pipol? 
Wow, kumakain ng syopaw.

Kaya nga powtek! Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Aping-api raw ang “Kapamilya”
sa nangyaring trahedya
pinalalabas daw mamatay-tao
ng mga alipores ni San Diego
Mga katoto’y  umatungal 
sa ABS-CBN studio. Kesyo ganire
kesyo ganito, halos 24 oras sa ere.
“we just followed what the police did.
They made the story, we followed
what they said.” para alamin ang puno’t dulo.
sobrang tutok daw ani Luis Teodoro
kaya daw di na malaman 
kung ano’ng haka-haka sa totoo.
Ang totoo, pag di ka malakas
sa medya, kalaboso kang
bata ka. Ted swerti mo!

Hay, powtek! Syet na malagket
Aywanabilayk Ted.

Ano ang bago?
Ano pang kagulat-gulat dyan?
Hindi nga patas ang laban
sa buhay, oo, yun ang kasabihan.
kaya kung si Ted Failon ka
(o Mike, Tony, o sinong ma-impluwensya)
meron ka nang
lamang.

Syet ngang malagket! Powtek!
Aywanabilayk Ted.

TANIMAN NI DOM-AN



Sagana ang ani 
ng mga pananim
sa bakuran ni Dom-an,
dating DH sa Hongkong
tubong Sagada: 
peras, sinigwelas, papaya;
gulay na soya, letsugas,
kamatis; bulaklak na sinya,
jade – laki sa dilig 
ng pagmamahal,
pag-unawa, pagpapatawad
sa pumaslang sa  asawang

Pepe, misyonaryong
nagtanim ng  mahiwagang binhi  
sa masukal na looban
ng Ilocos Sur

sa puso ng mga magsasaka:
binhi ng karapatan
binhi ng kalayaan
binhi ng pag-asa
mga pananim
dinilig ng pagmamahal
pag-unawa, pagpapatawad
at dugo.

Sa anihan,
maligayang magdiriwang
si Dom-an 
sa masaganag biyaya
ng taniman ni Pepe
sa Ilocos Sur 
duon sa masukal 
na ka-looban.

Saturday, March 28, 2009

Walang gutom



Sa Pinas walang gutom
ani kulas: tingnan si Mrs. Ting
umaawas ang ref sa Krispee Kreme
Savory Chicken, Goldilock’s,
Donut – Mister at Dunkin’
katas ng panggigipit
sa aring pabrika ng gatas –
pampadede kay Junior Ting
obese na anak.

Dagdag pa nya, 
malasin si Mr. Kong
paldo’ng bulsa sa malutong
na perang kupit sa konstruksiyon
kontrata sa highways. 
Ayun, patong-patong
sa  mansyon litson at alak,
buto-buto’y di pa maitapon 
kay Delyang katulong -
kay pit bull, bagkus, pinukol
spoiled, asong ulol.

Wala, walang gutom
sa mahirap o mayaman 
tomas o tomasa, Inigo o Lucio
sa Megamall, Ayala Mall
Galleria Mall, Star Mall
saanmang shopping mall
ni Henry Sy. You’ll see
maging pulutong ng tsinelas,
lalo na pag-atrenta o kinsenas
swis lang ng credit card
o kiskis ng cash
tighaw ang uhaw, 
gutom ay tunaw -
kahit isang kahig at tuka
kahit ubos-ubos biyaya
dahil bukas, bukas, bukas
‘sangkahig ulit santuka
O wala.

Dahil nga walang nagugutom
sa Pinas, diin ni kulas. 
Sa tulad nyang may palasyo 
sa daang Kalayaan, QC
duon sa tabi ng V. Luna
sa island, lupang surrounded 
not by water but mga jeepney
kotse bus konkretong kalye
nakomisyunan ng malaki
ni Mr. Kong – walang gutom sa kalye,
menu’y available sa tabi-tabi.
Konting wais lang, turo niya’y ganire:
mangalahig ng basura sa tabi-tabi,
sa MacDo, o Chowking o Jolibee
sa Wack-Wack, pag swinerti
may tira-tira pansit o burdyer o sopdrink 
o kaning panis; neks sa prosidyur
magparikit ng styropor 
isalang sa apoy ang takip ng Nido,
ipatong ang na-order mo,
langhap-sarap ang halimuyak
ng bulok na nagliliyab. Presto!
Bon apetito. Brekpastlantsdiner
Serbportu, tri, por…twenipor
Ageynst da setingsan ober QC hall.

Wala, diin ni Kulas,
walang gutom sa Pinas.

Wednesday, March 25, 2009

Pormula ni Kiko


Si Kikong Kinse
anyos may pormulang mahiwaga-
turo ni Aling Hibang Laslas
aniya’y gayuma may kabayo’ng lakas
para magbalik ang watiwat.
Simple lang ang timpla, 
dalawang sahog – bleyd at pupulsuhan:
si Kiko, kaya tadtad ng peklat
patong-patong na landas-hiwa – 
ritwal niyang pagdukot sa ugat
anuman iyong bara sa dibdib
anuman iyong bikig
anuman iyong, ngayong 
kinse anyos pa lang,  hilahod
ang loob sa araw-araw na pagsubok
sa lansangan, sa tulay sa Cambridge
Cubao, kung saan patong-patong ang yero at kongkreto
ang luha at pighati, tuwa at pagpupunyagi,
titi at kiki, mga peklat sa pupulsuhan
ng ilog Pasig.

“Pero bakit wala pa rin si mama?”

ikaw na’ng, sa walong taong gulang
pa lang, ipagtabuyan ng ‘tang 
inang patay-lasing, maga ang kasing-kasing
sa bigong pag-irog ng asawang plip
sa bato – kapiling ng walong supling
ay ipamigay sa kapitbahay, sa tambay
magtaka ka pa’ng tubuan ng sungay?
ngayong kinse anyos, lungayngay
sa paghagilap sa bagong pormula:
nauna’y sablay…

Ngunit, himala, laging may sagip.
tsk tsk buhay nya talaga’y plip!
masagip ng bagong ama-amahan
wag magkamaling angalan 
may sikmat sa pisngi agad, hayan 
sapin-sapin ang peklat
bukod pa’ng sa pupulsuhan:
“Alat ang isnats sa Culiat? Ala kang pakinabang!” 

at kung hindi nga naman matugunan 
ang simpleng hiling naman ni Amang
lagot, wala ng ina, wala pang ama
ay ala! walang nagmamahal!
Kahit agaha’y suntok, meryenda’y kalmot
lambing lang iyon, karinyo-brutal:
“opo, opo, dedelihensiya na po, amang!”
e kung ipagtabuyan?

“Kala ko, mahal nyo ako.”

Si Kikong Kinse, tiis 
sa kagat-lamok-daga-ipis 
sa ilalim ng tulay na bahay 
nilang barkada. May bagong pormula: 
yung mabango, 
yung mahalimuyak
yung sarap-langhap, 
yung turo ni Emong Singhot
sa ilalim ng tulay, sa teritoryo ni Pulis, 
sa ilalim ng tulay: “Tsip, sabit, rolex lang, o!” 
bagong pormula para sa lumang
sakit na nadarama: pagmamahal?

“Nanakawin ko yun!”





Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License.